Inday TrendingInday Trending
Buhay ng Anak Ko ang Kapalit ng Paglalaro Mo

Buhay ng Anak Ko ang Kapalit ng Paglalaro Mo

“Alvin, kanina ka pa nakababad diyan sa selpon mo. Nakikiusap ako na bantayan mo saglit si Junior para naman makagawa ako ng ibang gawaing-bahay,” pakiusap ni Leny sa kaniyang asawang si Alvin.

“Nandito lang naman si Junior. Tsaka natatanaw ko naman siya. Sige na at gumawa ka na riyan para makatapos ka na at maalagaan mo na si Junior,” tugon naman ng mister.

Labis na kasi ang pagkalulong ni Alvin sa kaniyang mobile game. Kahit nasaan man ito kung may pagkakataon ay palagi mo itong makikitang nakasubsob sa kaniyang selpon at naglalaro. Lubusan naman itong ikinaiinis ng kaniyang asawang si Leny sapagkat imbes na mapakinabangan ang mister sa bahay o sa pag-aalaga man lamang ng kanilang kaisa-isang anak na si Junior na dalawang taon pa lamang ay puro paglalaro ang inaatupag ng asawa.

“Huwag mong pabayaan si Junior, Alvin. Baka mamaya ay kung ano ang mangyari diyan. Huwag mong aalisin ang tingin mo sa kaniya. Alam mo namang malikot ‘yan,” paalala muli ni Leny.

“Oo na. Ang dami mong sinasabi diyan. Bakit hindi mo na lang tapusin ‘yang paghuhugas mo ng pinggan nang ikaw na ang mag-alaga kay Junior? Puro ka satsat,” nayayamot namang tugon ni mister.

Ayaw naman talagang makipagtalo pa ni Leny sa asawa sapagkat alam niyang hindi naman siya mananalo dito ngunit gusto niyang makasiguro na mababantayan ng maayos ni Alvin ang kanilang malikot na anak.

“Ang sa akin lang naman ay bigyan mo ng panahon ‘yang paglalaro mo at ang pag-aasikaso mo rin sa amin. Hindi naman biro ang ginagawa ko dito sa bahay, Alvin. Kaya kung hihingi man ako sa’yo ng tulong ay dahil hindi ko na talaga kaya pa. Iisa lang ang katawan ko tandaan mo ‘yan,” saad ni Leny sa kaniyang mister.

“Bakit? Ang tingin mo ba ay puro mobile games lang ang ginagawa ko sa opisina? Ni hindi nga ako makahawak doon ng telepono ko. Tambak ako lagi ng gawain kaya pagdating dito ay nagdidibersyon lamang ako. Ito na nga lang ang nagtatanggal ng stress ko,” depensa naman ni Alvin.

“Basta ang sinasabi ko lang naman sa’yo ay kung pababantayan ko sa’yo si Junior ay ibaba mo muna ‘yang telepono mo para maalagaan mo siya ng maayos. Hindi mo alam kung gaano kalikot ‘yang si Junior. Baka kapag may nangyaring masama sa kaniya tsaka ka magsisisi,” sambit ng ginang.

“Oo na. Puro ka kuda! Paulit-ulit ka. Ang laki ng problema mo sa mobile game ko!” sambit naman ni Alvin.

Isang araw ay hiningi na naman ni Leny ang tulong ng kaniyang mister na panandaliang bantayan ang kanilang anak sapagkat magsasampay siya ng mga labada.

“Bantayan mong maigi si Junior, Alvin, ha. Huwag ka munang humawak ng selpon mo sapagkat kapag nasimulan mo na ang paglalaro ay tila sumasama na rin ang buong pagkatao mo doon. Hindi mo na napapansin ang nasa paligid mo,” bilin ni Leny.

“Oo na nga. Ayan ka na naman!” tugon naman ni Alvin habang itinatago ang kaniyang telepono sa kaniyang bulsa.

Habang nakaupo si Alvin at binabantayan ang kaniyang anak na naglalaro ay nakaramdam ng pagkainip ang lalaki. Sa pag-aakala niyang magpapatuloy lamang ang anak sa paglalaro ng tahimik ay naisip niyang maglaro muna sandali ng kaniyang selpon. Sinilip niya ang kaniyang misis para tignan kung natatanaw siya nito at nang masigurado niyang hindi siya nito nakikita ay inilabas niya ang kaniyang selpon at muling naglaro.

Tulad ng sinabi ni Leny ay tila pumasok na naman sa mundo ng mobile game ang kaniyang asawa sapagkat hindi nito namalayan ang pagpasok ng kaniyang misis.

“Nasaan si Junior, Alvin?” kinakabahang wika ni Leny na agad naghanap sa kanilang anak.

“Nandito lang siya kanina sa harap ko at naglalaro,” tugon naman ni Alvin na inialis na ang mata sa kaniyang telepono.

“Junior!” tawag ng ginang sa kaniyang anak.

Patuloy na naghalughog ang mag-asawa sa kanilang bahay nang makita ni Leny na nalulunod na sa drum na may lamang tubig ang kanilang anak. Kumakawag ang mga kamay nito at pinipilit na iahon ang sarili sa pagkakalunod.

“Diyos ko! Paano kang napunta diyan sa drum, anak?” hinagpis ni Leny.

Hindi alam ni Alvin ang gagawin sa kaba. Muntik nang tuluyang mawala sa kanila ang nag-iisa nilang anak dahil lamang sa pagkalulong niya sa mobile game. Dahil sa kaniyang pagkaabala ay hindi niya nakita na pumasok na pala ang kaniyang anak sa banyo. Tumungtong ito sa isang bangkito upang tignan ang lamang ng drum ngunit hindi sinasadya ng bata na sa sobrang pagliyad niya ay tuluyan na siyang nahulog sa loob nito. Pilit man siyang umalis dito ay wala siyang kalaban-laban sa lalim ng tubig. Mabuti na lamang ay agad siyang nasagip ng kaniyang asawa. Kung nahuli pa ng ilang minuto sa pagpasok itong si Leny ay baka tuluyan nang binawian ng buhay ang kanilang anak.

Nang masigurado ni Leny na ligtas at maayos na ang kalagayan ng anak ay agad niyang kinompronta ang asawa.

“Lumayas ka dito, Alvin! Hindi ka namin kailangan ng anak mo. Walangh*ya ka! Magsama kayo niyang laro mo! Ikamam*tay ng anak natin ang pagiging pabaya mong ama! Mas importante pa ang larong ‘yan kaysa sa anak mo! Lumayas ka na rito!” paghihimagsik ng kalooban ni Leny.

Hindi na binigyan pa ni Leny ng isa pang pagkakataon si Alvin upang itama ang kaniyang nagawa. Hindi maaatim ng babae kung sakaling may mangyari ulit na masama sa kaniyang anak dahil lang sa kapabayaan ng kaniyang asawa.

“Hindi ba ‘yan ang gusto mo. Ang maglaro ng mobile game na ‘yan. Pwes, ngayon ay malaya ka na. Wala nang sasagabal sa paglalaro mo. Kung iyan lang ang gusto mong gawin buong buhay mo ay wala na akong pakialam basta umalis ka na sa buhay naming mag-ina!” galit na sambit ni Leny.

Sising-sisi man si Alvin ay wala na siyang magagawa sapagkat sumuko na ang kaniyang asawa sa pag-unawa sa kaniya. Dahil lamang sa pagkakalulong niya sa paglalaro ng mobile game ay hindi lang napahamak ang kaniyang anak dahil tuluyan nang nawala sa kaniyang ang kaniya pamilya.

Advertisement