Binalak Niyang Ahasin ang Nobyo ng Kaibigan; Tadhana ang Gagawa ng Paraan Upang Hindi siya Magtagumpay
“Are you done? It’s so hot. I can’t take it anymore!” panay ang reklamo ng kaibigan ni Amara na si Yves. Todo paypay ito sa sarili dahil sa nararamdamang banas sa katawan. Kababalik lang nito sa Pilipinas galing ibang bansa at naninibago sa kakaibang panahon.
Labing dalawang taong gulang pa lamang si Yves nang umalis sa Pilipinas upang sa ibang bansa magtapos ng pag-aaral. Napakahirap para sa bata noon na lisanin ang bansa lalo na at maiiwan ang matalik na kaibigang si Amara.
Malaki ang pinagbago ni Yves. Mas matangkad na ito sa kaniya ngayon. Tila nakulangan ito sa tela kung manamit, hindi gaya noong halos ayaw nitong ipakita pati ang sariling mukha. Iba na rin ang tono ng pananalita.
“Halika na, nagsara na ako.” Ikinandado ni Amara ang cake shop na pagmamay-ari niya bago umalis.
Mas naunang lumakad si Yves kaysa kay Amara. Sa hindi inaasahan ay may nakabangga si Yves na matandang gusgusin na napaupo pa sa kalsada. Mabilis namang uminit ang ulo nito dahil doon.
“Bulag ka ba?” nanggagalaiti sa inis si Yves habang masamang tinitigan ang matandang gusgusin. Napakarumi ng pananamit nito. May ilang butas pang makikita sa suot nitong polo at wasak na rin ang tsinelas na talagang makikitang pinagtitiyagaan lang nitong isuot.
“Anong nangyari?” kapagkuwan ay dumating si Amara.
“Binunggo niya ako! Narumihan na tuloy ang clothes ko!” Pinanlakihan ni Amara ng mata ang kaibigan. Tila nahiya siya sa inasta ng kaibigan at kung paano tratuhin nito ang kawawang matanda.
“Ang mabuti pa ay mauna ka na sa lakad mo at magkita na lamang tayo maya-maya. Tatawagan na lamang kita.” Napairap si Yves sa suhestiyon ng kaibigan ngunit hindi na siya nagsalita. Umalis siyang mainit ang ulo sa lugar na iyon.
“P-pasensiya ka na sa abala, hija. Hindi ko sinasadya na mabunggo ang kaibigan mo… nahihilo lang talaga ako.” Muling binuksan ni Amara ang cake shop niya at pinaupo ang matanda. Ikinuha niya ito ng pagkain at maiinom at saka iniabot dito.
“Napakabuti mong bata, mapalad ang nobyo mo.” Napatawa si Amara sa sinabi ng matanda ngunit sa huli ay nagpasalamat dito.
“Pagpalain ka nawa, hija.” Umalis ang matanda. Napangiti naman si Amara bago tinawagan ang kaibigan na maaari na silang magkita.
Habang iniintay si Yves ay tumawag ang nobyo niyang si Jomril.
“Magkita tayo, may ipapakilala ako sa ‘yo.” Ibinaba niya ang tawag sabay dating naman ni Yves.
“Yves, tumawag si Jomril. Gusto niya akong makita dahil may ipapakilala siya sa akin. Hindi na yata kita masasamahan.”
“Jomril Falcon? Siya ba ang tinutukoy mo?” nanlalaki ang mga matang tanong ni Yves.
Tumango si Amara. “Oo, Yves, siya ang boyfriend ko.”
Nabigla si Yves. Noon pa man kasi ay hinahangaan niya na ang binata kahit sa murang edad pa lamang nila. Bakit ngayon ay kay Amara na ito napunta?
Isang ideya ang pumasok sa isip ni Yves.
“Kapag nakita niya ako, siguradong iiwan ka niya!” sa isip-isip niya.
Nagpasiyang sumama si Yves sa lakad ni Jomril at Amara.
Sa isang kilalang kainan sila nagpunta. Mamahalin ang bilihin doon na alam ni Yves na hindi iyon kayang bayaran ni Amara kung sakali.
“Are you sure he’s coming?” iritang tanong ni Yves dahil ilang minuto na sila roon ngunit wala pa rin ang binata.
Maya-maya ay pumasok ang isang matanda na tandang-tanda ng magkaibigan. Ibang-iba ang postura nito kaysa sa nakilala nila kani-kanina lamang. Napakalinis na nito at mahahalata ang yaman nito!
Umupo ang matanda sa tabi nila at napatanga na lang sina Yves at Amara nang magsalita ito.
“Hinihintay ko ang anak ko,” sagot ng matanda. Hindi naglaon ay dumating na rin si Jomril na siya palang tinutukoy nito.
“Tatay mo siya?” gulat na tanong ni Amara sa nobyo. Tumango ang mag-ama bilang tugon.
“Kababalik lang niya galing States kaya gusto kitang ipakilala sa kaniya.” Tinapik ni Mr. Falcon ang anak.
“Patawad, hija. Nagpanggap ako bilang pulubi para sana makilala ang magiging manugang ko. Alam mong mayaman ang anak ko at ayokong gamitin lamang siya at perahan siya ng kaniyang nobya. Ngayon, panatag akong nasa mabuting kamay ang anak ko.” Iniabot ng matanda ang kahon bilang regalo. Nais sanang tanggihan ni Amara ngunit kinuha na ni Jomril at iniabot sa kaniya.
“Huwag kang gagaya sa iba na dahil mahirap ay nang-aalipusta. Huwag mong tingnan ang panlabas na anyo upang malaman kung sino ang hindi o dapat galangin.” Tumingin si Mr. Falcon kay Yves na ngayon ay napapahiyang tumungo. Napatango naman si Amara sa sinabi nito.
“Sa tingin ko ay kailangan na nating kumain?” si Jomril na ang pumutol sa usapan.
“M-May pupuntahan pa ako. M-Mauna na ako sa inyo.” Nagmamadaling tumakbo si Yves palabas.
“Sana ay mapagtanto niyang mali ang mang-alipusta ng tao. Mayaman man o mahirap, pulubi o hindi, maganda o pangit ay hindi karapat-dapat na husgahan. Sa halip, dapat ay pantay mo silang titingnan.” Isang buntong hininga ang pinakawalan ni Amara sa tinuran ni Mr. Falcon.
Sa huli ay hindi nagtagumpay si Yves sa masamang balak niyang pang-aagaw sa nobyo ng kaibigan. Laking pagsisisi niya dahil tila tadhana na mismo ang nagbigay ng leksyon sa kaniya upang siya ay matuto.