Inday TrendingInday Trending
Bagama’t Hindi Ka Nanggaling sa Akin

Bagama’t Hindi Ka Nanggaling sa Akin

Nasa kusina ang magkapatid na sina Carlos at Lydia. Abala si Lydia sa pagluluto ng hapunan at si Carlos naman ay nag-aayos naman sa mesa. Mayamaya kasi ay darating na ang nag-iisang anak ni Carlos na si Grace mula sa eskwelahan. Nasa kolehiyo na ito. Kaunting panahon na lamang at makakapagtapos na ang dalaga.

“Carlos, hanggang kailan mo balak itago diyan kay Grace ang katotohanan. Lumalaki na ‘yang anak-anakan mo. Hindi mo alam baka isang araw ay kunin na lang siya sa iyo ng mga totoong magulang niyan,” sambit ni Lydia sa kaniyang kapatid na si Carlos.

“Ate, huwag ka namang maingay. Baka marinig ka ni Grace. Aaminin ko rin sa kaniya ang totoo. Malapit na naman siyang magtapos sa kolehiyo. Siguro pagkatapos niyang grumadweyt sisimulan ko nang kumuha ng tiyempo para sabihin ko sa kaniya na hindi talaga siya nanggaling sa akin,” tugon naman ng nakababatang kapatid.

“Sa tingin mo ba ay naniniwala pa rin siya na ang dati mong kasintahang si Edna ang tunay niyang ina? Alam mo ba kung nasaan na siya ngayon? Paano na lamang kung biglang makasalubong ni Grace ang babaeng ‘yon sa daan? Mabubunyag ang lihim mo,” wika pa ni Lydia.

“Kaya kung ako sa’yo, Carlos, habang maaga pa ay ipagtatapat ko na ang totoo,” dagdag pa ng babae.

“Ipagtatapat ang alin, tay?” biglang wika ni Grace na kapapasok lamang ng kanilang kusina.

“Kanina ka pa ba riyan, anak?” kinakabahang tanong ni Carlos. “Kadarating ko lang po. Parang ang seryoso nga po ng usapan ninyo ni Tiya Lydia. Ano po ba ‘yun? Ano po ang ipagtatapat niyo kanino?” saad ng dalaga.

“Naku, ito kasing tatay mo ayaw pang aminin na naghahanda siya ng regalo para sa nalalapit mong pagtatapos. Eh, kinakabahan daw siya baka mamaya ay hindi mo magustuhan kaya ang sabi ko ay habang maaga pa ay ipagtapat na niya sa iyo kung ano ang ibibigay niya,” pagtatakip ni Lydia sa kapatid.

“Sabagay mabait ka namang bata at maiibigan mo ang kahit anong regalo na ibibigay namin sa’yo,” saad ni Carlos.

“Siyempre. Mana ata ako sa tatay ko!” pagmamalaki ni Grace.

“Tsaka, tay, kahit ano naman po ang regalo basta galing sa inyo ay maluwag kong tatanggapin. Sa totoo lang po ay hindi niyo na kailangang magregalo sa akin kasi sapat na po na pinag-aral niyo ko at palaging minamahal,” paglalambing ng dalaga.

“O siya, tama na ‘yang dramahan na ‘yan at luto na ang pagkain. Maghain ka na nga, Carlos. Ikaw naman, Grace, magpalit ka na ng damit at maghugas ka ng kamay. Tara na at kumain na tayo. Kanina pa ako nagugutom!” paanyaya ni Lydia.

Panandaliang umalis si Grace upang magbihis ng kaniyang damit.

“Ikaw naman, ate, ang daldal mo. Sinabi ko naman sa’yo na mag-ingat ka sa tuwing tungkol doon ang pag-uusapan natin. Muntik na tayong mabisto. Kung may magsasabi kay Grace na ampon siya ay ako ‘yun at wala ng iba,” sambit ni Carlos.

“Pasensiya ka na. Nag-aalala lamang ako sa kalagayan ninyong dalawa. Sige. Pangako ko sa’yo mula ngayon ay hindi na natin pag-uusapan pa ang bagay na ‘yan!” saad ni Lydia.

Kinabukasan ay papasok na si Grace sa kaniyang paaralan nang makita niya ang pamilyar na mukha ng isang babae. Dali-dali niya itong sinundan.

“Nay! Nay!” pasigaw niyang tawag dito.

Ngunit hindi siya naririnig ng babae. Patuloy lamang ito sa paglalakad.

“Nay!” muli sigaw ni Grace.

Dahil sa bilis ng pagtakbo ng dalaga ay agad niyang naabutan ang babae. “Nay Edna,” wika ni Grace.

Lubusan naman ang pagtataka ng babae.

“Hindi ba kayo po si Edna? Ako po ito. Ang anak ninyo, si Grace,” giit ng dalaga sa babae.

“Ako nga si Edna pero wala akong anak na Grace. Sa katunayan nga ay dalaga pa ako hanggang ngayon,” sambit ng babae.

“Kilala niyo po ba si Carlos? Siya po ang tatay ko. Anak niyo po ako sa kaniya. Hindi niyo na po ba ako naaalala?” nangangatal na wika ni Grace. “Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo, miss. Pero may kilala akong Carlos. Dati ko siyang kasintahan. Ngunit kahit kailan ay hindi kami nagkaanak,” sagot ng babae.

Maging si Grace ay naguguluhan na rin sa sinasabi ni Edna kaya pinakiusapan niya ito na sumama sa kaniya upang makausap ang kaniyang tatay at nang malaman niya ang katotohanan. Agad namang sumama si Edna upang malinawan din.

Ikinabigla ng magkapatid na Carlos at Lydia ang pag-uwi na Grace na kasama si Edna.

“Tay, ano po ba ang totoo? Ang sabi po ni Nanay Edna ay hindi daw po niya ako anak. Totoo po ba ‘yon?” sambit ni Grace.

“Carlos, hindi ko alam na nag-asawa ka. Matagal na akong walang balita sa’yo dito lang pala kita matatagpuan,” saad ni Edna.

“Anak, siguro nga ay panahon na para malaman mo ang katotohanan. Hindi ako ang tunay mong ama. At hindi rin si Edna ang tunay mong ina. Ginawa ko lamang ang lahat ng iyon sapagkat ayokong lumaki ka na ang akala mo ay hindi kompleto ang iyong pamilya. Patuloy ang iyong paghahanap sa iyong ina kaya nagpanggap na lang ako na ang dati kong kasintahang si Edna ang nanay mo. Patawarin mo ako, anak,” naluluhang wika ni Carlos.

“Tay, bakit kayo nagsinungaling sa akin? Ang buong buhay ko pala ay isang malaking kasinungalingan!” hagulgol na sambit ni Grace. “Pero totoong minahal kita na parang nanggaling ka sa sarili kong laman at dugo,” tugon ni Carlos.

“Sino po ang tunay kong mga magulang? Gusto ko pong umuwi sa kanila,” saad ng dalaga. “Sumagot kayo! Sino ang mga magulang ko? Ibalik niyo ko sa kanila!” sigaw ni Grace.

Dahil sa pagpupumilit ni Grace ay agad siyang dinala ni Carlos sa kaniyang tunay na mga magulang. Una nilang pinuntahan ang ina ng dalaga na kasalukuyang may pamilya na.

“Carlos, nag-usap na tayo. Ang akala ko ay hindi mo na ibabalik sa akin ang batang ‘yan! Tumupad ka naman. Alam mo namang ayaw ko nang balikan pa ang nakaraan ko! Puwede ba umalis na kayo bago pa umuwi ang asawa ko!” pagtataboy sa kanila ng ginang.

Lubusan itong kinalungkot ni Grace.

Sumunod ay nagtungo sila sa ama ni Grace na nasa kulungan.

“Alam mo naman na wala akong kakayahan, pare, na palakihin pa ang batang ‘yan. Ano ang mapapala niya sa’kin dito sa loob ng kulangan? Pasensiya na. Gustuhin ko man siyang tanggapin bilang anak ko ay hindi ko magagawa. Alam mo namang may ibang pamilya na rin ako. Hindi matatanggap ng asawa ko ‘yang batang ‘yan,” wika naman ng tunay na ama ng dalaga.

Hindi lubusang maisip ni Grace na ayaw sa kaniya ng kaniyang mga magulang. “Puwede pala ‘yung ganoon, tay. Puwede pala na kahit anak ka nila kung hindi ka nila gusto ay ipamimigay ka na lang,” sambit ni Grace.

“Grace, dapat yata ay malaman mo na ang katotohanan kung bakit nandito ka sa amin ng Tatay Carlos mo,” wika ni Lydia.

“Lulong sa sugal at ipinagbabawal na gamot ang tatay mo. Nagtatrabaho kami malapit sa tinitirahan nila. Ako bilang isang kasambahay at ito namang si Tatay Carlos mo bilang hardinero. Minsan isang araw ay nag-uwi ng babae ang tunay mong ama. Walang araw na hindi namin sila narinig na nag-aaway. Palaging binubugbog ng tatay mo ang nanay mo. May pagkakataon pa nga na narinig namin na sinadya ng ama mo na sikmuraan ang nanay mo para malaglag ka. Ngunit matindi ang kapit mo,” kuwento ng babae sa dalaga.

“Nung ipinanganak ka isang araw ay biglang siniyasat ng mga pulis ang bahay na ‘yon at hinuli ang ama mo. Buti na lamang ay hindi nasangkot ang iyong ina sapagkat napatunayan naman na hindi siya gumagamit. Nakasuhan pa ang iyong ama ng pang-aabuso sa kaniya. Tinangka kang iwanan ng nanay mo. Nakita ng Tatay Carlos mo na umalis ito ng bahay na dala ang mga gamit ngunit hindi ka bitbit nito. Nagtaka ang kapatid ko at agad niyang pinasok ang bahay. Doon ay nakita ka niyang walang habas sa pag-iyak. Hinabol niya ang iyong ina upang ibigay ka ngunit ayaw ka nitong kunin. Mula noon ay inangkin ka na ng Tatay Carlos bilang tunay niyang anak,” saad ni Lydia.

Iyak nang iyak si Grace nang malaman niya ang totoo. Agad niyang niyakap si Carlos.

“Tay, patawarin niyo ko sa naging reaksyon ko nung nalaman ko ang totoo. Sobrang sakit sa akin ang malaman na hindi niyo pala ako tunay na kadugo ngunit mas masakit ang malaman na ang mga tunay kong mga magulang ay hindi gustong ipanganak ako sa mundong ‘to. Salamat po, tay, at hindi niyo ko sinukuan.” Patuloy sa pagluha ang dalaga.

“Anak, magmula nang makita kita ay nakaramdam na ako ng koneksyon sa iyo na hindi kita dapat pabayaan. Inako ko ang lahat ng responsibilidad na iyon sapagkat alam kong nararapat kang mabuhay ng normal. Ayokong iparamdam sa’yo ang hapdi ng nakaraan mo kaya itinago ko ang lahat sa’yo. Kung maaari nga lamang na huwag ko nang sabihin upang hindi ka masaktan, anak, ay gagawin ko. Hindi ka man nanggaling sa akin ngunit dito sa puso ko alam ko na ako ang ama mo at ikaw ang anak ko,” lumuluhang sambit ni Carlos.

Tuluyan nang tinanggap ni Grace ang katotohan. Maluwag na sa kaniyang loob ang lahat. Mapait man ang katotohanan sa likod ng kaniyang pagkatao ay napunan naman ito ng pagmamahal ng kaniyang Tatay Carlos. Hindi man siya tunay nitong kadugo ngunit tunay naman ang pagamamahal sa kaniya ng ginoo bilang kaniyang ama.

Advertisement