Inday TrendingInday Trending
Ang Lihim ng Magkakambal

Ang Lihim ng Magkakambal

Matalik na kaibigan. Yan ang turing ni Danica sa kanyang kakambal na si Daniel.

Simula pagkabata ay ito na ang naging tagapagtanggol at kasangga niya sa lahat ng bagay – tagpagtanggol mula sa mga bully nilang kaklase at kalaro, at tagapagtakip ng nagagawa niyang pagkakamali sa kanilang mga magulang.

Sa totoo lang, nais din ni Danica maging sandigan ng kanyang kakambal ngunit masyadong independent ang kanyang kapatid na madalas ay seryoso at tahimik lang, na sa tingin naman ni Danica ay normal lamang sa mga kalalakihan.

Minsan nga ay nagtatampo na si Danica sa pagiging malihim ng kapatid, pero naisip niya na baka ganun lang talaga ang personalidad ng kakambal. Gayon pa man, mahal na mahal niya ang kapatid dahil para sa kanya, ito ang nag-iisang superhero na handa siyang sagipin sa lahat ng panganib anumang oras.

Kasalukuyan silang nasa ikatlong taon sa kolehiyo. Masasabi niya na ang kakambal ay mas matalino sa kanya at mas popular sa kanya sa naman ang mga kaibigan nito ay yun ding mga sikat sa eskwelahan. Isa na doon si Darryl.

Si Darryl ay kaklase niya sa ilang subject at masasabi niya na close sila. Kagaya ng kanyang kakambal, gwapo, matalino, mabait, at higit sa lahat ay maalaga itong tao, lalong lalo na sa kanya.

Kaya naman madami ang haka-haka ang kanilang mga kaklase na baka daw gusto siya ni Darryl at nahihiya lang itong magtapat ng damdamin dahil ayaw nitong masira ang friendship nila ng kakambal.

Ayaw man paniwalaan ni Danica ay may parte sa kanya na umaasa na baka gusto rin siya ni Darryl. Tama. Gusto niya ang kaibigan ng kuya niya. Naghihintay lang siya ng magandang tiyempo para magtapat dito dahil syempre, natatakot siya na masira ang pagkakaibigan nila ni Darryl.

Dumaan ang mga araw, at habang tumatagal ay masasabi ni Danica na mas lumalalim ang nararamdaman niya para kay Darryl. Ang tamang panahon ay nasiguro ni Danica nang minsang magkaroon sila ng class discussion sa isang subject na kaklase niya ang kakambal at ang minamahal.

“Class, magsisimula ang diskusyon natin sa isang tanong na gusto kong sagutin ninyo. Ano ang mga katangiang hinahanap niyo sa isang taong mamahalin ninyo?” tanong ng kanilang propesor.

“Ma’am yung ano po… yung pogi,” sabay hagikhik ni Mica, ang kaklase nilang maingay at makulit. Nagtawanan naman ang buong klase.

“Ma’am, yung magiging loyal sa akin,” sabi naman ni Ged na umani ng pabirong “boo” sa klase dahil kilala nila ito bilang babaero.

Nagtaas naman ng kamay si Darryl, kaya siya ang sumunod na tinawag. “Ma’am, simple lang ang gusto ko. Yung taong kilalang ako, at kilalang kilala ko,” sabay sulyap sa likurang bahagi ng classroom na kinauupuan ng magkakambal.

Nakita yun ng mga kaklase nila kaya naman matinding kantiyawan ang sumunod na tagpo. Namula naman si Danica, na napasin ng kakambal kaya naman marahan nitong sinaway ang mga kaklase na patuloy ang pang-aasar.

Malakas ang kutob ni Danica na siya ang pinapatungkulan ng sinabi ni Darryl. Nang lalabas na sila ng classroom, sumabay sa paglalakad niya sa Darryl dahil magkaklase sila sa susunod na subject.

Habang naglalakad, may tinanong si Darryl na nagpahinto ng tibok ng kanyang puso: “Danica, ano ang mararamdaman mo kung meron kang kaibigan na magsasabing hindi lang kaibigan ang tingin niya sayo?”

Kahit kinakabahan, sumagot si Danica “Sa tingin ko mas okay kung magkaibigan na kami bago pa maging kami. Mas mas kilala na namin ang ugali ng isa’t isa, kaya mas madali ang mag-adjust.”

Nagliwanag naman ang mukha ni Darryl at inakbayan siya, “Yan ang gusto ko sayo eh, parehas tayo mag-isip.”

Natawa na lang si Danica habang iniisip na hindi niya na kailangang magtapat dahil mukhang si Darryl ang magtatapat sa kanya.

Kinabukasan, ang masayang mukha ni Darryl ang bumungad sa kanya. Palangiti itong tao ngunit alam niya may kakaiba na hindi niya naman masabi kung ano.

“Danica, kain tayo mamaya, May sasabihin ako sayo. Ano, tara?” tanong kagad ni Darryl nang makaupo siya sa tabi nito.

“Anong sasabihin mo? Sabihin mo na ngayon,” sagot ni Danica.

“Mamaya na lang kasi mahalaga to at pribado. Aantayin kita sa Aileen’s ng 6pm ha,” misteryosong sagot ni Daryll. Napa-oo na lang si Danica.

Buong araw kabado si Danica pero excited din siya sa sasabihin ni Daryll. Medyo late nag-dismiss ang propesor niya sa last subject kaya 6:15 na nang dumating siya sa Aileen’s.

Nadagdagan ang kaba niya nang makitang si Darryl at ang kakambal na nag-uusap atnagtatawanan. Pero maya maya ay napangiti siya dahil natuwa siya sa isipin na hinihingi din ni Darryl ang pagsang ayon ng kanyang kapatid.

“Danica!” kumaway si Darryl at mabilis na tumayo para ipaghila siya ng upuan.

“O, anong meron?” tanong ni Danica nung nagsisimula na silang kumain.

“Danica, may ipagtatapat ako sayo. Mahal na mahal… ko ang kakambal mo at nagtapat ako sa kanya kagabi kaya kami na. Actually nagpapasalamat ako sayo dahil nagkalakas ako ng loob mula sa pag-uusap natin kahapon. Sana suportahan mo ang relasyon namin,” dire-diretso at madamdaming pahayag ni Darryl, sabay taas ng kamay nito at ng kakambal na magka-holding hands pala sa ilalim ng mesa.

Hindi alam ni Danica kung paano ipo-proseso ang hindi inaasahang impormasyon mula sa lalaking akala niya ay may gusto sa kanya. Uminom siya ng tubig habang iniisip kung anong susunod na sasabihin.

Matapos ang ilang segundo ay pilit siyang ngumiti ng matamis at nagsalita. “Nakakagulat ito masyado dahil wala akong kaide-ideya, pero oo naman, susuportahan ko kayo. Kung saan masaya ang kapatid ko, doon ako. Alam ko naman na magiging mabuti kang kasintahan sa kapatid ko,” sabay sulyap sa kapatid kong may malaking ngiti sa labi at kumikislap ang mga mata. Bagaman masakit, bukal sa kanyang kalooban ang mga sinabi.

Ito ang unang beses na nakita niyang ganun kasaya ang kapatid kaya naman kahit paano ay nabawasan ang sakit na nararamdaman ni Danica.

Dahil dito ay agad-agad nagpasya si Danica na magpaparaya para sa kapatid na simula pagkabata ay walang hindi ginawa para sa kanya.

Kung kailangan niyang kalimutan ang nararamdaman para kay Darryl, gagawin niya para protektahan ang kasiyahan ng kapatid na pumrotekta sa kanya simula pa noon.

Advertisement