Inalila at Itinuring na Alipin ng Sariling Tiyahin at mga Pinsan ang Dalaga, Nang Umikot ang Gulong ng Kapalaran ay Lubos ang Pagsisisi Nila sa Ginawa Rito
Si Althea ay panganay sa limang magkakapatid na dahil sa kahirapan ay nanuluyan sa kanilang tiyahin sa Sampaloc para maghanap ng trabaho. ‘Di sapat ang kinikita ng kanilang mga magulang sa pagtatanim ng palay sa probinsya para mairaos ang kanilang pang-araw-araw kaya naisipan niyang tulungan ang mga ito na kumita ng pera.
Nang lumisan ang dalaga sa bahay ng tiyahin ay ipinasa na kanya ang halos lahat ng gawaing bahay: paglilinis, paglalaba, pagluluto, pamamalantsa, pamamalengke, paghuhugas ng pinggan at kung anu-ano pa. Sa madaling salita, hindi siya nakahanap ng trabaho sa Maynila sa halip ay ginawa siyang katulong ng sarili niyang tiyahin.
“O, heto pang mga labahan. Kusutin mong maigi iyan ha! Ayaw ng mga anak ko na marumi ang mga damit nila kaya pagbutihan mo ang paglalaba,” wika ng tiyahing si Normina.
“Opo, tiyang,” matipid niyang sagot.
“Pagkatapos mong maglaba ay mamalengke ka, wala nang laman ang ref. Naiintindihan mo ba ang sinabi ko sa iyo?” tanong pa nito.
“Opo, tapusin ko lang po itong mga labada at pupunta na po ako sa palengke,” aniya.
Mayroong apat na anak ang tiyahin niyang si Normina. Dalawang babae at dalawang lalaki. Katulad ng ina ay may kagaspangan din ang ugali ng kanyang mga pinsan. Animo’y mga senyorito at senyorita mula nang tumira sa kanila si Althea.
Ang panganay na si Carmi, gayong dalawampu’t dalawang taong gulang na, ay nagpapahilod pa ng katawan tuwing maliligo ito.
“Hoy, Althea! Hiluran mo nga ako at hindi ko maabot ang likod ko. Pati itong kili-kili ko ay kuskusin mo na rin!” utos ng pinsan.
Ang isa namang babae niyang pinsan na si Iris ay siya pa ang gumugupit ng mga kuko sa kamay at sa paa. Pinagsasalitaan pa siya nito ng masama kapag hindi nito nagustuhan ang paggugupit niya sa mga kuko nito.
“Tatanga-tanga ka naman, e. paggupit lang sa kuko ko naggkakamali ka pa. Ayusin mo nga ang ginagawa mo!” angil nito.
Ang dalawang lalaki naman niyang pinsan ay laging pagalit o pasigaw kung mag-utos sa kanya. Kapag nagpapaabot ang mga ito ng kung anong gusto nilang ipaabot sa dalaga ay may kasamang mura at iba pang masasakit na salita.
“Tang*na naman, pinakuha ko lang sa iyo iyong tsinelas ko sa kuwarto ko inabot ka na ng siyam-siyam! Ang hirap kasi kapag boba, e!” wika ni Bob.
“Kanina ko pa rin iniuutos sa iyo na kunin mo ang naiwan kong toothbrush sa banyo, bakit ang bagal mo kumilos? Letse!” sabi naman ni Jenvic.
Kapag naglilinis ng sahig si Althea ay di man lamang nag-aalis ng sapin sa paa ang mga pinsan kapag dumarating. Animo’y nang-iinis pa ang mga ito kapag dadaan sa harapan niya. Samantalang si Althea ay hirap na hirap sa kakukuskos at kakalampaso sa maduming sahig habang nakaluhod at nakayuko. Kapag naglalaba naman siya ay palaging pabalibag na inihahagis ng mga ito sa kanya ang mga damit na pinaghubaran.
“O, labhan mo iyan ha. Kapag natuyo ay plantsahin mo agad!” paangil na utos ni Carmi.
“Gusto ko malinis ang mga damit ko lalong-lalo na ang uniporme ko sa eskwelahan,” sabi naman ni Iris.
“Iyang pantalon kong maong ay labhan mong maigi. Kapag hindi ko nagustuhan ang gagawin mong paglalaba ay ipapaulit ko iyan sa iyo,” pagbabanta ni Jenvic.
Maaga ring gumigising si Althea para simulan ang mga gawain niya: Laba, luto, hugas pinggan, linis at iba pa. Halos wala siyang pahinga katatrabaho mula umaga hanggang gabi sa bahay ng tiyahin nang walang sahod. Hindi man lang siya inaabutan ng tiyahin kahit magkano. Ang dahilan naman nito ay nakakakain na naman daw siya ng libre kaya bakit pa kailangan siyang pasahurin?
Kahit kailan ay hindi siya itinuring na kamag-anak ng tiyahin at ng kanyang mga pinsan. Kapag may mga dumadalaw na kaibigan ang mga ito, tsimay o katulong ang pakilala sa kanya. Sa hapag kainan naman, si Althea ang tiga-silbi. Hindi siya isinasabay sa pagkain at laging huli, gayong mahaba naman ang mesang kainan.
Isang araw habang namamalengke ay may nakita siyang pamilyar na mukha.
“S-sir Bernard?” tawag niya sa lalaki nang makita itong namimili ng mga prutas.
Nang lumingon ito sa kinatatayuan niya ay natuwa ang lalaki nang makita siya.
“Althea, ikaw nga ba? Kumusta ka na?” bati nito.
“Okay naman po, sir. Narito na rin po pala kayo sa Maynila,” aniya.
“Oo, dito ako nadestino para magturo sa isang State University. Ikaw, naipagpatuloy mo ba ang pag-aaral mo sa kolehiyo?” tanong nito sa kanya.
Si Sir Bernard ang isa sa kanyang mga guro noong nag-aaral pa siya sa high school. Nabigyan ito ng pagkakataong makapagturo sa isang kilalang State University sa bansa dahil sa angkin nitong talino at galing sa pagtuturo.
“Hindi na po kasi ako natuloy sa kolehiyo. Pumunta po ako rito para magtrabaho para matulungan po ang aking mga magulang sa probinsya ngunit hindi rin naman po ako nakahanap ng trabaho dahil tumutulong po ako sa bahay ng aking tiyahin,” sagot niya.
“Kung gusto mo ay tutulungan kitang makapag-aral ng libre sa kolehiyo. Lalakarin ko ang aplikasyon mo. Sayang, Althea matalino ka pa naman. Malayo ang mararating mo kapag nakapagtapos ka ng pag-aaral,” anito.
Pinag-isipan niyang mabuti ang alok ng kanyang guro hanggang nagpasiya siyang ipagpatuloy ang pag-aaral niya sa kolehiyo. Pinayagan naman siya ng tiyahin sa balak niya ngunit dapat ay hindi pa rin niya ihihinto ang paggawa sa mga gawaing bahay. Nakapasok siya sa State University kung saan nagtuturo si Bernard. Kahit libre ang matrikula ay nagkaroon pa rin siya ng mga suliranin sa kanyang pagbabalik eskwela.
Dahil wala siyang pamasahe ay palagi niyang nilalakad ang papunta at pauwi mula Balic-Balic hanggang Santa Mesa. Palagi rin siyang nagtitiis sa biskwit at tubig na baon niya sa klase. Pag-uwi sa bahay, kahit pagod at gutom ay kailangan niya munang maghugas ng mga pinagkainan na nakatambak sa lababo bago siya makakakain. Kadalasan, matutulog na lang siya ay pasigaw pa siyang uutusan ng mga pinsan.
“Hoy, plantsahin mo muna itong long sleeve ko! Kailangan ko iyan bukas!” pasigaw na utos ni Bob.
“Sige, gagawin ko,” aniya.
Nairaos niya ang pag-aaral dahil sa kanyang pagtitiyaga at pagsisikap ay nakapagtapos siya nang may karangalan. Iginawad sa kanya ang titulong Suma Cum Laude sa kursong Edukasyon. Napagpasiyahan niya na umalis na sa poder ng tiyahin para maituon pa niya ang oras at panahon para sa pagpapakadalubhasa sa natapos niyang kurso. Muli siyang nag-aral hanggang sa matapos niya ang Doctor of Education. ‘Di nagtagal, si Althea ay naging matagumpay na educator at negosyante. Nakapag-asawa rin siya ng isang doktor. Naiahon niya ang kanyang pamilya sa hirap at kasakukuyang maganda na ang estado nila sa buhay. Nagpasalamat din siya sa gurong si Bernard sa pagtulong sa kanya para makabalik siya sa pag-aaral.
“Binabati ka namin, anak sa lahat ng narating mo,” wika ng ina.
“Para po sa inyo ang lahat ng ito, inay. Sa wakas ay naihaon ko rin kayo sa hirap,” sabi ni Althea.
Nang malaman ng kanyang tiyahin at mga pinsan ang narating niya ay laking pagsisisi ng mga ito sa ginawang pang-aalipin sa kanya. Sino ang mag-aakalang ang dating alilang kanin ay isa nang matagumpay, at respetadong tao sa mataas na lipunan? Ang mga pinsan na sa kanya ay nang-api noon ay walang natapos na pinag-aralan at nakapag-asawa pa ng maaga na mga hirap din sa buhay.
Nagpapasalamat naman si Althea sa mga ginawa ng mga ito dahil kundi dahil sa pang-aapi at pang-aalipin ng tiyahin at mga pinsan ay hindi siya nagkaroon ng lakas para ipagpatuloy ang kanyang pangarap para sa sarili at para sa kanyang pamilya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!