Nalaman ng Lalaki na Siya ay Baog kaya Laking Galit Niya sa Asawa nang Malamang Buntis Ito, Labis ang Pagsisisi Niya nang Saktan ang Misis
“I’m sorry, pero hindi pa ako handang magpakasal sa iyo, Nixon. Marami pa akong gustong gawin sa buhay ko at ayokong matali sa iyo hangga’t hindi ko pa natutupad ang mga pangarap ko. Patawad pero kailangan na muna nating maghiwalay.”
Iyon ang mga salitang binitawan ng nobya ni Nixon na si Carla, na sa kasalukuyan ay nakatatak pa rin sa kanyang isipan. Walong taon na silang magkasintahan ng babae at parehong may magandang trabaho ngunit masyadong mataas ang pangarap ng nobya at gusto nitong magtrabaho sa ibang bansa para mas kumita pa ng malaking pera kaya mas pinili nitong tanggihan ang alok niyang kasal at nakipaghiwalay sa kanya para sa katuparan ng pangarap nito.
Labis ang sakit na nararamdaman ng binata sa pakikipaghiwalay ng nobya, hindi niya inakala na itatapon lang nito ang walong taon nilang pagsasama para lang sa mataas nitong ambisyon kaya isang gabi ay natagpuan na lamang niya ang sarili sa isang night club. Gusto niyang magpakalasing at makalimutan ang lahat ng sakit at makalimutan si Carla kahit sandali lang.
“Anong order mo sir? Marami kaming alak at masarap ang pulutan namin. Magaganda rin ang mga babae namin dito at mga batang-bata,” wika ng waiter.
“Sige, bigyan mo ako ng dalawang boteng beer at pulutan. Dalhan mo rin ako ng babae. Magkano ang labas ng babae dito?” tanong niya.
“Tatlong libo sir, lahat-lahat. Sige po ihahanda ko na po ang order niyo at papupuntahin ko na rin ang babaeng ite-take out niyo,” sabi ng waiter.
Nang bumalik ito ay namangha siya sa kanyang nakita dahil isang napakagandang babae ang isinama ng waiter pabalik. Tantiya niya ay nasa disi-otso hanggang beinte anyos lang ang babae. Maputi at makinis ang kutis nito. Mayroong singkit na mga mata at may magandang hubog ng katawan. Kiming-kimi itong umupo sa tabi niya.
“Anong gusto mong inumin?” alok ng binata.
“Kahit ano po sir,” anito.
“Huwag mo na akong tawaging, sir. Ang lakas makatanda e. Ako nga pala si Nixon. Ikaw, ano ang pangalan mo?”
“Jean po, sir, este Nixon pala.”
“Alam mo sa tingin ko ay hindi ka nababagay sa ganitong lugar, Jean. Maganda ka at mukhang disente. Unang beses mo lang bang magtrabaho sa ganito?” aniya.
“Oo, wala naan akong pagpipilian e. Gipit na gipit kasi kami. Ako lang ang mag-isang bumubuhay sa aking pamilya. Matagal nang namayapa ang aking ina at mula naman ng mabaldado ang aking ama ay hindi na siya nakapagtrabaho. Pinag-aaral ko rin ang dalawa kong kapatid,” kuwento ng babae.
Labis na nahabag si Nixon sa magandang babaeng kaharap niya. Habang tumatagal ang pag-uusap nila nito ay unti-unti silang nagkapalagayan ng loob sa isa’t isa. Masayang kausap ang babae kaya gusto niya pa itong mas makilala pa. Inamin nito na hindi pa ito kailanman nagpalabas sa mga kustomer ngunit ng gabing iyon ay pumayag itong sumama sa kanya nang yayain niya itong lumabas ng club.
“Teka, bakit dito mo ako dinala? Ang akala ko ay…” nagtatakang tanong ng babae nang dalhin siya ni Nixon sa isang mamahaling restaurant.
“Bakit, hindi naman porket ilalabas kita ay sa motel na ang punta natin. Wala namang ganoong patakaan ang club niyo di ba?” natatawang sabi ng binata.
Napangiti si Jean at humahangang tinitigan ang binata. Masaya nilang pinagsaluhan ang mga pagkaing in-order nila. Nabigla si Nixon dahil pakiramdam niya ay parang may nobya ulit siya dahil asikasong-asikaso siya ng babae habang kumakain sila. Pinupunasan pa nito ang kanyang bibig. Natural na natural ang ginagawa ni Jean sa kanya pansamantala niyang nalimutan si Carla ng gabing iyon.
HIndi doon natapos ang pagkikita nila dahil palagi niyang pinupuntahan sa club ang babae. Nilalabas niya si Jean para makapamasyal sila at kumakain sa labas. Mas lalo silang napalapit isa’t isa na ang turingan na ay malapit na magkaibigan.
“Ano kaya kung umalis ka na sa trabahong iyan, Jean? Huwag kang mag-alala at ihahanap kita ng disenteng trabaho,” sabi ni Nixon nang minsan dalawin niya ito sa club.
Tinitigan siya nito na para bang may gustong sabihin na hindi nito masabi sa kanya.
“N-nakakahiya na sa iyo, Nixon. Sobra-sobra na ang mga ginagawa mo sa akin p-pero pag-iisipan ko ang alok mo,” anito sa nahihiyang tono.
Hindi nakuntento ang binata sa sagot na iyon ni Jean. Gusto niya talagang maialis sa club ang babae. Kaya pinaimbestigahan niya ito pati na rin ang club na pinagtatrabahuhan at napag-alaman niya na malaki pala ang pagkakautang ng pamilya ni Jean sa may-ari ng club dahil sa pagpapagamot nito noon sa amang baldado kaya hindi ito makaalis doon.
Hindi maintindihan ng binata kung bakit sobra siyang apektado sa buhay ng babae at dahil sa kagustuhang matulungan ito ay kinausap niya ang may-ari ng club at binayaran ang utang ng pamilya ng babae. Kinausap rin niya ang kaibigan niyang may-ari ng isang restaurant at pinakiusapan na bigyan si Jean ng trabaho doon. Kumuha na rin siya ng maayos na matitirhan nito kasama ang pamilya.
Muli niyang kinausap si Jean at sinabi na malaya na ito.
“Hindi ka na babalik sa club. Titira kayo ng iyong pamilya sa bagong bahay at magtatrabaho ka ng maayos at disente,” aniya.
Natulala ang babae sa lahat ng ginawa ng binata.
“Ha? B-bakit mo ito ginagawa, Nixon? Hindi mo naman ako resposibilidad at wala kang pananagutan sa akin. Isa lang akong hamak na GRO,” nagtatakang wika ni Jean.
Hindi na napigilan ni Nixon ang nararamdaman at inilabas na ang matagal na niyang kinikimkim sa sarili.
“D-dahil… Mahal na kita, Jean! Natutunan na kitang mahalin. Gusto kong maging maayos ang buhay mo at gagawin ko ang lahat maging maayos ka lang. Malaya ka na, nabayaran ko na ang utang niyo sa may-ari ng club. Hindi ka na babalik doon kahit kailan.”
Napaiyak na lang si Jean sa pag-amin ni Nixon. Hindi ito nakapagsalita hanggang sa unti-unti na itong napahagulgol. Agad itong niyakap ng binata at pinaghahalikan sa noo.
“O, bakit ka umiiyak?”
“Wala. Masayang-masaya lang ako kasi hindi ko kailanman naisip na darating ito sa buhay ko. Mahal din kita, Nixon noon pa kaso natatakot akong sabihin sa iyo dahil ang akala ko ay hindi naman ako ang tipo mong babae at isa pa sa club lang ako nagtatrabaho. Napakasuwerte ko at ibinigay ka sa akin ng Diyos,” maluha-luhang sabi ni Jean.
“Hayaan mong mahalin kita, Jean. Magiging maligaya ka sa piling ko,” aniya sabay halik sa labi ng babae at pinagsaluhan nila ang gabing iyon na puno ng pagmamahal.
Makalipas ang tatlong taon ay nagpakasal sila ni Jean. Simpleng kasal lang ang nangyari dahil iyon ang hiling sa kanya ng asawa. Naging masaya ang pagsasama ng dalawa hanggang isang araw ay may bumalik sa buhay ni Nixon na hindi niya inasahan. Habang hinihintay ang katagpo niyang kliyente sa isang restaurant ay isang pamilyar na boses ang kanyang narinig.
“Hi, Nixon. Kumusta ka na?”
Nang lingunin niya ang pinagmulan ng tinig ay nagulat siya sa babaeng dumating at umupo sa kanyang harapan.
“Congrats nga pala, balita ko ikinasal ka na,” wika ni Carla na hindi niya inakala na muling magpapakita sa kanya.
“C-Carla? Kailan ka pa dumating? Salamat,” nakangiting sabi ni Nixon sa dating nobya.
“Ako ang kliyente mo. Sinadya ko talagang hindi magpakilala para ma-surprise ka. May-ari na ako ngayon ng isang medical clinic, lumapit ako sa iyo para hingin ang serbisyo ng inyong kumpanya. Gusto kong i-promote ang aking medical clinic kaya ikaw ang naisip ko dahil alam kong magaling ka at ang advertising agency na pinagtatrabahuhan mo,” hayag ng babae.
Pormal na nakipagnegosasyon si Nixon sa dati niyang nobya. Napansin niya na mas lalo itong gumanda at bakas sa katayuan nito na isa na itong matagumpay na babae. Subalit wala na sa kanya iyon dahil masaya na siya sa piling ng kanyang asawa at kahit kailan ay hindi niya ito ipagpapalit.
Matagal nang tapos ang kabanata nila ni Carla. Matapos ang kanilang pag-uusap ay pormal din silang nagpaalam sa isa’t isa. Bago siya tuluyang umalis ay nagbigay ng tarhetas si Carla ng kanyang medical clinic. Sinabi nito na maaari niya itong bisitahin anumang oras at mayroon siyang makukuhang discount. Masaya rin siyang nakauwi sa bahay at matapat na ikinuwento sa asawa ang nangyari. Hindi naman kinakitaan ng ng kahit konting pagseselos si Jean. May tiwala ito sa kanya at ganoon din naman si Nixon sa kanyang misis.
Mabilis na lumipas ang mga buwan ngunit hindi pa rin sila nagkakaanak ni Jean kaya nagpasya siyang magpatingin sa doktor. Naalala niya ang ibinigay na tarhetas ni Carla at nagdesisyon siya na sa medical clinic nito magpatingin. Pagdating niya doon ay agad naman siyang inasikaso ng isa sa mga doktor na naka-duty ng araw na iyon ngunit ikinagulat niya ang ibinalita sa kanya ng doktor.
“I’m sorry pero hindi ka puwedeng magkaanak dahil isa kang impotent,” bunyag ng doktor.
“Po? Imposible, dok!” tangi niyang nasabi.
Lulugo-lugong umalis ng medical clinic si Nixon dahil sa naging resulta ng kanyang test. Hindi siya nagpatinag at pinuntahan ang kakilalang doktor na kaibigan nila ni Carla na si Bernadette. Gusto niyang makasiguro kaya kumuha siya ng second opinion. Subalit gaya ng naunang pagsusuri, sinabi sa kanya ng kaibigan na wala talaga siyang kakayahang magkaanak.
Nang umuwi siya sa bahay ay nadatnan niya na nagluluto ng masasarap na pagkain ang asawa. Nang makita siya nito ay agad siya nitong niyakap at hinalikan sa labi.
“Nixon, mahal ko may sorpresa ako sa iyo,” nakangti nitong sabi at iniabot sa kanya ang pregnancy test kit.
“Buntis ako!” anito.
Para siyang binuhusan ng malamig na tubig sa sinabi ng asawa. Paano ito mabubuntis gayong isa siyang baog? Nagulat na lamang si Jean nang biglang itinaob ni Nixon ang mesang kainan.
“Kailan mo pa ako nagawang pagtaksilan? Hayop ka, hindi ako ang ama ng batang iyan! Pagkatapos ng lahat ng ginawa ko sa iyo ay ito ang gagawin mo sa akin?” galit niyang sigaw sa asawa.
Natulala si Jean sa inasta ng mister at mayamaya ay bigla na lang napahagulgol.
“P-pero, Nixon b-bakit ayaw mong maniwala? H-hindi kita niloloko. Anak mo ang dinadala ko,” anito sabay yakap nang mahigpit sa asawa ngunit itinulak lang ito ni Nixon at sumadsad sa sahig. Kahit ilang beses na nakiusap ang misis na sabihin niya ang dahilan kung bakit niya iyon nasabi ay hindi niya ito pinakinggan.
Mas lalo pang sumiklab ang kanyang galit ng may nasagap siyang tsismis sa mga kapitbahay nila na may nakikita raw ang mga itong lalaki na pumupunta sa bahay nila kaya imbes na masasakit na salita ang ipinatikim niya sa asawa ay nagsimula na siyang pagbuhatan ito ng kamay. Palagi niya itong sinasaktan kahit alam niyang nagdadalantao ito.
Nang malamang iniiputan siya sa ulo ng asawa ay gabi-gabi na siyang naglalasing at gabi-gabi ring sinasaktan ang misis. Ngunit kahit ganoon ang kanyang ginagawa ay hindi ito nagalit sa kanya sa halip ay inaasikaso pa rin siya nito at hindi siya nagagawang iwan.
Nang sumunod na araw ay nagkaroon ng libreng medical check-up sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ni Nixon. Hindi mawari kung bakit pero may kung anong nagtulak sa kanya para sumangguni ulit sa doktor tungkol sa kanyang kondisyon. Nang lumabas ang ikatlong resulta ay ganoon na lang ang kanyang pagkabigla.
“Hindi ka baog, hijo. Mali ang una at pangalawang test result na ibinigay sa iyo,” wika ng doktor na tumingin sa kanya.
“Ano po?” aniya sa ‘di makapaniwalang tono.
Dahi sa nalaman ay agad siyang nagpasuri sa ibang ospital at ganoon din ng resulta, hindi siya impotent. Kinompronta niya ang unang doktor na sumuri sa kanya at kaibigang doktor na si Bernadette at tinanong kung bakit iba ang ibinigay na resulta ng mga ito. Umamin ang dalawa na napag-utusan lang sila ni Carla na lokohin siya dahil gusto siya nitong paghigantihan sa ginawa niyang pagpapakasal kay Jean. Sa sobrang galit ay sinugod niya ang dating nobya sa opisina nito.
“Hayop ka, Carla bakit mo iyon nagawa sa akin? Muntik mo nang masira ang pagsasama naming mag-asawa. Wala kang kuwentang tao!” galit niyang singhal sa babae.
“Sorry, Nixon. Nagawa ko lang iyon dahil mahal pa rin kita,” anito.
“Mahal? Kung talagang mahal mo ako ay hahayaan mo akong maging masaya at hindi mo sisirain ang buhay ko. Napatunayan ko lang na hindi ikaw ang babaeng nararapat sa akin, Carla. Mabuti pala na hindi tayo nagkatuluyan dahil ngayon ay alam ko na ang totoo mong kulay. Magkikita tayo sa korte dahil sa maling resulta na ibinigay ng isa sa mga doktor mo at sisiguraduhin kong masisira ang reputasyon ng medical clinic mo!” pagbabanta pa ni Nixon sabay alis sa harap ng dating nobya.
Nagmamadali siyang umuwi sa bahay para kausapin ang asawa at humingi ng tawad sa lahat ng ginawa niya rito. Nang makita si Jean ay agad niya itong niyakap nang mahigpit habang lumuluha.
“Patawarin mo ako, mahal ko sa lahat ng ginawa ko sa iyo. Hindi ko sinasadya, patawarin mo ako!” aniya na patuloy pa ring humahagulgol.
Ipinagtapat niya ang ginawang panloloko sa kanya ni Carla at kung bakit siya nagalit ng husto nang malamang buntis ang asawa.
“Ganoon pala ang nangyari. Huwag kang mag-alala, mahal ko. Kahit kailan ay hindi ako nagtanim ng galit sa iyo dahil kulang pa ang buhay ko para mabayaran ang lahat ng ginawa mo sa akin. At alam kong babalik ang dating Nixon kapag nailuwal ko na ang ating anak. Mahal na mahal kita kaya hindi ko kayang magalit sa iyo,” hayag ni Jean.
Sinabi rin ni Jean na handa itong magtiis dahil malinis ang kunsensiya nito at walang ginagawang anumang kasalanan. Tinanong din ni Nixon ang tungkol sa lalaking pumupunta sa kanilang bahay ngunit nalaman niya na ang lalaking iyon ay ang pinsan ni Jean na palaging dumadalaw sa kanya. Parang kapatid na ang turing ng babae sa pinsan kaya palagi itong pumupunta at dinadalaw siya, nakaligtaan lang nitong sabihin sa mister ang tungkol doon dahil palaging abala is Nixon sa trabaho.
“Patawad, mahal. Hinding-hindi na kita pag-iisipan ng masama, pangako ko iyan.”
“Pangako ha? Magbabalik na ang dating Nixon na una kong minahal?”
“Oo, mahal ko!” wika ni Nixon habang humihikbi.
“Sorry din, baby. Patawarin mo si Daddy ha? Mahal na Mahal din kita!” aniya sabay halik sa tiyan ng asawa.
Hinding-hindi mapapatawad ni Nixon ang sarili kung may nangyaring masama sa kanyang mag-ina. Hindi na rin niya itutuloy ang demanda kay Carla at sa mga doktor na nanloko sa kanya sa pakiusap na rin ni Jean. Napagtanto niya na napakasuwerte niya sa kanyang asawa dahil sa busilak nitong kalooban. Lubos siyang nagpapasalamat sa Diyos dahi ibinigay sa kanya ang walang kasing bait, maunawain at dakilang maybahay na kahit kailan ay hindi niya magagawang iwan at ipagpalit habang siya ay nabubuhay.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!