Inday TrendingInday Trending
Ang Kwento sa Likod ng Aking Pulang Bestida

Ang Kwento sa Likod ng Aking Pulang Bestida

Umaga pa lang ay puro na pagmamaktol si Carol sa kusina.

“Ano ba namang buhay ‘to! Pandesal na naman? Kahapon pa ‘to, ah!” reklamo ni Carol sa nanay niya.

Hindi na lang siya pinansin ng matanda at ipinagpatuloy lang ang ginagawang pagtitimpla ng kape para sa anak. “Uminom ka muna ng kape para mainitan ang sikmura mo bago ka pumasok,” alok ni Aling Conchita kay Carol.

“Kahit creamer wala tayo, nay? Diyos ko naman!” reklamo ni Carol sabay bigwas sa baso dahilan para matapon ang kapeng tinimpla ng ina sa sahig.

Isang malalim na buntong-hininga na lang ang naging reaksyon ni Aling Conchita sa ginawa ni Carol. Nag-iisang anak niya si Carol kaya labis ang pagmamahal niya rito.

Sa pangangalakal nakukuha ni Aling Conchita ang pangtustos sa pag-aaral at ibang pangangailangan ng anak. Pero sa kasamaang palad ay napabarkada si Carol at napasama sa mga gang at fraternities.

“Pahinging pera. Aalis na ko!” sigaw ni Carol sa nanay niyang kasalukuyang naglilinis ng kapeng natapon niya.

Mahinahon na iniabot ng ginang ang trenta pesos sa anak. “P*ta. Ano ‘to, trenta? Anong mabibili ko dito?” reklamo ng dalaga.

Hindi nakontento si Carol kaya nilimas niya ang isang daang piso na natitira sa pitaka ng kaniyang ina. Pagkatapos ay umalis na rin gaya ng nakasanayan. Walang nagawa ang ginang sa inasal ng anak. Gumayak na lang siya agad para mangalakal.

Noong gabing ‘yun ay hatinggabi na nang makauwi si Aling Conchita. Nadatnan niya ang anak kasama ang mga barkada nito na nag-iinuman sa bahay nila.

“Carol sino ‘yang matandang yan?” tanong ni Arnold, ka-frat ng dalaga habang sumisinde ng sigarilyo.

“Oo nga. Ang baho, amoy basura!” pag-iinarte ng isang babaeng naka-spaghetti straps.

“Paalisin mo nga ‘yan dito. Baka mabugbog ko ‘yan!” banta ng leader ng grupo nila.

Nakapameywang at nakataas pa ang kilay ni Carol nang humarap siya sa nanay niya. “Bakit ka nandito? Umalis ka nga dito! Bilisan mo at lumayas kang matanda ka! Ang baho-baho mo. Ni hindi ka na nahiya sa mga bisita ko!” sigaw ng dalaga sa kaniyang ina.

Tahasang ipinagtabuyan ni Carol si Aling Conchita palabas ng bahay nila. Hindi na nakayanan ni Aling Conchita ang naging trato ng kaniyang anak sa kaniya kaya hindi na niya napigilan ang sarili na humagulgol sa iyak.

Nang mag-uumaga na ay bumalik ulit ang ginang sa bahay nila.

“Carol…” bungad ni Aling Conchita sa anak na halatang lango pa sa alak.

“Problema mo?” pabalang na sagot ng anak. “Bakit ganun ang ginawa mo sa akin kagabi? Ako pa rin ang nanay mo, anak. Matuto ka namang gumalang sa akin,” mahinahong pangaral ni Aling Conchita sa anak.

“Ah, talaga ba? Kung pangaralan mo ko ngayon parang napakaresponsable mong ina, ah. Eh, hindi mo nga mabigay ang mga bagay na gusto ko, eh!” pagmamatigas ni Carol.

May kung anong kumurot sa puso ni Aling Conchita dahil alam niyang totoo ang sinasabi ng anak niya.

“O, ‘di ba wala kang masabi? Hindi ka makapagsalita kasi totoo! Ang malas ko dahil ikaw ang nanay ko! Matanda ka na nga wala ka pang silbi,” sumbat ni Carol sa nanay niya.

Nasaktan ng labis ang ginang nang marinig ang mga salitang ‘yun mula sa kaniyang anak. Sinisisi niya ang sarili dahil hindi niya naibibigay ang mga bagay na gusto nito. Kung mabibigyan lang siya ng pagkakataon ay handa siyang gawin ang lahat mapasaya niya lang ang kaniyang anak.

Makalipas ang ilang araw ay naging madalang na ang pagkikita ng mag-ina. Sa tuwing gigising si Carol sa umaga ay wala na si Aling Conchita. Ang almusal at baong pera na lang niya ang makikita niya sa lamesa.

Isang araw ay kasama ni Carol ang barkada niya sa bahay nila. Tahimik lang ang dalaga at ‘di kumikibo.

“Carol, pupunta ka ba mamaya?” tanong ng kaibigan ng dalaga. “Hoy, Carol, okay ka lang?” tanong ulit nito.

“Ha? Bakit? Anong sabi mo?” naguguluhang tanong ni Carol.

“Sasama ka ba mamaya? Welcome party para sa mga bagong miyembro na gaya mo,” paliwanag ng isa pang kabarkada ng dalaga.

Umiling lang si Carol sa kaibigan ngunit bakas sa mukha nito ang pagkadismaya.

Kinagabihan ay maagang humiga si Carol sa kama para sana matulog. Hindi niya alam kung bakit kakaiba ang nararamdaman niya. Hindi siya mapakali kaya bumangon siya at kumuha ng tubig sa kusina.

Laking gulat niya nang makitang niyang may nakasabit na pulang bestida sa sala. Tuwang-tuwa siya kaya’t sinukat niya ito agad.

“Ang ganda! Bagay na bagay sa akin! Lalo akong gumanda,” masayang pagpuri ni Carol sa sarli.

Naglagay ang dalaga ng kolorete sa mukha at pulang lipstick sa labi. Agad siyang nagpasundo sa kaibigan at sumunod sa party. Kagaya ng inaasahan lahat ng nandoon ay fraternity members.

“Carol, buti humabol ka!” masayang bati ng kaibigan ng dalaga.

“O, ikaw na ang susunod!” saad ng ka-frat ni Carol sabay hagis ng isang kahoy sa dalaga.

“Para saan ‘to?” nagtatakang usisa ni Carol. “Kailangan masubukan ang tapang mo bago ka tuluyang mapabilang sa samahan,” paliwanag ng isang miyembro ng frat.

“Sa papaanong paraan?” inosenteng tanong ng dalaga.

Itunuro ng mga miyembro ng frat kay Carol ang isang sako na nakasabit sa gitna ng silid. Malayo pa lang pero nahihinuha na ng dalaga na may tao sa loob ng sako.

“Sige na. Hampasin mo na!”

“Go, Carol! Dali!”

Sunud-sunod ang sigaw ng mga kapwa miyembero ng samahan. Pinipilit nila si Carol na gawin ang isang bagay na pamantayan nila sa mga bagong miyembro ng grupo pero nakapokus lang si Carol sa sako.

Kahit naaawa ang dalaga para sa taong nakasilid sa loob alam niyang kailangan niyang gawin ang ipinag-uutos sa kaniya para maipamalas ang tapang niya sa harap ng mga kabarkada niya. Dahil sa impluwensya ng alak at mga kaibigan ay nagawa ni Carol ang bagay na iyon. Hinampas niya ng buong lakas ang sako. Nagsigawan ang mga kabarkada niya bilang pagpapakita ng suporta sa kaniya.

Pagkatapos ng mahabang gabi ay umuwi na si Carol sa bahay nila. Didiretso na sana siya sa kwarto niya nang mapansin niyang bukas pa ang ilaw sa kusina kaya naisipan niyang sumilip dito.

Natigilan si Carol nang makita ang kalagayan ng nanay niya. Puno ng pasa, galos at sugat ang buong katawan nito.

Mas lalong bumigat ang pakiramdam ng dalaga nang makita niya ang sakong nakasabit sa dingding nila. Tuluy-tuloy na nagbagsakan ang mga luha niya.

Kahit na puro pasa ang mukha ay malapad na ngiti pa rin ang isinalubong ni Aling Conchita sa anak.

“Anak, bagay na bagay sa’yo ‘yang bestida mong pula,” puno ng paghangang sambit ni Aling Conchita sa dalaga.

Hindi makapagsalita si Carol. Hiyang-hiya siya sa nanay niya. Doon niya napagtanto ang mga kasalanan niya. Napagtanto niya ang mga sakripisyong ginawa ng nanay niya para sa kaniya.

Kapalit ng perang pinambili ng bestidang pula ay ang kasunduan na isisilid sa loob ng sako si Aling Conchita at gagamitin bilang props sa gagawing ritmo ng samahan. ‘Di na inalintana ng ginang ang posibleng mangyari sa kaniya basta mabili lang ang pulang bestida para sa anak para mapasaya niya ito kahit papaano.

Humagulgol si Carol habang yakap-yakap ang nanay niya.

“Tahan na, anak. Lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita.”

“Patawad, nay. Hindi ko po alam na aabot sa ganito ang lahat. Patawarin niyo po sana ako. Hindi ko sinasadya, nay,” lumuluhang paghingi ng paumanhin ni Carol sa kaniyang ina.

Sinuklian na lamang ni Aling Conchita ng mahigpit na yakap at madiing halik sa noo ang anak. “Mahal na mahal ka ni nanay. Patawad kung ito lang ang buhay na kaya kong ibigay sa’yo, anak.”

Simula noon ay nagbago na si Carol. Nakatatak na sa puso’t isipan niya na ang pagmamahal at kalinga ng isang ina kailanma’y hindi mapapantayan ng mga kabarkada at kaibigan. Pinagbuti niya ang kaniyang pag-aaral at ginawang inspirasyon ang kaniyang ina upang makatapos. Pinilit niyang ibangon at baguhin ang sarili para mabigyan ng magandang buhay ang nanay na kumakalinga at nagmamahal sa kaniya ng lubos.

Advertisement