
Ang Hindi Nakakatawang Biro ng Tadhana
Alas singko ng umaga, Lunes. Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Amanda bago tuluyang tumayo mula sa lumang sofa na kaniyang inuupuan at lumabas ng bahay upang maghanapbuhay.
Bitbit ang isang bag at ang natutulog na labing isang buwan na anak na may suot na face mask at sumbrero, dire-diretso siyang naglakad patungo sa lugar na araw-araw na destinasyon nilang mag-ina, ang istasyon ng bus. Kasabay ng paglalakad ay ang kaniyang piping hiling na sana ay walang mga pulis na magpaalis sa kanilang mag-ina habang sila ay namamalimos.
Pamamalimos, iyan ang ikinabubuhay nilang mag-ina. Labag man sa kalooban ni Amanda ay wala siyang ibang magawa para sa ikabubuhay nilang mag-ina. Grade 3 lamang ang natapos na antas ni Amanda sa elementarya kung kaya’t bahagya lamang siyang natutong magbasa at magsulat. Kaya naman hirap siyang maghanap ng maayos na trabaho dahil alam niya na karamihan sa mga naghahanap ng empleyado ay naghahanap ng nakatapos ng hayskul.
Hindi din makapagbanat ng buto si Amanda dahil sa mahina niyang resistensiya. Noong huli siyang tumanggap ng labada mula sa kaniyang kapitbahay ay isang linggo siyang dinalahit ng matinding ubo dahilan para gumastos siya ng mas malaking pera sa gamot. Asthmatic kasi siya.
Kung may isang bagay na ipinagpapasalamat si Amanda iyon ay ang pagiging malusog ng kaniyang anak sa kabila ng kakulangan nito sa mga mamahaling bitamina. Bihira itong magkasakit maliban na lamang nung mga nakaraang araw na bahagya itong nangayayat na sa tingin niya ay dahil nagsisimula na itong maglilikot.
Nang makarating si Amanda sa istasyon ay agad niyang binuksan ang kaniyang bag na naglalaman ng iilang props na kailangan niya sa pamamalimos, ang medical certificate na nagsasaad na mayroong leukemia ang kaniyang anak at ang isang karton na may sulat ng pentel pen kung saan mababasa ang mga katagang “Humihingi po akong ng tulong para sa pagpapagamot ng aking anak na may leukemia.”
Hindi totoong may leukemia ang kaniyang anak. Malaki ang pasasalamat niya doon. Hindi niya gusto at lalong hinding-hindi niya hinihiling na magkaroon ng karamdaman ang malusog niyang anak ngunit napansin niya na mas madaming nakikisimpatya at nagbigay sa kanilang mag-ina ng tulong nung unang beses niyang sinubukan na gamitin ang taktikang ito na kaniya nang itinuloy kinalaunan. Ipinagawa niya ang pekeng medical certificate sa Recto para mayroon siyang maipakitang dokumento kung sakali mang may magtanong at maghanap.
Alam niya na mali ang kaniyang ginagawa. Maling-mali. Ngunit para kay Amanda na isang ina alam niya na mas mali ang tumunganga lang sa isang tabi hanggang sa mamatay silang mag-ina sa gutom.
Mabilis na lumipas ang unang kalahati ng araw na iyon. Dahil Lunes ay mas madami sa karaniwan ang dating ng mga biyahero kaya naman kung eestimahin ni Amanda ang dami ng limos na nalikom nilang mag-ina ay maaari na silang umuwi ngunit naisip ni Amanda na sayang ang araw at ang limos na maaari pa nilang matanggap sa hapon.
Kanina ay may ibinigay sa kaniyang sandwich ang isang magandang dalagita na sa tingin niya ay isang kolehiyala. Iyon ang kinain niya para sa tanghalian. Binigyan niya naman ang anak ng isang bote ng gatas dahil mukhang gutom na ito dahil kanina pa iritable at nag-iiyak.
Nang mga bandang alas singko ng hapon ay nagpasya nang umuwi si Amanda dahil bukod sa tila uulan ng malakas ay medyo mainit ang kaniyang anak.
Nung sumunod na araw ay nagpasya si Amanda na hindi na muna mamalimos dahil may sinat pa din ang anak at sa pagkakataong ito ay mayroon na itong mamula-mulang mga maliliit na pantal sa mga braso nito. Mabuti na lamang ay medyo malaki-laki ang nalimos nila nung nakaraang araw. Kapag hindi pa magiging maayos ang anak ay dadalhin na niya ito sa pinakamalapit na pampublikong ospital para ipa-checkup ito.
Kinabukasan ay maaga pa lamang ay nagtungo na sila ng anak sa doktor upang magpakonsulta. May iilang pagsusuri na ginawa sa anak kasama na ang pagkuha dito ng blood sample. Makalipas ang ilang sandali ay pinatawag si Amanda ng doktor upang ibahagi dito ang resulta ng pagsusuri.
“Misis, nagkaroon ba ng mga pagkakataon na nagkaroon ng pagdurugo ng ilong ang anak mo?” tanong ng doktor na seryosong-seryoso ang ekspresyon.
Bagama’t unti-unting umuusbong ang takot sa kaniyang puso ay sinagot ni Amanda ang tanong ng doktor. “Opo, dok. Nitong mga nakaraang linggo ilang beses na nagdugo ang ilong ng anak ko na sa palagay ko ay dahil sa mainit na panahon.”
“Didiretsuhin na kita, misis. Ang pagdurugo ng ilong ng iyong anak, ang kaniyang sinat, ang pamamantal at ang kaniyang pangangayayat ay pawang mga senyales ng kaniyang karamdaman,” pahayag ng doktor.
Hindi maaari. Napakalupit na biro naman yata ito ng tadhana. Bakit ang anak niya pa? Bakit sila pang mag-ina gayong walang-wala sila? Napaisip si Amanda. Ang mga senyales na ito ay pamilyar sa kaniya dahil madalas niya itong nakikita sa mga drama sa telebisyon. Sa garalgal na boses ay naglakas loob siyang kumpirmahin sa doktor ang kaniyang hinala. “Ano ho bang sakit ng anak ko, dok?”
Matapos ang isang malalim na buntong-hininga isang salita mula sa doktor ang tuluyang wumasak ng mundo ng isang mapagmahal na ina. “May leukemia ang anak mo. Huwag kang mag-alala dahil mayroon ng mga makabagong paraan sa paggagamot nito kaya naman malaki ang tiyansa na gumaling siya.”
Madami pang sinabi ang doktor ngunit isa lamang ang salitang rumehistro sa isip ni Amanda, leukemia. Tumulo na ang luhang pilit niyang sinusupil habang iisa lang ang nasa isip. “Hindi na kasinungalingan ang dahilan ng pamamalimos namin sa mga susunod na araw.”
Mariin na napapikit si Amanda at nang dumilat siya ay nagulat siya dahil pawisan siya at nakahiga sa kanilang lumang papag katabi ang kaniyang anak na mahimbing na natutulog.
Doon nabatid ni Amanda na masamang panaginip lamang ang lahat at nung gabi ding iyon ay nagpasya siyang itigil na ang pamamalimos at paggamit sa pekeng karamdaman ng anak. Umusal siya ng taitim na panalangin.
Maghahanap na siya ng marangal na trabaho at ‘yun ang ipangtutustos niya sa pangangailangan nilang mag-ina. Ayaw niyang magkatotoo ang kaniyang panaginip at gusto niyang magbago habang hindi pa huli ang lahat.