Inday TrendingInday Trending
Nakipaghiwalay Siya sa Nobyo dahil sa Nagawa Nito; Makalipas ang Ilang Taon ay Nasaksihan Niya kung Paano Ito Bawian ng Tadhana

Nakipaghiwalay Siya sa Nobyo dahil sa Nagawa Nito; Makalipas ang Ilang Taon ay Nasaksihan Niya kung Paano Ito Bawian ng Tadhana

“Mau, kumusta naman kayo ni Nelson?”

Hindi agad nakasagot si Maureen. Dati-rati, sa tuwing tinatanong siya ng mga kaibigan niya tungkol sa kaniyang boyfriend ay sabik siyang magkuwento. Ngayon ay wala siyang maisagot dahil literal na walang nangyayari sa kanilang relasyon.

Palagi kasing wala ang nobyo, isang beses sa isang buwan na lamang kung magkita sila. Sa tuwing sinusubukan niya naman na makipag-usap dito ay ito ang umiiwas at ang palaging nagdadahilan.

“Busy ako. Sa susunod na lang tayo mag-usap.” Iyon ang sinabi nito nang huling beses na yayain niya ito.

Kahit na sumasama ang kaniyang loob dahil wala itong oras sa kaniya ay iniintindi niya pa rin ito. Mahirap ang buhay kolehiyo. Umaasa na lamang siya sa pangako nitong babawi ito sa kaniya.

“Wala, ayos naman kami. Medyo abala lang,” sagot niya sa kaibigan.

Tinupad naman ni Nelson ang pangako niya dahil umuwi nga ito mula sa unibersidad kung saan ito nag-aaral.

Akala niya ay magiging masaya siya sa pag-uwi nito ngunit nadismaya siya nang mapansing mas lalo lang itong dumistansiya.

Napakalamig ng pagtrato nito sa kaniya at halos iwasan ang kaniyang mga tanong. Hindi mapuknat ang tingin nito mula sa cellphone na hawak nito.

“Sinong ka-text mo? Kanina ka pa riyan,” puna niya rito.

Pilit niyang sinilip ang cellphone nito na dati naman na niyang ginagawa ngunit nagulat siya nang mabilis na tumayo ito at lumayo sa kaniya.

“Ano ba, Maureen? Bakit mo tinitingnan? Wala bang halaga ang privacy ko sa’yo?” asik nito.

Wala siyang ideya kung bakit ganoon na lamang kung mag-react ang nobyo. Hindi niya iyon inaasahan lalo pa at matagal na sila at normal na sa kanila iyon. Minsan nga ay naghihiraman pa sila ng cellphone.

“Bakit ka nagagalit? Gusto ko lang naman malaman kung sino ‘yan,” depensa niya.

“Kaibigan ko lang ‘to,” iritado nitong sagot.

Kumunot naman ang kaniyang noo. “Sinong kaibigan?”

Halos kilala kasi nila ang kaibigan ng isa’t isa dahil ayaw nila na may sikreto silang itinatago sa isa’t-isa.

Nag-iwas ito ng tingin sa kaniya bago sumagot. “Wala, bago lang. Hindi mo kilala. Sa susunod, ‘wag mo nang pakialaman cellphone ko. Hindi ko na rin pakikialaman ang sa’yo.” Para bata siyang pinangaralan nito.

Napa-buntong hininga na lang siya bago tumango. Marahil ay marami lang itong iniisip.

“Okay, sorry na,” sumusukong sagot niya. Ang pinakaayaw niya sa lahat ay ang nag-aaway sila lalo pa’t napakahirap nitong suyuin.

Simula’t sapul ay ganoon na ang ang relasyon nila. Madalas silang mag-away ngunit sa huli, kahit ito ang mali ay siya ang nagso-sorry dahil mataas ang pride nito.

Mahal niya ito at mas mahalaga ito sa pride niya. Iyon ang laging katwiran niya.

“Date tayo bukas. Babawi ko sa’yo,” isang araw ay yaya nito.

Dahil sobrang excited ay bumili pa siya ng magandang damit para naman mas mukha siyang presentable lalo na at alam niyang matatagalan na naman bago maulit ang date nila.

Subalit agad na napalitan ng lungkot ang pagkasabik niya nang mapansin niya si Nelson na panay ang dutdot sa cellphone nito. Minsan ay hindi nito napapansin na nakangiti na pala ito.

Parang may pumupunit sa kaniyang puso dahil sa kawalan nito ng atensiyon sa kaniya ngunit hindi na siya nagtanong pa dahil baka mauwi lang sa sila sa pag-aaway.

Ayaw niyang masira ang espesyal nilang araw.

“Naku, sorry, Sir!”

Nagulat siya nang biglang mapatayo si Nelson. Aksidenteng natapon kasi ng waiter ang tubig sa pantalon nito.

Inilabas nito ang cellphone at ipinatong sa mesa bago ito nagpaalam na magbabanyo.

Ipinagpatuloy niya ang pagkain. Maya maya ay tumunog ang cellphone ni Nelson. Hindi niya pinansin iyon agad ngunit nang tumunog iyon sa ikalawang pagkakataon ay tiningnan na niya iyon dala ng kuryosidad.

Nakita niyang ang dalawang mensahe ay pawang nagmula sa isang nagngangalang “Irene.”

“Miss na rin kita. Kailan ka ba uuwi?”

“Nasabi mo na ba sa Mama mo ang tungkol sa atin?”

Magbabasa pa sana siya ng iba ngunit iba na ang password nito kaya minabuti niya na lang na kunin ang numero ng ka-text nito.

Mabilis ang tibok ng kaniyang puso lalo pa’t kalalapag niya lang ng cellphone nang lumabas ito mula sa banyo ang nobyo. Ngumiti siya dito at nagpanggap na walang nangyari kahit tila may pumipiga sa kaniyang puso.

“Gusto ko lang na kumpirmahin. Kung mali ba ang hinala ko na niloloko niya ako o hindi,” sa isip isip niya.

Nang makauwi siya at agad siyang nagtipa ng mensahe para kay Irene.

Nagpapakilalang siyang nobya ni Nelson at tinanong niya rito kung ano ba ang relasyon nito sa kaniyang kasintahan.

Kahit na may ideya na siya sa ay para pa rin siyang pinagbagsakan ng langit at lupa nang makumpirma niya ang hinala. Ang sabi kasi ni Irene ay boyfriend nito si Nelson. Hindi pala siya nag-iisa.

Tinawagan siya nito at ayon dito ay wala talaga itong alam, kagaya niya.

“Hindi mo kasalanan. Naiintindihan ko dahil pareho tayong biktima ngunit magiging kasalanan kung hahayaan lang natin siya na gawin ito sa atin,” wika niya sa babae nang humingi ito ng pasensiya.

Ang sabi ng kaniyang ina, sa lahat ng pagkakataon dapat niyang unahin ang sarili. Kaya naman nag-desisyon siya na makipaghiwalay kay Nelson kahit na mahal na mahal niya ito.

Nang kinompronta niya si Nelson ay agad itong humingi ng tawad. Mahal pa rin daw siya nito at magbabago na daw ito ngunit alam niyang huli na para doon.

“‘Wag na ‘wag mo na itong uulitin sa susunod na babaeng dadating sa buhay mo,” malamig na payo niya dito bago niya ito tuluyang iniwan.

Pinutol niya ang lahat ng koneksiyon rito kahit na nakapanghihinayang ang ilang taon nilang relasyon.

Ang maganda lamang na dulot ng masakit na pangyayari na iyon sa buhay niya ay nagkaroon siya ng isa pang kaibigan na susuporta sa kaniya sa lahat ng oras sa katauhan ni Irene.

Hindi man maganda ang rason kung paano sila nagkakilala, ay naging malapit sila sa isa’t isa at pareho silang natuto sa nangyari.

Hindi siya nagkaroon ng nobyo nang matagal na panahon dahil mas minabuti niya na lamang na pagtuunan ng pansin ang pag-aaral.

Makalipas ang pitong taon ay nakatapos siya ng kolehiyo at naging isa nang ganap na doktor.

“Dok, may problema po ba sa anak ko?” tanong ng nanay ng kaniyang batang pasyente.

“Hindi maganda ang lagay ng bata. Hindi match ang dugo niyong mag-ina kaya kailangan nating humanap ng ibang donor. May alam ka ba?” paliwanag niya sa babae.

“Ang asawa ko po. Papunta na siya ngayon. Maraming salamat, Dok.”

Maya-maya ay pumasok ang isang lalaki na nahulaan niyang ang ama ng bata.

“Maureen!” gulat na sambit nito.

Nagulat siya nang mamukhaan ang lalaki, na walang iba kundi ang dati niyang nobyo na si Nelson!

Walong taong gulang na ang batang pasyente kaya nakumpirma niyang hindi lang pala sila ni Irene ang niloko nito. Pagak siyang natawa bago napailing.

Habang pinapanood niya itong patahanin ang anak ay mas lalo siyang nakumbinsi na tama nga ang kaniyang desisyon na iwan noon. Bukod pala kasi sa may ibang babae ito, nakabuntis pa ang walang hiya!

“Dok, hindi pa rin match ang dugo ni Sir sa pasyente,” maya maya ay pagbabalita ng nurse.

Nagulat siya. Imposible iyon kung ito talaga ang ama ng bata! Nanlalaki ang matang binigyan niya ng makahulugang tingin ang ina ng bata.

Galit na galit naman si Nelson nang maunawaan ang nangyayari.

“Sabihin mo sa akin, sino ang tatay ni Kira?” bulyaw nito sa noon ay umiiyak na na asawa.

Sa nangangatal na boses ay sumagot ang babae. “S-si Jack! Sorry! Hindi namin sinasadya!”

Mas nagulat naman si Maureen si sinabi ng babae. Kilala niya si Jack dahil bestfriend ito ni Nelson.

“Put@ngina naman! Bakit bestfriend ko pa?” Umiiyak na si Nelson. Hindi maikakailang nasaktan ito nang lubos sa natuklasan.

Walang nagawa ang asawa ni Nelson kundi tawagan ang tunay na ama ng anak nito. Sa buong proseso ng paggamot niya sa anak ng mga ito ay tulala lamang sa isang tabi si Nelson.

Nakaligtas sa panganib ang bata ngunit alam ni Maureen na durog na durog ang puso ng dating kasintahan.

Nang lapitan niya ito ay isang mapait na ngiti ang ibinigay nito sa kaniya.

“Sorry sa nagawa ko sa’yo noon, Maureen. Hindi ko alam na ganito pala kasakit,” malungkot na wika nito.

Napabuntong hininga na lamang siya bago marahang tinapik sa balikat si Nelson.

Ngayon ay sigurado siyang alam na nito kung ano ang pakiramdam ng pagtaksilan kagaya ng ipinaramdam nito noon sa kaniya.

Hindi na siya ang kailangan na gumanti dahil tadhana na mismo ang gumawa noon para sa kaniya.

Totoo nga na kung anong ginawa mo sa kapwa mo ay babalik at babalik sa’yo.

Advertisement