
Siya na nga Itong Nagmagandang Loob, Siya pa ang Lumabas na Masama; Sinayang Lamang ang mga Ipinamigay Niyang Donasyon
Abala ngayon si Zaira sa pamimigay ng mga ayudang kaniyang pinaghirapang pag-ipunan upang makapagbigay sa mga kababayang labis na naapektuhan sa mga sakunang nangyayari sa bansa at sa buong mundo. Bilang pamasko sa mga ito’y nag-repack siya ng limang kilong bigas, at sinamahan niya na rin ng noodles, sardinas, alcohol at iba pa.
“Maraming salamat po ma’am,” masayang wika ng isang ale na sa kaniyang tantiya’y nasa edad singkwenta.
“Walang anuman po nanay,” masayang tugon ni Zaira.
Patuloy pa rin siya sa pamimigay ng may lumapit sa kaniya. Isa sa mga staff sa Barangay na sumama sa kaniya upang tulungan siya sa pamamahagi ng mga nais niyang ibigay.
“Itigil na muna natin ang pamimigay, Ma’am Zaira,” anito.
“H-ha? Bakit naman?”
“May nakapagsabi sa’kin na ang mga pinamimigay natin ay nandoon lamang sa may kalsada, nakakalat at nasasayang. Hindi pa alam kung sino ang may gawa,” wika nito na labis ikina-dismaya ni Zaira.
“Saan daw banda? Maaari ba nating puntahan?” Aniya. Nais niyang makita at masigurado kung totoo ba ang report na sinayang lamang ng mga residente sa lugar na iyon ang ayudang kaniyang ibinigay.
Sinamahan naman siya ng ibang staff sa Barangay upang puntahan ang ni-report na lugar. Labis naman siyang na dismaya nang makitang totoo nga ang report. Animo’y isang basura ang bigas na nagkalat sa daan, kasama ng noodles at mga de latang nayupi na ang iba, malamang nasagasaan na ng mga sasakyang nagdaraan.
“Ang babastos naman nila,” dismayadong sambit ni Ella, isa sa staff na sumama kay Zaira. “Kung ayaw nila sa ibinigay na ayuda, sana hindi na lang nila kinuha. May ibang taong mas nangangailangan pa,” dugtong nito.
Nais umiyak ni Zaira sa nakitang pagkakalat. Pinaghirapan niya ang perang ipinambili ng mga ayudang iyon. Ginawa niya iyon upang kahit papaano’y makatulong sa ibang tao. Pero bakit naman ganito ang ginawa? Animo’y isang walang kwenta ang ibinigay niya, para ikalat iyon sa ginta ng kalsada.
“May nakakita ba sa mga taong gumawa nito?” Mahinahong tanong ni Zair, kahit na ang totoo’y nais na niyang magwala sa emosyong rumaragasa ngayon sa kaniyang puso.
“Opo ma’am. Sa katunayan ay dinala na po sila ngayon sa Barangay Hall,” ani Robert, isang tanod.
“Maaari ba natin silang puntahan?”
Nang marating ang Barangay Hall ay agad niyang nakita ang limang taong nag-walang hiya sa mga binigay niya.
“Bakit niyo naman ginawa ang bagay na iyon sa mga ipinamigay ko? Pwede niyo namang huwag kunin, may mabibigyan pa sana no’n. Hindi iyong kinalat niyo sa gitna ng kalsada at sinayang ang ibinigay ko. Hindi niyo ba alam na pinaghirapan ko iyon?” Mahinahon ngunit puno ng hinanakit na wika ni Zaira.
“NFA naman kasi ang bigas na binigay niyo ma’am. Hindi naman iyon ang bigas na kinakain namin,” nakaismid na wika ng babaeng nasa edad kwarenta.
“Saka noodles lang at de lata. Jusko! Pagkain lang po ng aso namin ang binigay ninyo,” segunda pa ng babaeng nasa edad trenta.
“Kapal ng mukha ah!” Hindi mapigilang wika ni Chairman Arnold. “Hindi niyo naman pala gusto iyong ibinigay sa inyo. Bakit pa kayo nagpunta roon at tinaggap ang ipinamimigay nila?
Ang yayaman niyo naman pala bakit nag-aksaya pa kayo ng panahong pumila sa mga mahihirap na nagpapasalamat sa ayudang ibinigay ni Ma’am Zaira?!” Naiinis na wika ng kapitan.
“Kaya nga! Rich kid naman pala kayo e. Hindi naman kayo pinilit ni Ma’am Zaira, kaya bakit nag-aksaya pa kayo ng panahon niyong makipagsiksikan sa mga mahihirap kanina. Nahiya naman ang balat namin sa inyo! Kung may kaso lang ang ginawa niyo’y kami na mismo ang magsasampa sa inyo, para makulong kayo. Tignan natin kung makakapili pa ba kayo ng pagkain sa kulungan!” Nanggigigil na wika ni Ella.
Hindi na nasisagutan ang lima. Nanatili na lamang nakayuko ang mga ito. Tila nahihiya sa ginawang kabalbalan kanina.
“Alam niyo bang ilang buwan kong pinaghirapang ipunin ang perang ipinang-bili ko sa mga ibinigay ko sa inyo. Dugo at pawis ang kinayod ko makapamahagi lamang ng biyaya sa ibang tao, tapos basta-basta niyo na lang sinayang.
Dinadala niyo ako e. Parang nais niyong iparating sa’kin na tumigil na lamang ako sa pagbibigay ng tulong sa mga taong nangangailangan. At sa totoo lang, bigla akong nadala sa pagtulong. Kasi ako na nga itong may mabuting intensyon ako pa ‘yong tila lumalabas na masama.
Pero naisip kong, bukod sa inyo’y mas marami akong napasaya at natulungan dahil sa ginawa ko. Lima lamang kayo, mas marami pa rin ang naka-appreciate sa ginawa ko.
Kaya hindi ako madadalang tumulong dahil lamang sa mga taong kagaya niyo ng pang-iisip. God bless sa inyong lima. Sana biyayaan kayo ng Diyos Ama,” ani Zaira, saka umalis sa Barangay upang ipagpatuloy ang naudlot na pamimigay.
Kung ayaw niyo huwag niyong tanggapin. May mas nangangailangang karapat-dapat na mabigyan ng biyayang tinanggihan mo. Huwag magsayang ng biyaya, lalo na kung nanggaling sa puso ang ibinigay nito.