Inday TrendingInday Trending
Pinagtakpan ng Lalaki ang Kumpareng Babaero sa Misis Nito, Sa Bandang Huli ay Kumanta Rin Siya

Pinagtakpan ng Lalaki ang Kumpareng Babaero sa Misis Nito, Sa Bandang Huli ay Kumanta Rin Siya

Kinakabahang binuksan ni Ferdie ang pinto ng kanyang apartment, kanina pa kumakatok ang nasa labas pero wala siyang lakas ng loob na harapin ito. Kaya lang ay mukhang walang balak na umuwi, napasulyap siya sa orasan at alas onse na ng gabi kaya na-konsensya siya.

“Sino yan?” maang na tanong niya kahit ang totoo ay alam niya na naman talaga.

“Pareng Ferdie,” tila nahihiya pang sabi ni Eileen, ang kanyang kumare.

“O mars! Napadalaw ka, gabi na ah?” kunwaring nagulat na sabi ng lalaki.

“H-Hindi mo ba natanggap ang mga text ko? Ano.. ah pasensya ka na ha. Tumatawag rin kasi ako sayo. Nakakahiya talaga na pumunta pa ako rito kaya lang ay wala na talaga akong choice,” nakatungong paliwanag ng babae.

“Ang inaanak ko? Kasama mo ba?”

“Hindi. Iniwan ko saglit sa mga nanay, pare.. magkatapatan na tayo. Parang awa mo na, alam kong may alam ka sa ginagawa ni Carlo. Alam kong hindi lihim sayo na may kabit siya.” sabi ng babae, tiningnan siya ng diretso sa mga mata.

Ang tinutukoy nito ay ang bestfriend niya na mister nito. Lumikot ang mata ni Ferdie at pilit na iniba ang usapan pero hindi iyon tumatalab kay Eileen.

Paano ba ito? Hindi niya naman maaaring ilaglag ang bestfriend niya. Hindi lingid sa kaalaman niya na may ibang babaeng ibinabahay si Carlo, sinubukan niyang pigilan ito pero makulit ang kaibigan niya. Hindi naman raw ito humihingi ng tulong, ang tanging pabor na lang na maibibigay niya ay itahimik niya ang kanyang bibig.

“Naku mare. Sablay tayo dyan, kung ano man ang tinutukoy mo ay wala talaga akong alam. Well, aaminin ko.. na nababanggit niyang nag-oovertime siya sa trabaho. Kasi minsan niyayaya kong mag-inom, hindi raw pwede kasi nga OT. Wala naman siyang nasasabing ibang babae,” sabi niya na sinubukan pang pagtakpan ang kaibigan.

“Parang awa mo na Pareng Ferdie, parang awa mo na. Kailangan ko lang malaman dahil ako pa ang pinagmumukha niyang tanga,” sabi ng babae, medyo napahawak sa dibdib nito. Dahil siguro sa napakaraming emosyon na naroon ngayon.

Bumuntong hininga si Ferdie,”Wala talaga mare. Pasensya kana. Mag-usap kayong mag-asawa at i-settle ninyo yan. Sorry talaga.”

Isang naghihinanakit na tingin ang ibinato sa kanya ni Eileen, bago tumayo ang babae at tahimik na lumabas.

Napasinghap si Ferdie, nananaginip na naman pala siya. Ilang gabi nang paulit-ulit sa diwa niya ang pangyayaring iyon. Isang Linggo na ang nakalipas mula noong kausapin siya ni Eileen.

Hindi niya naman akalain na iyon na pala ang huling beses na makikita niyang buhay ang kumare.

Lingid sa kaalaman nilang lahat ay may sakit pala ito sa puso, bigla na lamang itong inatake at hindi na umabot pa ng buhay sa ospital. Napapitlag siya nang mag-ring ang kanyang cellphone. Tumatawag si Carlo.

“Hello pare? M-Makikipaglibing ka ba kay Eileen?”

Huminga muna ng malalim si Ferdie,”Oo. Bakit?”

“Pare, magkaibigan naman tayo diba? Wala sanang makakaalam noong..alam mo na ha? Masisisi pa nila ako sa pagkawala ni Eileen eh. Ha? Salamat talaga.” hindi na nito hinintay pa ang sagot niya at ibinaba na ang tawag.

Bumyahe na ang lalaki para makipaglibing, sakto lang ang dating niya. Naabutan niya pang nagsasalita ang kaibigan sa unahan.

“Hindi ko po talaga akalain. Aaminin ko, my wife and I.. we had misunderstandings. Nahuli ko siyang may ibang lalaki. So umalis ako sa bahay namin ng three days. Hindi ko kinaya ang sakit eh. Nalaman ko nalang na inatake siya. Eileen, kung nasaan ka man. Pinatatawad na kita mahal,”

Napuno ng bulung-bulungan ang buong chapel. Maging si Ferdie ay hindi makapaniwala sa narinig, nasulyapan niya pa ang pitong taong gulang na inaanak na gulat na gulat tungkol sa rebelasyon sa ina.

Pinahid ni Carlo ang pekeng luha na tumulo sa kanyang mga mata, pilit niyang pinipigilan ang ngiti dahil kitang-kita naman sa mukha ng mga tao ang awa sa kanya. Ngayon ay isang ulirang mister pa ang labas niya.

Paalis na siya sa unahan nang mapalingon dahil nagsalita ang matalik na kaibigang si Ferdie.

“Sandali lang, may mali.”

Napuno ng bulung-bulungan ang buong paligid, tinakasan naman ng kulay sa mukha si Carlo. Pinandilatan niya ang kaibigan, halos magmakaawa na tumahimik ito pero tuloy-tuloy sa paglalakad sa unahan si Ferdie. Tiningnan muna siya ng binata mula ulo hanggang paa bago kinuha ang mikropono.

“Pare,” tawag niya rito.

“May mali ho. Matalik kong kaibigan si Carlo, pero hindi ko na kaya. Wala hong lalaki si Eileen, malinis ng konsensya ng babae. Namatay na nagmamahal at nasasaktan. Nasasaktan dahil sa pambababae mo pare!” dinuro niya pa ang kaibigan na ngayon ay nais nang lumubog sa kinatatayuan.

Nagpatuloy si Ferdie sa pagsasalita,”Isang Linggo na ang nakalipas nang puntahan ako ni Eileen ng dis oras ng gabi para magmakaawa na magsalita ako tungkol sa kalokohan ng mister niya. Pero tumahimik ako noon, dahil umaasa akong kusa mong mare-realize ang mga mali mo. Tanga pala ako, dahil hanggang sa kabilang buhay ay babaligtarin mo pa ang asawa mo para lang maging malinis ka sa tingin ng iba.

Eileen, kung nasaan ka man mare. Patawarin mo ako kung ngayon lang ako nagsalita,” sukat pagkasabi niya noon ay umihip ang malakas na hangin kahit sarado naman ang bintana sa chapel.

Tahimik na umalis si Ferdie, hindi na siya nakipaglibing dahil nanlalambot siya sa ginawang panglalaglag sa kaibigan. Itinatatak niya na lang sa isip niya na ginawa niya lang naman ang tama. Si Carlo naman ay umani ng masasakit na salita sa mga tao, maging ang anak nito ay ayaw itong lapitan.

Pagpasok ni Ferdie sa kanyang apartment, hindi niya alam kung guni-guni niya lang pero sigurado siyang may narinig siyang nagsalita.

“Salamat..”

Advertisement