Inday TrendingInday Trending
Gumuho ang Mundo ng Babae nang Malaman na Mayroon Siyang Malalang Sakit, Isang Batang Gusgusin ang Babago sa Buhay Niya

Gumuho ang Mundo ng Babae nang Malaman na Mayroon Siyang Malalang Sakit, Isang Batang Gusgusin ang Babago sa Buhay Niya

“Ikinalulungkot kong sabihin na positibo ka sa HIV,” wika ng doktor.

“Sandali lang po dok, baka naman po nagkamali lang ang resulta,” gulat na sabi ni Twinkle.

“Sorry, pero ito talaga ang resulta. Kung gusto mo ay magpatingin ka sa ibang doktor upang kumuha ng second opinion.”

“Iyon talaga ang gagawin ko. Magpapasuri ako sa ibang doktor. Alam kong nagkakamali ka lang sa resultang iyan,” inis na niyang wika sa doktor na sumuri sa kanya.

Paglabas niya sa ospital ay mangiyak-ngiyak siya. Mukhang sa ginawa niyang pakikipagsiping sa lalaking hindi niya lubos na kilala nang malasing siya noon sa bar ay magkakaroon pa yata siya ng malubhang sakit, kaya napagdesisyunan niya na sumangguni sa ibang doktor at pumunta sa ibang ospital ngunit nang ibigay sa kanya ng pangalawang doktor ang resulta ng pagsusuri nito ay laking gulat niya…

“Positive.”

Biglang gumuho ang mundo niya nang malamang totoo nga na mayroon siyang HIV. Imposible nang dalawang beses na magkamali ang mga pagsusuri sa kanya. Sa mga oras na iyon ay gusto na niyang wakasan ang kanyang buhay. Hindi niya alam kung paano sasabihin sa mga magulang at sa mga taong malalapit sa kanya ang kanyang kondisyon.

Natatakot siyang husgahan siya ng mga ito at pandirihan. Hindi na muna siya umuwi sa bahay nila. Naisipan niyang maglakad-lakad sa kung saan man siya dalhin ng kanyang mga paa hanggang sa nagulat na lang siya ng may isang batang lalaki na nangalabit sa kanya.

“Miss, miss, pengeng barya!” nakangising sabi ng bata.

“Ay, nakakagulat ka namang bata ka! Gusto mo yatang masawi ako ng maaga e!” bulyaw niya rito.

“Pasensya na po. Ilang araw na po kasi akong hindi kumakain. Kahit pambili lang po ng tinapay o tsitserya,” pakiusap ng batang gusgusin.

Biglang nakaramdam ng awa si Twinkle sa sinabi nito.

“Wala ka na bang mga magulang? Sinong nag-aalaga sa iyo?”

“Ulilang lubos na po ako. Hindi ko na po nakilala ang aking mga magulang. Bata pa ako ay mag-isa na ako sa buhay. Wala rin pong nag-aalaga sa akin.”

Dahil tinablan sa mga sinabi ng bata ay sinama niya ito sa isang fast food chain at pinakain.

“O, ano masarap ba?” tanong niya.

“Opo. Salamat po sa chicken joy at burger!” masayang sabi ng bata na may mumo pa sa bibig na agad namang pinahid ni Twinkle.

“Kahit ba kailan ay hindi ka pa nakakakain sa ganito?” tanong niya rito.

Tumango lang ang bata.

Maya-maya, pagkatapos kumain ay ipinikit nito ang mga mata at nagdasal. Narinig ni Twinkle na nagpapasalamat ito sa kanyang kinain.

Nang matapos magdasal ang bata ay pinuri niya ang ginawa nito.

“Napakabait mo namang bata. Marunong kang magpasalamat sa Diyos sa kabila ng mga pinagdaraanan mo,” aniya.

“Iyon po kasi ang itinuro sa akin e!” anito.

“Sinong nagturo sa iyo?”

Hindi umimik ang bata sa halip ay nagyaya na itong umalis.

Dahil sa naaaliw siya sa batang kasama ay nakipagkuwentuhan muna siya rito habang naglalakad sila hanggang sa makarating sila sa isang parke. Doon ay niyaya siya ng bata na maglaro. Hindi naman siya nakatanggi sa gusto nito kaya sinamahan niya itong maglaro ng seesaw at sumakay sa duyan.

Nang mapagod ay nagpabili pa ito sa kanya ng sorbetes sa dumaang Mamang Sorbetero. Kahit hindi niya tanungin ang bata ay masayang-masaya ito. Hindi niya namalayan na ganoon na rin ang kanyang nararamdan sa mga sandaling iyon. Panandaliang niyang nakalimutan ang tungkol sa resulta ng kanyang HIV Test.

“Alam mo, sa buong araw na kasama kita ay ang saya-saya ng pakiramdam ko. Nakalimutan ko ang mga problema ko. Parang bumalik ako sa aking pagkabata,” wika niya rito.

“Dapat naman po kasi ay palagi tayong masaya. Anuman po ang pagdaanan natin sa buhay ay may mga dapat pa rin po tayong ipagpasalamat,” nakangiting sabi ng bata.

“Nakakatuwa ka, para kang matanda kung magsalita. Daig mo pa ang nanay at tatay ko,” aniya.

Habang patawid sila sa pedestrian lane ay ‘di namalayan ng bata ang paparating na sasakyan at muntik na itong masagasaan, mabuti na lamang at mabilis itong nahablot ni Twinkle sa isang tabi kundi ay nakaladkad na ito ng rumaragasang kotse. Nagulat si Twinkle nang hindi man lang nakaramdam ng takot o kaba ang bata sa nangyari.

“Ayos ka lang ba? May masakit ba sa iyo?” nag-aalala niyang tanong rito.

“Wala, wala naman po. Okay lang po ako. Salamat po at iniligtas niyo ang buhay ko, miss!” anito na hindi naaalis ang pagkakangiti sa mga labi.

Napatingin si Twinkle sa suot na wristwatch at nakita niyang mag-a-alas sais na ng gabi. Kailangan na niyang umuwi. Nakakaramdam na rin siya ng pagod sa maghapong paglalakad. Nagpaalam na siya sa batang gusgusin na nakasama niya.

“O, hayan pambili mo ng pagkain! Magpapakabait ka ha? Ipagpatuloy mo ang pagiging mabuting bata,” wika niya sa bata at iniabot rito ang limang daang piso.

Nagulat siya ng tanggihan nito ang alok niyang pera.

“Hindi na po, miss. Sobra-sobra na po ang ginawa niyo sa akin ngayong araw. Tandaan niyo po na hindi kayo nag-iisa,” sabi ng bata at tumakbo na ito palayo.

“Teka, bata anong nga ulit ang pangalan mo? Buong araw tayong magkasama hindi mo man lang sinabi sa akin ang pangalan mo!” sigaw ni Twinkle.

Lumingon ang bata. Hindi nito sinagot ang tanong niya ngunit ikinagulat niya ang huling sinabi nito bago tuluyang makalayo.

“Ulitin niyo po ulit! Magpakosulta ulit kayo sa doktor!” sigaw ng bata.

Natigilan si Twinkle. Hindi niya akalain na sasabihin iyon ng bata. Paano nito nalaman ang tungkol sa pagpapakonsulta niya sa doktor?

Kinaumagahan sa hindi niya malamang dahilan ay nagpakonsulta ulit siya sa doktor sa ibang ospital at hindi siya makapaniwala sa nakuha niyang resulta.

“Negative, Ms. Peña. Negative ang resulta. Wala kang HIV,” sabi ng doktor na sumuri sa kanya.

Para mas lalong makatiyak ay nagpakonsulta siya ulit sa iba at ‘negative’ pa rin ang naging resulta.

“Diyos ko, anong himala ito?” tangi niyang nabanggit habang nangingilid ang luha sa mga mata.

Nang bigla niyang naalala ang batang nakasama niya nang nagdaang araw. Napahagulgol siya sa sobrang tuwa dahil napagtanto niya na ang batang iyon ang siyang nakapagpagaling sa kanya. Isa pala itong sugo ng langit.

Muli niyang binalikan ang lugar kung saan sila unang nagkita ng bata ngunit hindi na niya ito nakita pa. Nagpunta siya agad sa simbahan at taimtim na nanalangin.

“Marami pong salamat sa pagbibigay Niyo sa akin ng pangalawang pagkakataon. Nangangako po ako na hinding-hindi ko sasayangin ang pangalawang buhay na ipinagkaloob Niyo sa akin. Salamat din po at nakilala ko ang napakabuti Niyong sugo na siyang nagmulat sa akin na huwag mawalan ng pag-asa sa buhay,” maluha-luha niyang sabi habang nakaluhod at nagpapasalamat sa malaking milagrong nangyari sa kanya.

Ipinagpatuloy ni Twinkle ang kanyang buhay, ngunit ngayon ay mas matindi na ang pananalig niya sa maykapal. Tinupad niya ang pangakong hinding-hindi na uulit sa mga nagawang pagkakamali dahil itinuturing na niyang milagro ang pagkakaroon pa muli ng pangalawang pagkakataon upang maisaayos ang lahat sa kanyang buhay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement