
Sinubukan ng Mag-Inang Humingi ng Tulong sa Taong Dating Mahirap na Ngayon ay Mayaman na; Ito ang Napala Nila
“Anong sakit ni Annie?” Nahihintakutang wika ni Albert nang isang araw ay binisita siya ng mag-inang Samantha at Herbert. Si Herbert ang kaniyang kababatang kaibigan. Si Aleng Samantha naman ang ina nito at kapatid nito si Annie.
“May malubha siyang sakit p’re. Kailangan niyang ma-operahan, bago pa man lumala,” nahihirapang wika ni Herbert.
“Magkano ba ang kailangan ng operasyon niya?” Tanong ni Albert.
“Kulang-kulang isang milyon p’re,” nahihiyang wika ni Herbert.
“Sige. Pa-operahan niyo na si Annie. Ako na ang bahala sa babayaran niyo,” walang pagdadalawang-isip na wika ni Albert. Labis namang nagulat ang mag-inang si Samantha at Herbert sa agad na pagpayag ng lalaki.
Kinabukasan ay personal na nagpunta si Albert sa Ospital upang kausapin ang mga doktor at nurses na magsasagawa ng operasyon ni Annie.
“Magiging maayos na po si Annie, Aleng Samantha. Pagtapos ng operasyong ito’y babalik na sa normal ang buhay niya,” nakangiting wika ni Albert sa aleng matagal nilang naging kapitbahay sa may Payatas.
“Albert, maraming-maraming salamat sa ginawa mong pagtulong sa’min. Napaka-laking bagay nito sa’min,” masayang wika ni Aleng Samantha.
“Maliit na bagay lamang po ang ginawa ko, Aleng Samantha, sino-sino rin po ba nag dapat na magtulungan kung ‘di tayo-tayo lang rin naman. Ang mahalaga’y matapos na ang paghihirap na nararanasan ngayon ng anak niyong si Annie,” ani Albert.
“Tama ka, anak. Pero hindi ko inaasahan na sa oras na lalapit kami sa’yo ay agad kang papayag at hindi nagdalawang-isip na tulungan kami,” mangiyak-ngiyak na wika ni Aleng Samantha. “Noong sinabi ni Herbert na lapitan ka namin ay nagdalawang isip ako. Baka kami’y mabigo lamang at baka hindi mo na kami lingunin pa.
Matagal ka nang naka-ahon sa kahirapang kinasadlakan mo noon at sa’king palagay ay ayaw mo na ring balikan ang bagay na iyon sa iyong buhay. Pero nagkamali pala ako, Albert. Dahil tama ang anak kong si Herbert na ikaw ang taong hindi nakakalimot,” dugtong pa nito.
“Bakit naman po ako magbabago, Aleng Samantha?”
“Siyempre, mayaman ka na’t milyonaryo na. Lahat ng bagay na gustuhin mo’y mabibili mo na sa’yong pera. Hindi mo na nararanasan ang mga nararanasan mo noon. Walang dahilan upang tulungan kami. Hindi naman tayo magkaano-ano at masyadong malaki ang hinihingi namin sa’yo. Kaya ang buong akala ko talaga’y mabibigo lamang kami noon ni Herbert. Pero salamat, anak, at hindi mo kami binigo,” ani Aleng Samantha.
“Malabong mangyari ang magbago ako,” mapait na ngumiti si Albert. “Ako po’y nagsimula sa isang kahig, isang tuka, Aleng Samantha. Kung walang kakahigin ay wala kaming tutukain. Yumaman ako dahil sa pagsisikap ko sa buhay. Hindi rin naging madali ang mundo para sa’kin.
Ilang bugbog muna ang natamo ko bago ko narating ang estado ng buhay ko ngayon. Pero kahit nandito na ako sa tuktok ay hindi ko pa rin mapigilang hindi lingunin ang buhay na pinagmulan ko. Kasi alam ko ang pakiramdam kung paanong maging mahirap,” naiiyak na kwento ni Albert.
“Kapag may taong nanghihingi sa’kin ng pagkain ay hindi ko mapigilang hindi bigyan ang taong iyon. Kasi alam ko ang pakiramdam kung paano magutom, kasi wala kang pambili ng pagkain. Kapag may nanghingi ng tulong kasi wala silang pambiling gamot o pang-opera, naiiyak ako at hindi ko kayang tanggihan.
Kasi alam ko ang pakiramdam ng pagiging desperado at wala kang ibang matakbuhan. Nagbago man ang takbo ng buhay ko’y hindi naman nagbago ang puso ko para sa mga mahihirap. Kasi kailanman ay hindi mabubura ang karanasan ko sa tagpong iyon ng buhay ko.”
“Salamat Albert, anak at hindi ka nagbago. Kung hindi dahil sa’yo ay hindi ko na rin alam kung kanino pa kami tatakbo at hihingi ng tulong para maoperahan si Annie. Sana Albert ay huwag kang magbabago at sana’y pagpalain ka pa lalo ng Diyos Ama, dahil sa iyong kabutihan,” humihikbing wika ni Aleng Samantha.
“Sana nga po Aleng Samantha. Sana pagpalain pa ako ng Diyos upang mas marami pa akong matulungan na mga kagaya ninyo. Ang pera at yaman na meron ako ngayon sa mundong ito’y hindi ko naman madadala kapag ako’y nama*tay na. Iiwan kong iyan lahat dito sa lupa.
Pero iyong saya, ngiti at tuwang naparanas ko sa iba’y palagi kong dadalhin iyon sa’king ala-ala, kahit ako’y namayapa na. Masaya ako sa t’wing nakikita kong masaya ang taong natutulungan ko. Pakiramdam ko’y iyon ang misyon ko sa buhay kaya biniyayaan ako ng Diyos Ama.
Kaya huwag niyo pong iisipin, Aleng Samantha, na por que ang isang Bangaw ay nakadapo sa ibabaw ng Baka, ay hindi na lilipad pabalik sa pinanggalingan niya. Marami pa rin pong taong kagaya ko na handang tumulong na walang inaasahang kapalit,” mahabang wika ni Albert.
Niyakap naman siya ni Aleng Samantha at taos pusong nagpasalamat. Tunay na mahirap talagang maging mahirap. Kapag alam mo ang pakiramdam, mas maiintindihan mo ang mga mahihirap.