Inday TrendingInday Trending
Pinapunta ang Binata ng Kaniyang Amo sa Bahay-Bakasyunan Nito; Doon Niya Pala Makikilala ang Babaeng Magpapatibok ng Puso Niya

Pinapunta ang Binata ng Kaniyang Amo sa Bahay-Bakasyunan Nito; Doon Niya Pala Makikilala ang Babaeng Magpapatibok ng Puso Niya

Dalawang buwan pa lang na naninilbihan si Larry sa isang mayamang pamilya bilang isang kasambahay. Mula nang pumanaw ang mga magulang ay mag-isa nang binubuhay ng binata ang sarili.

Masuwerte naman siya dahil mababait ang kaniyang mga amo. Isang araw ay abala siya at ang ibang mga kasama sa paglilinis at pag-aayos sa malaking bahay ng mga amo dahil sinabi ng mga ito na may espesyal na bisitang darating.

“Ano kamo, darating ang anak nina Sir Manolo at Ma’am Elvira?” gulat na tanong ni Larry.

“Oo. Darating daw si Senyorita Alecia, ang bunsong anak nina sir at ma’am. Matagal na siyang hindi umuuwi rito sa Pilipinas dahil sa ibang bansa siya nag-aaral at balita ko’y natapos na niya iyon at may may sariling negosyo na roon,” wika ng hardinerong si Mang Tonyo.

Mayamaya ay ipinatawag si Larry ng kanyang among lalaki.

“May kailangan po ba kayo, sir?” magalang niyang sabi.

“Oo, hijo. Pinatawag kita dahil ikaw ang napili kong ipadala sa bahay bakasyunan namin sa probinsya. Gusto kong linisin mo iyon para kapag dumating ang aking anak na si Alecia ay maayos ang bakasyunang iyon,” hayag ng amo.

“Sige po, sir. Kailan po ako pupunta roon?”

“Bukas na bukas din. Ikaw na ang bahala roon, hijo.”

“Makakaasa po kayo, sir.”

Kinaumagahan ay maagang umalis si Larry papunta sa bakasyunan ng mga amo. Ibinigay sa kaniya ng amo ang address. Gamit ang sasakyan ng amo ay pinuntahan niyang mag-isa ang bakasyunan. Unang beses niyang pupuntahan ang naturang lugar dahil hindi pa niya narating iyon.

“Sa tingin ko’y isa rin iyong malaki at magarang mansyon,” wika niya sa isip.

Hindi niya namalayan na nakarating na pala siya sa kaniyang destinasyon. Hinanap niya agad ang address ng bahay bakasyunan at sa wakas ay natagpuan rin niya. Malaki ang bakasyunan na halatang pinagtibay ng panahon. Makaluma ang disenyo nito ngunit hindi maitatago ang pagkasosyal ng lugar dahil sa mga mamahaling muwebles na nasa labas ng bahay. Bago pa man siya makapasok sa pinto ay laking gulat niya nang may babaeng nagbukas ng pinto. Agad siyang nagpakilala sa magandang babae.

“Magandang araw! Ako nga pala si Larry, ang isa sa mga lalaking kasambahay nina Sir Manolo. Pinapunta niya ako rito para maglinis,” aniya.

Napansin niya na halos hindi kumukurap ang magandang babae na nasa kaniyang harapan. Para itong nakakita ng anghel na bumaba sa langit sa pagkakatitig sa kaniya.

“Miss, miss, bakit may dumi ba ako sa mukha?” tanong niya ulit rito.

Saka lamang nahimasmasan ang babae. ‘Di kasi maikakaila ang angking kaguwapuhan ni Larry.

“Ay, s-sorry ha! Ikaw pala ang isa sa mga kasambahay sa mansyon. A-ako nga pala si Lisa, ang katiwala rito sa bakasyunan,” medyo nauutal pang sabi ng dalaga.

“A, ganoon ba? Hindi naman sinabi ni sir na may magandang dilag pala siyang katiwala rito,” nakangiting sabi ni Larry.

Pinamulahan ng pisngi ang babae.

“Naku, h-hindi ba nasabi sa iyo ni sir na narito ako. Pasensya na, baka nakalimutan lang niya. Tuloy ka! Ipaghahanda muna kita ng pagkain,” anito.

“Nakakahiya naman sa iyo. Mag-isa ka lang ba rito?”

“A, e. oo. Mag-isa lang ako rito.”

“Hindi ka ba natatakot na mag-isa rito at walang ibang kasama. Babae ka pa naman.”

“Ayos lang ako rito. Sanay na ako,” nakangiti pa ring sagot ng babae.

Buong araw na magkasama sina Larry at Lisa. Habang nakikilala niya ang dalaga ay napansin niyang napakabait nito at madaling pakisamahan. Tinutulungan pa siya nitong maglinis sa buong bahay bakasyunan. Nang matapos silang maglinis ay naisip nila na mamasyal sa paligid. May malapit na ilog pala roon at agad siyang niyaya ng dalaga na maligo.

“Tara, ligo tayo!” yaya ni Lisa.

Nagpaunlak naman ang binata. Paglusong niya ay naramdaman niya ang malamig na tubig na dumampi sa kaniyang balat.

“Ang lamig naman dito!” hiya ni Larry.

“Oo, malamig ang tubig dito. Sarap maligo ‘di ba?” nakangiting sagot ni Lisa.

Nang sumunod na araw ay namasyal ulit sila sa iba pang magagadang lugar malapit sa bahay bakasyunan. Tuwang-tuwa si Larry sa kaniyang mga nakikita. Napansin naman ni Lisa na sobrang saya ng binata sa mga napupuntahan nitong lugar. Napapansin din ni Larry na masaya ang dalaga kapag palagi siya nitong kasama. Masaya siya kapag nakikita niyang itong masaya rin sa araw-araw hanggang sa mapagtanto niya na nahuhulog na pala ang loob niya rito. Ilang araw pa lang ang lumipas mula nang magkakilala sila. Sa maikling panahon ay sobrang lapit na ng dalawa sa isa’t isa na para bang mahirap na silang paghiwalayin.

Sabado ng umaga habang naglalakad sila sa malawak na hardin ng bakasyunan ay nagtapat na si Larry sa tunay niyang nararamdaman.

“Lisa, may sasabihin sana ako sa iyo, e kaso napangungunahan ako ng kaba,” sabi ng binata.

“Ano naman iyon?”

“Gusto kong malaman mo na mahal na kita. Habang nakikilala kita ay mas lalong nahuhulog ang damdamin ko sa iyo?” hayag niya habang dahan-dahang hinawakan ang mga kamay ng dalaga.

“A-akala mo ay ikaw lang ang nakakaramdam niyan. Mahal rin kita, Larry. Noong una palang kitang nakita ay tumibog na ang puso ko sa iyo. Hindi ko maipaliwanag, pero iyon ang una kong naramdaman sa iyo,” pagtatapat ni Lisa.

“Ang ibig mong sabihin ay pumapayag ka nang ligawan kita?”

“Oo, pumapayag ako!”

Masayang hinalikan ni Larry sa pisngi ang dalaga.

Pagbalik nila sa baha bakasyunan ay nagulat ang dalawa nang mayroon nakaparadang kotse sa labas. Kinabahan si Larry dahil pamilyar sa kaniya ang magarang kotse na iyon. Pagpasok nila sa malaking bahay ay sumalubong sa kanila ang ‘di inaasashang bisita. Nagulat pa ito nang makita sila.

“O, Alecia, narito ka na pala anak? Akala ko ba ay sa mansyon sa Maynila ka didiretso? ‘Di ko akalain na dito ka pupunta sa bahay bakasyunan natin. T-teka, nagkakilala na pala kayo ni Larry?” bungad ng kanyang among lalaki.

Halos mapako sa kaniyang kinatatayuan ang binata sa kanyang narinig.

“A-ano po ang ibig niyong sabihin, sir?”

“Siya ang aking bunsong anak na si Alecia, Larry. Anak, siya naman si Larry ang isa sa pinagkakatiwalan at mabait nating kasambahay,” bunyag ng amo.

Napalingon siya sa dalaga at tiningnan ito mula ulo hanggang paa.

“T-totoo ba ang sinasabi ni sir?” aniya sa naguguluhan pa ring tono.

“O-Oo, Larry. Tama si papa. Ako nga si Alecia. Naisipan kong dumalaw muna rito sa bakasyunan bago umuwi sa aming bahay sa Maynila, pero ‘di ko akalaing magtatagpo rito ang ating landas. Patawarin mo ako, sinadya kong magpanggap dahil kung sinabi ko sa iyo ang tunay kong pagkatao ay mangingilag ka sa akin. Mula nang makita kita ay tila pinana na ako ni Kupido dahil sa unang pagtama pa lang ng ating mga mata ay nakaramdam na ako ng kakaiba sa iyo. Mahal kita, Larry. Papa, patawarin niyo rin po ako, pero nakita ko na po ang lalaking nagpatibok sa aking puso at siya si Larry,” hayag ng dalaga.

Hindi nakapagsalita si Don Manolo sa ipinagtapat ng anak ngunit imbes na magalit ay natuwa pa ito.

“T-talaga bang mahal mo si Larry, anak? Ilang araw mo palang siya nakikilala,” ‘Di pa rin makaaniwalang tanong ng matandang na lalaki.

“Opo, papa. Mahal ko siya. Sana po ay matanggap niyo siya para sa akin.”

Nilapitan ni Don Manolo at anak at niyakap.

“Sino ba ako para tumutol? Mahal na mahal namin kayo ng iyong mama. Kung sino man ang taong inyong iibigin ay hindi namin kayo hahadlangan. At saka malaki ang tiwala ko kay Larry, mabuti siyang tao. Alam kong nasa mabuti kang mga kamay, anak,” maluha-luhang sabi ni Don Manolo.

“Salamat, papa!” mangiyak-ngiyak na sagot ni Alecia.

“Larry, iginagalang ko ang pagmamahalan ninyo ng aking anak. Inaasahan kong mamahalin mo siya at hindi lolokohin. Ipangako mo sa akin!” sabi pa ng matanda sa binata.

“Makakaasa po kayo, sir!”

“Papa na lang, hijo. Mula ngayon ay papa na rin ang itawag mo sa akin,” sagot ni Don Manolo.

“Salamat po, p-papa,” tugon naman ng binata sa nahihiyang tono.

“At ikaw naman senyorita Lisa, este Alecia pala. ‘Di pa rin ako makapaniwala na anak ka ng aking amo, pero isa lang ang masasabi ko sa iyo. Minahal kita ‘di dahil isa kang senyorita, minahal kita dahil ikaw ang itinitibok nitong puso ko, mahal kong senyorita,” hayag ni Larry.

“Lisa pa rin ang itawag mo sa akin, mahal ko. Palayaw ko iyon, e. At isa pa huwag mo nga akong tawaging senyorita, dahil ang gusto kong reyna, dahil ako na ang nag-iisang reyna riyan sa puso mo!” nakangiting tugon naman ng dalaga sabay halik sa mga labi ni Larry.

Hindi rin tumutol ang ina at mga kapatid ni Alecia sa pag-iibigan nila ni Larry. ‘Di nagtagal ay ikinasal sila at namuhay na masaya at punung-puno ng pag-ibig sa isa’t isa.

Advertisement