College pa lamang si Mary ay may gusto na siya sa binatang si Richard. Sa binata daw niya kasi nakita ang lahat ng hinahanap niya sa isang lalaki. Matipuno ito at may itsura. Idagdag mo pa ang pagiging matangkad nito at singkit na mga mata. Ngunit ang bumihag ng kaniyang puso ay ang galing ni Richard sa pagpipinta. Kaya kahit tatlong taon na ang lumipas mula nung nagtapos sila ng kolehiyo ay inaantay pa rin ni Mary na mapansin siya ng binata.
Isang araw habang kumakain sa isang restawran ang magkaibigang Tin at Mary ay patuloy na pinagmamasdan ni Mary ang larawan ni Richard sa Facebook.
“Alam mo, Tin, kapag nanligaw sa akin iyang si Richard kahit mayroon akong kasintahan ay hihiwalayan ko maging akin lang siya,” sambit ni Mary sa kaniyang matalik na kaibigang si Tin.
“Tigilan mo nga ‘yan. Mabait naman ‘yung nobyo mo, ah! Hanggang ngayon ba naman, Mary, p*tay na pat*y ka pa rin kay Richard. Grabe, ilang taon na tayong nakapagtapos ng kolehiyo pero hindi pa rin graduate ‘yang puso mo sa pangangarap diyan sa lalaki na ‘yan. Sa totoo lang hindi ko talaga makita kung ano ang nagustuhan mo diyan kay Richard,” tugon naman ni Tin.
“Ewan ko sa’yo, Tin! Tignan mo nga. Napakaguwapo niya,” kinikilig na wika ni Mary habang ipinapakita niya ang larawan ng binata sa kaibigan. “Umaasa pa rin ako kasi hanggang ngayon ay wala pa naman siyang kasintahan,” dagdag pa ng dalaga.
“At paano mo naman nalaman, aber?” tanong ni Tin. “Tignan mo nga at single pa rin ang nakalagay sa status niya sa Facebook,” natutuwang saad ni Mary.
“Siya single pero ikaw may nobyo ka na kaya magtigil ka diyan. Hindi tama ang ginagawa mo, Mary. Hindi ako pabor diyan kasi parang ginagamit mo lang ang kasintahan mo para lang masabing hindi ka single,” sambit muli ni Tin.
“Tin, pabayaan mo na lang akong magpantasya dito. Alam mo naman na wala akong ibang gusto kung hindi siya. Sinagot ko lang naman ‘yang nobyo ko kasi may pakinabang ako sa kaniya. Tsaka naaawa na ako. Ginagawa niya lahat ng gusto ko kaya push na rin ako. Pero itong nararamdaman ko para kay Richard, Tin, iba. Mahal ko talaga siya!” dagdag pa ng dalaga.
“Bahala ka diyan sa kahibangan mo. Sinasabi ko sa’yo, Mary, baka mamaya makarma ka sa ginagawa mong ‘yan sa nobyo mo. Pinapaasa mo ‘yung tao sa wala. May iba ka palang gusto. Kung ako sa’yo ay hiwalayan mo na siya. At kung mahal mo talaga ‘yang si Richard bakit hindi ikaw ang unang gumawa ng paraan? Pero makipaghiwalay ka muna diyan sa nobyo mo,” suwestiyon ni Tin.
“Alam mo maraming beses ko na din ‘yan binalak kaso nahihiya kasi ako. Pero wala namang mawawala, ano? Subukan ko kayang padalhan siya ng mensahe,” tugon ni Mary.
“Hiwalayan mo muna ‘yang nobyo mo bago ang lahat, Mary. Mga bagay lamang ang ginagamit at hindi ang tao,” pangaral ng kaibigan.
“Ang nega mo naman. Papadalhan ko lang naman ng mensahe hindi ko naman syo-syotain. Tsaka paano kung hindi tumalab ang pagpapapansin ko? Mabuti na ‘yung may nobyo ako para hindi naman masyadong masakit,” sambit muli ni Mary.
“Bahala ka na. Huwag mong sabihin na hindi kita binalaan,” saad ni Tin sa kaibigan.
Tuluyan na ngang nilakasan ni Mary ang kaniyang loob at nagpadala ng mensahe sa binata sa kabila ng pagkakaroon niya ng kasintahan.
“Tin! Sumagot na siya!” kinikilig na wika ni Mary.
“Mary, sinabihan na kita, ah. Baka kung saan pulutin ‘yang kalandian mo,” natatawang sambit ng kaibigan.
“Hayaan mo na ko. Ngayon lang. Pakiusap,” saad ni Mary.
Wala ngang nagawa ang kaibigan ng dalaga.
Nagpatuloy sa pagpapalitan ng mensahe sina Mary at Richard. Inilihim ito ng dalaga sa kaniyang kasintahan. Mas madalas pa nga na ka-chat niya si Richard kaysa sa kaniyang nobyo. Umabot na sa sukdulan kung saan nagpapadala na ng mga kaakit-akit na larawan si Mary sa binata.
Isang araw ay lubusan ang kilig ni Mary sa natanggap niyang mensahe mula kay Richard.
“Tin, inaaya ako ni Richard na makipagkita! Lalabas daw kami,” kinikilig na kuwento ng dalaga sa kaibigan.
“Alam mo kung hahalikan ako nitong si Richard mamayang gabi ay papayag na ako! Kahit na may mangyari pa sa amin!” hindi mapatid ang kilig ng dalaga.
“Paano ang kasintahan mo? Nakipaghiwalay ka na ba sa kaniya?” mariing tanong ni Tin. “Hayaan mo na ‘yun! Kapag mamaya ay naging opisyal na kami ni Richard ay hihiwalayan ko na rin siya,” saad pa ng dalaga.
“Alam ba ni Richard na may kasintahan ka?” muling pag-usisa ni Tin. “Hindi ko na nabanggit. Pero ayos lang ‘yun. Ang mahalaga naman ay nagkakapalagayan na kami ng loob,” sagot ni Mary.
Walang pakialam itong si Mary kahit na may nasasagasaan na siyang tao basta ang importante lamang sa kaniya ay matupad niya ang kaniyang pagnanasa sa kaniyang matagal nang pinapangarap na si Richard.
Kinagabihan ay naghanda ng lubusan si Mary. Isinuot niya ang pinakakaakit-akit niyang damit at nag-makeup. Halos maligo na rin ito ng pabango sapagkat gusto niyang maging kahali-halina sa paningin ni Richard upang hindi siya nito matanggihan.
Ilang minuto siyang naghintay sa kanilang tagpuan. Mayamaya ay unti-unti nang lumapit sa kaniya ang binata. Ngunit hawak kamay ni Richard ang isang babae.
Lubusan ang pagtataka ni Mary. “Sino ‘yang kasama mo Richard?” tanong niya sa binata.
“Ako nga pala si Nadia. Ako ang kasintahan ni Richard,” pagpapakilala ng dalaga.
“Akala mo si Richard ang kapalitan mo ng mensahe, ano? Kaya nadidismaya ka ngayon. Ang totoo, Mary, alam ni Richard ang lahat ng mensahe na pinapadala mo. Pinasasakay ka lang namin. Alam namin na may kasintahan ka. Bakit ka pa nagpapadala ng mga mensahe sa nobyo ko?” sambit pa ng dalaga.
“Alam ba ng nobyo mo ang ginagawa mo, Mary? Malamang hindi. Kaya ang ginawa ko ay ipinadala ko sa kaniya ang lahat ng mensaheng ipinadala mo sa nobyo ko,” saad pa ni Nadia.
“Malandi ang tawag sa mga taong kagaya mo! Hindi mo ba alam na hindi mo dapat pinaglalaruan ang damdamin ng iba? May nobyo ka na ngunit inaakit mo pa itong si Richard. Hindi ka nakontento sa isang lalaki. Tignan na lang natin kung ano ang gagawin ng nobyo mo kapag nabasa niya ang lahat ng mga pinagsasabi mo sa nobyo ko.” Hindi matigil sa pagsasalita si Nadia.
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Mary. Buong akala ng dalaga ay hawak niya sa kaniyang mga kamay ang sitwasyon ngunit hindi niya alam na pinaglalaruan lamang siya ng magkasintahan dahil sa kaniyang pangangaliwa.
Gusto na ni Mary na lumubog sa kaniyang kinatatayuhan dahil sa kahihiyan na kaniyang sinapit. Dagdag pa dito ang galit na natamo niya sa kaniyang kasintahan nang nabasa nito ang pakikipagpalitan niya ng mga mesnahe at nakita ang mga mapang-akit na larawang ipinadala niya kay Richard.
Dahil sa kaniyang pagtataksil at panggagamit ay hindi lang siya nagawang paglaruan ni Richard at ng kasintahan nito, nawala din sa kaniya ang pagmamahal ng kaniyang nobyo. Kung nakinig lang sana siya sa payo ng kaniyang kaibigan ay hindi niya sasapitin ang hagupit ng karma. Ang sabi nga nila laging nasa huli ang pagsisisi. Walang ibang magagawa si Mary kung hindi ang magsisi at tanggapin ang lahat ng kahihiyan.