
Nais ng Nobyang Magmahal Muli ang Nobyo Kapag Siya’y Nawala na; Gaano ba Kadali ang Hinihingi Nito sa Kaniya
“Meron akong stage two leukemia, Marlon,” humihikbing wika ni Alicia sa nobyong si Marlon. “Natatakot ako. Paano kung hindi ko kayanin? Paano kung mam@tay ako nang maaga?”
Niyakap ni Marlon ang natatakot na nobya. Hindi niya alam kung paano pagagaanin ang bigat na nararamdaman nito. Kung natatakot ito’y mas natatakot siya para dito. Hindi niya kakayanin kapag nawala sa kaniya ang dalaga.
“Kakayanin nating labanan ang sakit mo, Alicia,” aniya.
Makalipas ang anim na buwan. Ang stage two leukemia nito ay agad na umakyat sa stage three. Malaki na ang pagbabago ng nobya. Ang dating malusog nitong pangangatawan, ngayon ay nangangayayat na. Ang dating masayahing si Alicia, ngayon ay matamlay at nanghihina na.
“Nahihirapan na ako, Marlon,” nakangiting wika ni Alicia, ngunit nababanaag sa mga mata nito ang labis na paghihirap. “Ginagawa ko naman ang lahat para labanan ang sakit ko.
Kaso ayaw makisama ng katawan ko. Gustong-gusto kong mabuhay para sa’yo at para sa pamilya ko, Marlon. Ayokong isipin na isang araw ay iiwanan ko kayo,” ani Alicia. Hindi ito umiiyak, ngunit halata ang hirap sa boses.
“Hindi ka pwedeng mama*tay, Alicia. ‘Di ba nangako ka na hindi mo ako iiwan. Alam kong malalagpasan natin ang pagsubok na ‘to. Gagaling ka. Alam kong gagaling ka,” ani Marlon. Pinipilit patatagin ang loob ng nobyang pinanghihinaan na ng loob.
Umangat ang kamay ni Alicia, patungo sa pisngi ni Marlon. Marahan nitong dinama ang pisngi ng nobyo at malamlam na tinitigan diretso sa mga mata. “Marlon, mangako kang hindi ka mapapagod magmahal. Gusto ko kahit wala na ako’y magmamahal ka pa rin, hindi man para sa’kin, kung ‘di para sa’yo. Para sumaya ka, kahit wala na ako.”
Hindi na napigilan ni Marlon ang pagtulo ng mga luha. “Hindi ko alam kung paano magsisimula ulit kapag nawala ka, Alicia.” Humihikbing niyakap ni Marlon si Alicia. “Hindi madaling kalimutan ang pagmamahal ko sa’yo. Labing limang taon kitang nakasama, tapos sa isang iglap lang bigla kang mawawala sa’kin. Hindi ko alam kung kakayanin ko pa bang magmahal ulit.”
“Patawarin mo ako, Marlon, kung kinakailangan kong mauna sa piling ng Panginoon. Hindi ko rin gustong iwanan ka. Ayokong nakikita kang nahihirapan, pero wala akong magawa. Nararamdaman kong nanghihina na ako, pilitin ko mang lumaban.
Ayokong iwan ka, pero nararamdaman kong malapit ng dumating ang araw na iyon. Kung hawak ko lang sana ang buhay ko’y hinding-hindi ako magpapaalam sa’yo. Mahal na mahal kita, Marlon. Pero ayokong magdusa ka nang dahil sa’kin.
Gusto ko na kapag nawala ako, buksan mo ulit ang puso mo para sa panibagong pagmamahal. Ayokong magsawa kang magmahal. Ayokong madala kang magmahal ng dahil sa’kin. Hindi ko na kayang ipadama sa’yo ang pagmamahal ko, kapag nama*tay ako. Gusto kong magmahal ka ulit, para sumaya ka ulit. Kahit wala na ako,” umiiyak na bilin ni Alicia sa nobyo.
“Alicia,” humahagulhol na sambit ni Marlon.
“Ipangako mo iyan, Marlon. Matatahimik lang ang kaluluwa ko kapag nakita kitang naging masaya ulit,” tumatangis na wika ni Alicia.
“Hindi ko kaya,” humahagulhol at naiiling na wika ni Marlon. “P-pero, susubukan ko. Kahit ang hirap-hirap,” tumatangis silang pareho saka nagyakapan.
Gusto man nilang kwestyunin ang Panginoong may likha, kung bakit si Alicia pa? Bakit kailangan si Alicia pa ang nakakaranas ng hirap na ganito. Marami namang masasamang tao sa mundo. Pero sa pagtatapos ng araw ay naiisip rin nilang dalawa na may dahilan at plano ang Panginoon para sa kanila.
Makalipas ang apat na buwang pakikipaglaban ni Alicia sa sakit na leukemia, ay tuluyan na itong namaalam sa kanila. Sobrang sakit! Ngunit sa kabila ng sakit sa pagkawala ni Alicia, ay dahan-dahan na ring tinanggap ni Marlon at ng pamilya ni Alicia ang pagpanaw nito. Nasa mabuting kamay ni si Alicia at wala na itong nararamdamang sakit at paghihirap sa piling ng Panginoon.
“Alicia, naririnig mo ako?” Kausap ni Marlon sa puntod ng nobya. “Masakit pa rin ang pagkawala mo. Namimiss na kita ng sobra-sobra. Kung pagbibigyan lang ng kahit isang minuto para makita ka’y gagawin ko ang lahat, makita ka lang. Magiging masaya rin ako, Alicia.
Huwag mo lang akong madaliin, dahil sa ngayon ang sakit-sakit pa talaga. Tandaan mo na palagi kang naririto sa puso ko. Darating man ang araw na magmamahal ako ulit, mananatili pa rin ang pwesto mo dito sa puso ko, mahal kong Alicia,” humihikbing wika ni Marlon.
Isa sa pinakamasakit sa pag-iibigan ay iyong kinailangan niyong maghiwalay dahil kailangan na niyang bumalik sa piling ng Maykapal. Kahit ayaw mong bumitaw ay wala kang magawa.
Alam ni Marlon na maghihilom din ang sugat na nararanasan ng kaniyang puso dahil sa pagkawala ng taong mahal niya. Kung gaano man iyon katagal ay hindi niya alam. Isa lang ang sigurado siya. Maghilom man ang sakit, mananatili naman ang pagmamahal at ang mga magagandang alaala nilang dalawa ni Alicia.