Inday TrendingInday Trending
Mapait na Nakaraan

Mapait na Nakaraan

“Diyos ko, Edlyn! Kinakahan ako para sa’yo! Ibigay mo lahat ng makakaya mo para makuha ang korona, ha? Napakalaki rin ng salaping mapapanalunan mo! Sigurado akong kapag nakuha mo ang korona matutulungan mo talagang umangat sa hirap ang mga magulang mo!” nasasabik na wika ni Jaimee habang inaayusan ang kaniyang nakababatang kinakapatid.

“Oo nga, ate! Gagawin ko talaga ang lahat. Ibibigay ko ang lahat ng itinatago kong talento mamaya. Simula sa paglakad hanggang sa pagsagot sa kanilang mga tanong. Wala akong papalampasin. Pangako hindi masasayang ang lahat ng pagod mo sa’kin. ‘Yung pangangarag mo makakita lang ng magaling na designer na maliit lang maningil para sa’kin, ‘yung pagme-makeup mo sa’kin at higit sa lahat ay ‘yung pagsasakripisyo mo na hindi mag-abroad dahil lang sa may laban ako. Maraming salamat, ate!” sagot ni Edlyn tsaka niyakap ang dalagang nasa harapan niya. Napatigil naman si Jaimee sa paglalagay ng makeup sa mukha ng dalaga.

“Siyempre kapag nakuha ko ang korona pati ikaw iaangat ko sa hirap. Hindi ko hahayaang maiwan ang babaeng nagdala sa’kin sa patimpalak na ito!” dagdag pa ni Edlyn tsaka ipinagpatuloy ni Jaimee ang pagme-makeup sa kaniya.

“Napakabait mo talaga. Nasasabik na kong sumikat ka sa buong Pilipinas! Makikilala na ang munti naming prinsesa! Talaga nga namang kapag ikaw ang nanalo hindi mapapahiya ang Pilipinas kapag lumaban ka na sa Ms. Finesse! Kayang-kaya mong pantayan iyong ipinakitang galing ni Ms. Catriona Gray sa Miss Universe, hindi ba?” pangangarap pa ni Jaimee tsaka nagpatuloy sa paglalagay ng makeup sa dalaga.

“Naku, ate. Huwag kang mangarap masyado ng mataas. Baka madismaya kita,” tugon ng dalaga.

“Malaki ang tiwala at bilib ko sa’yo. O, sige na. Magbihis ka na at rehearsal niyo na raw,” pahayag naman ni Jaimee tsaka tuluyang pinatayo si Edlyn upang magbihis.

Tila isang hakbang na lang para matupad ng dalagang si Edlyn ang pangarap niya bilang isang beauty queen sa buong bansa. Ginawa niya ang lahat para makatungtong sa entabladong pinapangarap niya noon na abot kamay na niya ngayon. Madalas mapansin ng mga hurado ang angking ganda, talento at talino ng dalaga dahilan para kainggitan siya ng ibang kandidata.

“Ms. Edlyn, medyo lumalaki na ang ulo mo, ha. Ingat ka. Baka pumutok ‘yan. Hindi porke’t lagi kang napapansin ng mga hurado ay mananalo ka na,” bulong ng isang kandidata.

Hindi naman ito pinansin ng dalaga. Alam niya kasing hindi ito makakatulong sa laban niya upang makuha ang korona.

Dumating na nga ang gabi kung saan itatanghal na kung sino ang pinakamagandang dilag sa buong Pilipinas at ilalaban sa iba’t ibang dalagang galing sa iba’t ibang bansa.

Simula pa lang ng patimpalak ay tinodo na agad ni Edlyn ang kaniyang pagpapakitang gilas.

Napanganga naman ang ibang mga kandidata nang sagutin na ng dalaga ang tanong na ibinigay sa kaniya. Halos lahat ng taong nanonood ay napatayo kabilang na ang mga hurado. Ito ang naging dahilan kung kaya’t sa bandang huli ay si Edlyn ang tinanghal bilang Miss Finesse.

Labis ang kasiyahang nararamdaman ng dalaga nang muli siyang lumakad sa entablado habang suot niya ang korona. Ngunit bigla na lang may isang kandidatang umagaw ng mikropono sa mga hosts at nagsalita.

“Sigurado talaga kayong kriminal ang itatanghal niyong Miss Finesse? Paano kaya nakalusot ang isang KRIMINAL sa pristiyosong patimpalak na ito? Hindi niyo ba alam na pin*slang ng babaeng iyan ang kaniyang pinsan sa kanilang probinsya? Oh, my goodness!” wika ng babae dahilan para matigil sa paglalakad si Edlyn at maiyak.

Halo-halong komento naman ang naririnig ng dalaga sa mga tao. Agad namang siyang itinago kasama ang kandidatang nagpahiya sa kaniya ng mga security guard.

Tulala ang dalaga sa mga kaganapan. Halos buong bansa ang nakapanuod noon. Iyak lang siya nang iyak at mayamaya pa ay kinausap na siya ng management ng patimpalak. Doon niya inilahad ang buong kuwento sa kaniyang nakaraan.

“Totoo pong nap*slang ko ang pinsan ko noong labing limang taong gulang pa lang ako dahil sa minol*stiya niya ako. Imbes na ako ang map*slang niya habang binababoy niya ang pagkatao ko ay dinampot ko ang baril na pinanakot niya sa akin nung inilapag niya ito sa sahig at ipinutok ko iyon sa ulo niya. Nagawa ko lang po iyon para iligtas ang sarili ko,” iyak ni Edlyn. Nawindang naman ang lahat dahil sa kaniyang pag-amin.

Tinanong si Edlyn ng management kung payag siyang isapubliko ang katotohanang ito upang malinis ang pangalan niya sa buong bansa. Pumayag naman ang dalaga at buong tapang siyang humarap sa media para linisin ang pangalan niya. Inilahad niya rin kung paano siya napawalang sala noon.

Sa huli ay lalong sumikat ang dalaga dahil sa kaniyang nakaraan. Labis na hinangaan ng mga tao ang angking tapang na pinakita ng dalaga.

“Walang sino man ang may karapatang husgahan o maliitin ang isang tao base sa kanilang nakaraan dahil lahat tayo ay may karapatang magbago at bumangon,” madiing pahayag ni Edlyn sa isang press conference na talagang labis na humaplos sa puso ng mga tao.

Matagumpay na nalinis ng dalaga ang kaniyang pangalan habang ang kandidatang gumawa ng eksena ay permanente nang hindi makakasali sa ano mang patimpalak sa Pilipinas.

Ang laban ng dalaga ay hindi nagtatapos dito dahil magpapakitang gilas pa siya sa ibang lahi sa susunod na taon na labis niyang pinaghahandaan. Layunin niya ngayon ang makuha ang koronang minimithi ng halos lahat ng dalaga.

Hindi dapat husgahan ang tao base sa nakaraan niya dahil ang mahalaga ay kung ano siya ngayon at sa susunod pang mga taon.

Advertisement