Itinakbo ng Babae ang Pera ng Kaibigan Para Ibigay sa Nobyo, Malupit ang Kabayaran ng Kanyang Pagnanakaw
High school pa lamang ay matalik nang magkaibigan sina Gemma at Arianne. Bagong lipat noon sa subdivision nila si Arianne, mahiyain siya at walang kaibigan nang lapitan siya ni Gemma at mag-alok ito na sabay na silang pumasok tutal ay iisa lang pala ang eskwelahan nila.
Mula noon ay hindi na mapaghiwalay pa ang dalawa, parang magkapatid na rin ang kanilang turingan palibhasa ay parehong nag-iisang anak. Hanggang ngayon nga na naka-graduate na sila ng college ay ganoon pa rin ang magkaibigan.
“What do you think? Bilang magaling ka sa pera, ikaw ang tututok sa finances natin. Habang ako naman sa marketing,” nakangiting sabi ni Arianne.
Pinag-uusapan nila ngayon ang restaurant na matagal na nilang pangarap na itayo, ang saya saya ng dalawa dahil sa wakas ay abot kamay na nila iyon. Sapat na ang kanilang mga naipon.
“Ayos yan, tingin mo sa September ay pwede na tayong mag-open?” excited namang tanong ni Gemma.
“Oo naman! Basta matapos lang itong pagpapaayos natin sa nirerentahan nating commercial space. Syempre alam mo na, Japanese ang theme natin kaya kailangan mafi-feel ng customers natin na Japan ang ambiance diba,”
Mabilis lumipas ang mga buwan at nag-open na nga ang kanilang restaurant. Dinarayo iyon ng mga customers dahil bukod sa maganda ang ayos ay masasarap rin ang pagkain.
Sa kabila naman noon ay nahalata ni Arianne na iba ang ikinikilos ng kanyang kaibigan.
“Huy, okay ka lang ba? Kung gusto mo magpahinga ka na muna sa loob. Ako na ang bahala rito,”
Malungkot naman na napatingin ang dalaga sa kaibigan,”Ayos lang ba talaga? Sandali lang ha? Kahit mga 15 minutes lang. Pagbalik ko ay okay na ako. Baka pagod lang ito,” sabi niya bago alanganing ngumiti.
Tumango si Arianne, si Gemma naman ay nagmamadaling pumasok sa kanilang opisina. Ang totoo kasi niyan, lingid sa kaalaman ng kanyang kaibigan ay mayroon siyang nobyo ngayon. Si John.
Mahal na mahal niya na si John sa sandaling panahon na nakilala niya ito, hindi niya yata kakayanin kung mawawala ang lalaki. Kaya nga tuliro siya ngayon kasi nangungutang si John, at nang mapahindian niya ay nagagalit.
Nagsimula iyon sa mga pasimpleng hiram ng maliit na halaga dahil wala raw bitbit na wallet, o nakalimutan ang card. Syempre ay hindi niya na sisingilin ang nobyo pero ngayon ay malaki-laki na ang hinihingi nito.
“Baby, pasensya ka na talaga. Nasimot lang kasi talaga ako diba last time ako ang bumili ng shoes mo na tigwa-walong libo?” pakiusap ni Gemma nang tawagan ang nobyo.
“So sinusumbat mo na ngayon? Akala ko ba magkatuwang tayo, ang sama ng ugali mo Gemma! Ang yabang mo! May restaurant kayo ng kaibigan mo, pinagdadamutan mo ako ng ganyan. Para kang ibang tao.” may paghihinanakit na sabi nito.
“Ano naman ang gagawin ko? Wala naman talagang laman ang bulsa ko. Ang hawak kong pera ay sa restaurant, hindi sa akin.”
“Wala ng sense ito eh. Siguro mabuti pa tapusin na natin-“
“W-Wag! Wag naman ganyan John, sige na. Gagawan ko na ng paraan.”
Lumingon muna siya, kaliwa’t kanan bago kinuha ang susi sa bulsa at binuksan ang drawer na pinaglalagyan ng pera ng restaurant. Dinakot niya lahat iyon, nagkakahalaga ng 150,000.
“Ayos ka lang? Namumutla ka,” bati ni Arianne nang lumabas si Gemma, hinipo pa nito ang leeg niya.
“L-Labas lang ako saglit.” hindi makatingin ng diretso na sabi ng babae. Hindi na nakaimik ang kaibigan dahil tuloy-tuloy nang lumabas si Gemma sa restaurant.
Pinuntahan niya si John at sumama na sa lalaki, 80k lang ang hinihingi nitong pera pero pinasobrahan niya na para sa pagsasama nilang dalawa. Itinapon niya rin ang simcard para hindi na siya mahanap pa ni Arianne, nakiusap siya sa kanyang magulang na pabayaan na muna siya.
Makalipas ang isang taon
Umiiyak na hinaplos ni Gemma ang mukha ng sanggol na kanyang buhat. Narito siya sa pampublikong ospital at kapapanganak lang.
Iniwan na siya ni John, hindi rin siya makabalik sa kanyang pamilya dahil wala na siyang mukhang maihaharap pa sa mga ito.
Ilang sandali pa ay narinig niyang bumukas ang pinto, pumasok ang nurse.
“Ma’am, anytime po ay pwede na kayong lumabas ng baby. Paki-settle nalang po ang balance ninyo sa cashier po sa baba.” paalala nito.
Malungkot na tumango naman si Gemma, saan naman siya kukuha ng pera pambayad sa ospital? Ni hindi niya nga alam kung paano na sila ng baby niya paglabas niya rito.
Muli ay may pumihit ng seradura. Hindi na siya lumingon at umiiyak nalang na nagsalita.
“Oo nurse, ako na ang bahala sa balance ko. G-Gagawan ko ng paraan.”
“Kumusta ka na Gemma?”
Napaangat ang ulo ng dalaga nang ma-bosesan ang kaharap. Hiyang-hiya siyang tumingin rito.
“A-Arianne?”
Bakas ang pagkaawa at hinanakit sa mukha ng babae. Hindi ito nagsalita at tinititigan lang siya.
“Pumunta ka ba para sumbatan ako? Pasensya ka na sa mga nagawa ko, malaking-malaking pagkakamali iyon. Pero pinagbayaran ko na naman sa piling ni John. Hayaan mo, pag..maka-recover lang ako rito at makahanap ng trabaho ay babayaran kita.”
Nagulat si Gemma nang umiling ang babae, lumapit ito sa kanya at niyakap siya. Hindi niya na napigilan ang mapaiyak.
“Sssh. Para na rin kitang kapatid, at ang magkapatid, nag-aaway lang pero hindi nag-iiwanan. Siya ba ang inaanak ko?” nakangiting sabi ni Arianne habang titig na titig sa baby.
Masayang tumango si Gemma, parang may tinik na nabunot sa kanyang dibdib. Ang kaibigan ang nagbayad sa kanyang bill sa ospital, hindi siya makapaniwala na matapos ang lahat ay pinatawad pa rin siya nito at tinanggap pang muli bilang business partner.
Malaki ang utang na loob niya kay Arianne at habangbuhay niya iyong tinanaw, naging mabuti at matapat na siya rito. Palagi ring laman ng kanyang dalangin ang magandang buhay para sa kaibigan dahil napakabuti ng puso nito.
Isang mahalagang aral ang natutunan ni Gemma sa mga pangyayari sa kanyang buhay, na marami tayong makakasalumuhang tao sa ating paglalakbay na mangangako ng pag-ibig pero bihira ang makakita ng kaibigang tunay, kaya pakaiingatan niya si Arianne.