
Ang Huling Istasyon ni Mara
Rush hour na naman. Alas sais ng hapon at kagaya ng normal na itsura ng bawat istasyon sa LRT sa ganitong oras ay punung-puno ang bawat tren at ‘di mahulugang karayom sa dami ng biyaherong nagnanais nang makauwi upang magpahinga at mga biyaherong papasok at nagdarasal na hindi mahuli sa opisina.
Si Mara, sa kasamaang palad ay napunta sa tren kung saan mixed ang mga nakasakay o maaaring sakyan ng parehong lalaki at babae.
Ayaw na ayaw niyang sumasakay sa ganito dahil madaming manyak na madalas manghipo ng mga pasahero na sa tingin nila ay hindi magsasalita at lalaban. Iyon ang iniisip ni Mara.
Ayaw na ayaw niyang gumagawa ng eskandalo kaya kung mayroong masamang loob na susubukan siyang gawan ng masama ay baka piliin niya na lang na manahimik.
Nagsimulang mapanatag ang kaniyang kalooban nang maging matiwasay ang naging biyahe niya mula sa istasyon ng Recto hanggang V. Mapa. Mukhang mabait ang babaeng katabi niya na ilang beses niyang nakangitian.
Pagdating sa istasyon ng V. Mapa ay dagsa ang tao kaya naman mas lalo pang naging siksikan sa loob.
Sumulyap si Mara sa suot na relong pambisig. 6:20 ng hapon at nagsisimula nang kumalat ang dilim sa kalangitan. Tantiya ni Mara ay nasa bahay na siya ng mga bandang 7:00 ng gabi. Madami siyang assignment na kailangang tapusin kaya naman gustung-gusto niya nang makauwi.
Napakurap si Mara mula sa mga iniisip nang maramdaman niyang tila may nakatitig sa kaniya. Iginala niya ang tingin at nakita ang isang lalaki na nakatitig sa kaniya. Naasiwa siya dahil kahit na nakita na niya ang pagtitig nito ay tila hindi man lang ito natinag.
Iwinaksi na lamang niya ang masamang isipin dahil wala namang ginagawa sa kaniya ang lalaki. Hangga’t maaari ay ayaw din naman niyang manghusga. Malayo naman ito sa kaniya dahil napapagitnaan sila ng magkakabarkada.
Dahil medyo maiingay ang mga magkakabarkadang katabi niya ya nadidinig niya ang pinag-uusapan ng mga ito.
Sabi ng cute na babaeng maikli ang buhok na sa tingin niya ay kaedaran niya, “Guys, napanood niyo ba ‘yung nasa balita? May serial k*ller daw na kasalukuyang pinaghahahanap ng mga pulis ngayon.”
“Ay, oo nga, girl! Sinusundo na nga ako ng kuya ko kapag gabi na ako nakakauwi kasi medyo malapit sa Katipunan ‘yung pinangyarihan ng mga krimen,” paglalahad naman nung tsinitang may kulay brown ang buhok.
“At eto ang pinaka-creepy. Parang may pattern ‘yung k*ller kasi limang college students na daw ang nagiging biktima,” dagdag nung isang morena na makapal ang suot na pulang lipstick.
Pamilyar si Mara sa pinag-uusapan ng mga ito dahil napanood niya din ito sa telebisyon. Napasulyap siya sa mamang nakatitig sa kaniya kanina at hindi siya sigurado pero nakita niyang napangisi ito kaya naman medyo napaisip siya kung bakit ito nagkakaganoon gayong mag-isa lamang ito. Wala itong pinapanood o pinapakinggang kung ano.
Mayamaya pa ay isa-isa nang nagsibabaan ang magkakabarkada kaya naman napalapit na kay Mara ang weird na lalaki. Nagulat siya nang maramdaman niya ang tila pasadyang paghaplos nito sa kaniyang bewang gayong hindi na naman ganun kasikip sa tren dahil malapit na sila sa dulong istasyon.
Naulit pa ang mga pasadyang haplos ng lalaki na tiniis na lamang ni Mara dahil malapit na ang Santolan Station kung saan siya bababa. Galit na galit si Mara ngunit ayaw niya ng gulo kaya papalampasin niya na lamang ito.
Pagdating sa kaniyang istasyon ay dali-daling bumaba si Mara ngunit sa kamalas-malasan ay doon din ang istasyon ng lalaki.
Sinubukan ni Mara na bagalan ang kaniyang paglalakad nang sa gayon ay masiguro niyang hindi siya sinusundan ng lalaki ngunit sa tuwing binabagalan niya ay binabagalan din nito ang lakad kaya nananatili ito sa likod niya.
Malapit nang mag-alas siyete kaya nagpatuloy si Mara sa mabilis na paglalakad hanggang sa mapasigaw na lamang siya sa gulat nang biglang may humablot sa kaniya nang mapatapat siya sa isang madilim na bakanteng lote.
Kung may dadaan doon ng mga sandaling iyon ay madidinig ang mga impit na tunog ng isang taong nakikiusap para siya ay hindi saktan hanggang sa mayamaya pa ay naging tunog ito ng mahinang-mahinang paghinga na kalaunan ay tumigil na.
Makalipas ang ilang sandali mula sa madilim na bakanteng lote ay lumabas ang nakangising si Mara habang pinupunasan ang kamay niya na bahagyang nabahiran ng dugo.
Habang papalayo sa lugar na iyon ay maririnig ang bulong ni Mara, “Hindi ka naman sana kasama sa mga biktima ko kaso dahil sa’yo late akong makakauwi. ‘Yan tuloy.”
Kinabukasan ay ibinalita na may ika-anim na biktima ang gumagalang serial k*ller na natagpuan sa bakanteng lote na malapit sa Santolan Station. Nagtataka ang mga pulis dahil nag-iba ang pattern ng biktima kaya naman mas lalo nilang tinutukan ang imbestigasyon.
Sinimulan nilang i-check ang mga CCTV mula sa Santolan Station at doon ay nakita nila ang magandang babaeng sinusundan ng biktima.
Nang makilala nila ang babae ay laking gulat nila dahil nakatira ito malapit sa mga lugar na pinangyarihan ng mga naunang krimen kaya naman malakas ang suspetsa ng kapulisan na may kinalaman ang babae na napag-alaman nilang si Mara Santillan sa mga naganap na pagp*tay.
Nang arestuhin nila ang dalaga ay sumama naman ito ng matiwasay ngunit tila wala itong planong makipagtulungan sa imbestigasyon.
Nanatili itong tahimik at blangko ang ekspresyon. Nagsalita lamang ito nang dumating ang ina nito.
Tumalim kaagad ang mga mata ni Mara at sinabing, “Bakit ka nandito? Hindi ba’t matagal mo na akong pinabayaan?”
“Anak, patawarin mo ako. Nagkamali ako,” sagot ng ina.
Tandang-tanda pa ni Mara nang iwan sila ng kaniyang ina.
“Nay, san ho kayo pupunta?” May takot sa mga mata ng labing isang taon gulang na si Mara.
“Aalis na ako sa bahay na ‘to. Hindi ito ang buhay na ipinangako sa akin ng ama mo,” hindi lumilingong tugon ng kaniyang ina.
“Nay, paano na kami ni tatay?” Umiiyak na sambit ng dalagita.
“Bahala na kayo ng ama mo! Puro lang siya salita at wala namang siyang nagawa para sa atin!” Galit pa din ang namamayani sa mukha ng kaniyang ina.
“Nay! Huwag mo kaming iwan!” Halos maglumuhod na si Mara sa pagkapit sa ina ngunit tila bingi ito na dire-diretsong lumabas ng bahay kahit makaladkad pa siya.
Ilang buwan matapos ang paglisan na kaniyang ina ay nagpatiw*kal ang kaniyang ama sanhi ng depresyon.
“Itay!” Iyak ni Mara habang tinatabunan ng lupa ang ataul na kinalalagyan ng kaniyang ama.
Madami pang sakit at hirap na dinanas si Mara nang tuluyan na siyang maulila. Nang dumating ang kaniyang tiyahin sa buhay niya ang akala niya ay magiging maayos na ang lahat ngunit nagkamali siya.
“Tiya, tama na po! Nasasaktan na po ako!” Umiiyak na pakiusap ni Mara habang sinasalag niya ang bawat sampal ng kaniyang tiyahin.
“Sinabi ko na sa’yo na gampanan mo ng maayos ang tungkulin mo sa bahay! Hindi ka bisita dito kaya huwag masyadong makapal ang mukha mo!” Galit na galit na pahayag ng tiyahin nung isang beses na gabihin ng uwi ang kawawang dalagita.
Matapos maghugas ng pinagkainan ay sumilip ang dalagita sa sala nang marinig ang masayang tawanan ng pamilya na inakala niyang pamilya din niya. May naramdaman siya poot nang makita ang pagyakap ng kaniyang pinsang kolehiyala na si Rena sa ina nitong may malaking ngiti sa labi.
“Hinding-hindi niyo mararanasan ang saya ng isang buong pamilya,” bulong ni Mara habang matalim na nakatitig sa kaniyang unang biktima, ang pinsang si Rena.
Mapait na napangiti si Mara sa pagdaloy ng mga alaala.
“Puwes, kailangan mo ding tanggapin na dahil sa’yo ay naging mamam*tay tao ako. Oo, ako ang pum*tay sa mga college students na ‘yun dahil gusto kong maramdaman ng mga nanay nila kung ano ang pakiramdam nang maiwan kagaya nang ipinaramdam mo sa akin,” tila baliw na sabi ni Mara.
“Diyos ko!” napahagulgol na lang ang nanay ni Mara habang ang mga pulis ay gulat na gulat sa pag-amin ng dalaga sa mga krimeng nagawa.
Tuluyan nang ikinulong ng mga pulis si Mara. Nagkaroon ng katahimikan ang lahat dahil nahuli na din ang suspek sa serial k*lling. Maliban sa nanay ni Mara na wala nang ibang nagawa kung hindi ang magsisi sa ginawang pang-iiwan sa anak na naging mitsa ng mga malalagim nitong krimen.