Nakakita ang Dalagita ng Babaeng Umiiyak sa Gilid ng Kalsada at Sinabing hindi Na Nito Makikita ang Anak Habang Buhay, Nanlumo Siya sa Katauhan Nito
Panay ang tingin ni Pia sa kanyang wristwatch dahil excited na siyang umuwi. Darating kasi sa araw na iyon ang kanyang ina na matagal na niyang hindi nakikita. Tatlong taong gulang pa lang siya nang iwan siya ng tunay na ina sa mag-asawang kumupkop sa kanya. Mahirap ang buhay nila noon at hindi siya kayang arugain ng ina dahil sakitin at mahina ang kanyang katawan kaya ipinaampon siya nito sa matalik nitong kaibigan na si Glenda at asawang si Robert na itinuring siya na parang tunay na anak.
Kay tagal na panahon na hindi niya nakita ang hitsura ng ina dahil iniutos nito sa mag-asawang umampon sa kanya na huwag sabihin o ipakita sa kanya ang hitsura nito, maging ang mga litrato o anumang bagay na may kaugnayan dito ay hindi niya maaaring makita, kaya sinunog ng kanyang kinagisnang ina ang mga bagay na magpapaalala rito.
Tinanong niya ang mga magulang kung bakit iyon ang kagustuhan ng kanyang ina ngunit wala namang maisagot ang mga ito. Ngunit kahit ganoon ang ginawa nito sa kanya ay hindi siya nagtanim ng sama ng loob sa ina at gusto pa rin niya itong makilala. Kaya nang ipaaalam sa kanya ng mga magulang na nais na nitong magpakita sa kanya ay laking tuwa niya. Sa wakas ay makikilala na rin niya ito.
“Kaunting minuto na lang at malapit nang mag-uwian. Gusto ko nang makita ang hitsura ni nanay. Kamukha ko ba siya? Mahaba rin kaya ang buhok niya?” bulong ni Pia sa isip.
“Hoy, Pia! Mukhang ang saya-saya mo ah? Anong bang ganap?” tanong ng kaibigan niyang si Lucille.
“Ngayon kasi darating ang tunay kong ina. Sinabi nina Mama at Papa na gusto na raw niyang magpakita sa akin,” masaya niyang sagot.
“Sa hinaba-haba ng panahon ay naisip pa niyang bumalik? Pagkatapos ka niyang iwan ay muli siyang magpapakita sa iyo na parang walang nangyari,” anito.
“Alam mo, matagal ko na iyang tinatanong sa sarili ko, kung bakit sa kabila ng ginawa niyang pagpapaampon sa akin at hindi niya kagustuhang makita ko ang kanyang hitsura ay ninanais ko pa ring makita siya? Siguro sa dahilang gusto ko na sa kanya mismo manggaling ang mga katanungan ko. Gusto ko siyang makita dahil gusto kong sabihin niya sa akin kung bakit niya nagawa ang lahat ng ginawa niya. Kasi umaasa ako na bukod sa hirap ng buhay ay may mas mabigat pang dahilan kung bakit niya ako ipinaampon,” aniya.
“Hayaan mo at masasagot na ang mga tanong mo, friend. Darating kamo siya ‘di ba? Maitatanong mo na sa kanya ang lahat ng gusto mong malaman.”
Nang biglang tumunog ang bell. Hudyat na para magsiuwian ang mga estudyante. Nagpaalam na siya sa kaibigan at nagmamadaling umuwi.
Habang naglalakad siya papunta sa may sakayan ng jeep ay may nakita siyang babae na umiiyak. Nakaupo ito sa gilid ng kalsada at walang patid ang paghagulgol. Nakaramdam siya ng awa sa babae kaya nilapitan niya ito at tinanong.
“Ale, bakit po kayo umiiyak?”
Inalis ng babae ang mga kamay na tumatakip sa mukha nito at tumingin sa kanya.
“Hindi ko na kasi makikita ang anak ko habang buhay,” sagot ng babae at patuloy na humagulgol.
“Bakit naman po?” nag-aalala niyang tanong sa babae na may kahabaan ang buhok at maamong mukha ngunit hindi ito sumagot at sa halip ay hindi tumitigil sa pag-iyak.
“Teka, kung hindi niyo po mamasamain ay maaari po ba kayong sumama sa akin upang mawala ang inyong lungkot? Iyon ay kung nais niyo lamang,” wika ni Pia ngunit hindi niya mawari kung bakit niya iyon sinabi.
Tumango ang babae at iniabot sa kanya ang kanang kamay na senyales na pumapayag ito sa kanyang paanyaya.
“Ano po ba ang dahilan kung bakit niyo nasabi na hindi na kayo magkikita ng inyong anak?” muli niyang tanong sa babae na huminto na sa pag-iyak.
“Pupunta na kasi ako sa malayong malayong lugar kung saan kailanman ay hindi na kami magkikita. Gusto ko sanang humingi ng tawad sa aking anak dahil sa pagpapabaya ko sa kanya. Anak ko siya sa pagkakasala. Ako ay pinagsamantalahan noon at siya ang naging bunga. Dahil natakot ako sa responsibilidad at ayaw kong makita ang alaalang iniwan ng lalaking lumapastangan sa akin ay nagawa kong iwan ang aking anak. Na labis-labis kong pinagsisisihan,” wika ng babae habang hindi matapos-tapos ang pagdaloy ng luha sa mga mata.
Hindi makapaniwala si Pia sa pinagdaanan ng babae. Agad niya itong niyakap at muling pinakalma.
“Huwag po kayong mag-alala. Maiintindihan po kayo ng inyong anak. Hindi niyo naman po kasalanan ang nangyari. Biktima lang kayo ng pang-aabuso ng taong walang puso. Natakot lamang po kayo sa sitwasyon. Kung ipaliliwanag niyo ng maayos sa inyong anak kung bakit niyo siya iniwan ay ay siguradong mauunawaan niya ang inyong ginawa,” aniya sa babae.
Tumigil sa pag-iyak ang babae at hinaplos nito ang kanyang pisngi.
“Salamat,” tangi nitong nasambit.
“Hayan! Huwag na kayong umiyak. Sige po, papangit kayo niyan!” natatawang biro niya rito.
Napangiti naman ang babae. Napanatag na ito nang yayain siya ni Pia na kumain ng sorbetes. Masaya nilang pinagsaluhan ang biniling sorbetes sa labas ng eskwelahan at hindi nila namalayan ang oras habang sila ay magkasama. Sa kalagitnaan ng kanilang kasiyahan ay may sinabi sa kanya ang babae.
“Maaari mo bang ipikit ang iyong mga mata?” pakiusap nito sa kanya.
Hindi niya alam kung bakit ngunit pumayag siya sa sinabi nito. Bigla niyang naramdaman ang pagdampi ng mga labi ng babae sa kanyang noo at may ibinulong sa kanya.
“Mahal na mahal kita.”
Dahil sa kanyang narinig ay napamulat siya ngunit wala na ang babae. Bigla itong umalis na hindi man lang nagpapaalam. Hindi rin niya naitanong kung ano ang pangalan nito. Naramdaman din niya ang malamig na hanging dumampi sa kanyang buong katawan.
Napatingingin siya sa suot na wristwatch.
“Aba, mag-a-alas singko na pala. Kailangan ko na palang umuwi,” bulong niya sa sarili.
Sa kanyang pag-uwi ay nakita niya ang kanyang ina-inahan na tila kakatapos lang umiyak.
“Mama, ano po ang problema? Bakit kayo umiiyak?” nag-aalala niyang tanong.
“Anak, ang nanay mo. Wala na ang nanay mo. May tumawag sa akin na pulis at sinabing isa ang nanay mo sa mga nasawi sa aksidente kanina sa EDSA, limang oras na ang nakalilipas. Bumangga ang sinasakyan niyang jeep sa isa pang jeep. Nakuha raw nila ang numero ko sa cell phone ng nanay mo,” bunyag nito.
“Ano po? Hindi!” tangi niyang nasabi habang hindi na napigilan ang luhang pumatak sa kayang mga mata.
Nagmamadali silang pumunta sa punerarya kung saan dinala ang mga bangkay ng mga nasawi sa aksidente. Nang ipinasilip sa kanila ang labi ng kanyang tunay na ina ay halos manlumo siya sa nakita. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakita. Ang babaeng umiiyak kanina sa kalsada na nakasama niya ay ang kanya palang tunay na ina na sa kasalukuyan ay wala ng buhay.
“Diyos ko, hindi niyo po ako iniwan ng walang paalam. Salamat po inay at gumawa kayo ng paraan para magkita tayo kahit sa huling pagkakataon. Ngayon ay nasagot na ang tanong ko kung bakit niyo ako iniwan noon. Naiintindihan po kita inay at napatawad ko na po kayo. Huwag na kayong mag-alala sa akin at nasa mabuti po akong mga kamay. Mahal na mahal din kita, inay,” hagulgol niya sa harap ng bangkay ng ina.
Ang inakala niya na isa lamang estranghero sa kalsada ay siya palang tunay niyang ina. Kahit nagluluksa ay nakaramdam siya ng kasiyahan dahil kahit sa kaunting panahon ay nakasama niya ito at napatunayan niya kung gaano siya kahalaga at kamahal ng kanyang ina.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!