
Labis na Nag-iipon ang Dalaga Para Makapagparetoke; Isang Halik Mula sa Gwapong Binata ang Makapagpapabago sa Pananaw Niya
“Diana, bakit mo ba kasi pinap@t*y ‘yang sarili mo sa kakatrabaho? Umuwi ka muna rito sa atin at magbakasyon, ano ba ‘yung umuwi ka man lang sa kaarawan ni mama,” saad ni Lissy sa telepono, panganay na kapatid ng babae.
“Sayang ang pera kung uuwi pa ako. Magpapadala na lang ako ng panghanda niyo. Alam mo naman na malaki ang pinag-iipunan ko ‘di ba,” sagot ng dalaga rito.
“Alam mo, ikaw, napakaswerte mo kasi ikaw lang ‘tong nakatapak at nakapagtapos ng kolehiyo at napakatalino mong tao pero sinasayang mo lahat ng pinaghirapan mo riyan sa ibang bansa bilang isang katulong. Tigilan mo na ‘yan, Diana. Saka uunahan na kita, hindi ko minamaliit ang trabaho ng isang kasambahay pero hanggang kailan ka magiging ganyan?” baling ng kaniyang kapatid.
“Kapag maganda na ako! O, ‘di ba kahit anong medalya ang isabit sa leeg ko ay hindi naman iyon ng napapansin ng mga tao kung ‘di ang itsura ko. Pwede ba, ate, huwag naman ngayon. Pagod na pagod na akong ipaliwanag sa inyo na kaya lang naman ako nagtratrabaho ng doble doble rito ay para makaipon kaagad. Isa pa, hindi naman ako yaya na yaya rito, bata naman ang inaalagaan ko. May iba pa rin naman akong trabaho, kaunti na lang at makukumpleto ko na ang ipon ko,” naiiritang sagot ni Diana rito.
“Kalahating milyon ang iniipon mo, Diana, para lang hiwain ‘yang mukha mo! E kung pinang-aral mo ‘yan ng masteral na matagal mo nang pangarap? Kung ipang negosyo mo ‘yan, baka may sariling bahay at lupa ka na ngayon, isa pa hindi ka naman pangit! Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na hindi ka ulikba, hindi ka bakekang, hindi ka pangit! Maganda ka sa sarili mong paraan,” baling na naman muli ni Lissy rito.
Hindi na sumagot pa si Diana at binabaan na lamang ng telepono ang kaniyang kapatid.
Kung may biyaya nga raw sa talino ay napakaraming nasalo ng dalagang si Diana. Simula bata hanggang sa nagtapos ito ng kolehiyo ay sangkaterbang medalya, parangal at pagkilala na ang natangap niya sa larangan ng akademika. Ngunit hindi sumapat ang lahat ng iyon upang matabunan ang isang biyayang hindi nga raw niya natanggap at ito ay ang kagandahan.
May malaki siyang mukha, malaking ilong at putok na labi. Makapal ang kanyang mga kilay na kahit ahitin ay mapapansin pa rin. Ang buhok niya na parang kinuryente kahit ilang rebond na nga raw ang pinagdaanan nito at ang mukha niyang nagkatigyawat, nabutas hanggang sa nagsugat at nag-iwan ng maraming marka na siyang lalo pang nagpababa sa kompyansa ng dalaga.
Kaya nang makapagtapos ng kolehiyo ay kaagad itong nag-abroad. Nariyang may trabaho siya sa opisina, sa pagtuturo ng mga bata o pagiging yaya at ilan pang ibat iba niyang raket kumita lamang ng pera. Iniipon niya ang lahat ng iyon at tiniis ang lahat ng gusto at mga okasyon.
“Alam mo, may punto naman talaga ‘yung kapatid mo. Masyadong malaking pera ang gugugulin mo para ang diyan sa mukhang ‘yan,” wika ni Andres, kaibigan ng dalaga sa abroad.
“Hindi naman mukha ang problema sa’yo, ikaw mismo!” dagdag pa nito.
“Kaya nga ganito ako kasi mukha ko ‘yung problema. Saka pwede ba, pera ko naman ang gagamitin ko, mukha ko naman ang sisirain ko kaya utang na loob lang, ibigay niyo na ‘to sa akin,” pahayag ni Diana.
“Tsaka isa pa, hindi ako magkaka-asawa sa mukhang ito. Tatanda akong uugod-ugod, pinagtatawanan o baka katakutan pa,” mangiyak-ngiyak niyang sabi muli.
“Tandaan mo, ang pagmamahal, hindi ‘yan hinahanap sa ibang tao kung ‘di ikaw mismo ang magbibigay niyan sa sarili mo. Ang ganda-ganda mo, Diana, hindi mo lang siya nakikita sa tamang paraan,” sagot naman ni Andres sa kaniya.
“Tama na, Andres, kinakaawaan mo lang ako. Gusto mo lang gumaan ang loob ko kaya ka ganiyan. Tama na,” luha ng babae.
“Kung sigurado ka na talagang magpa-opera hindi kita pipigilan pero bago pa man ‘yun, gusto ko lang malaman mo na mahal kita. Mahal kita, Diana,” ani Andres sabay hawak sa kamay ng babae.
“Para kang tanga, Andres! Ang lakas mo mangtrip!” inis na sagot ng babae sabay bitiw sa hawak ni Andres sa kaniya. Ngunit masyado itong malakas at mahigpit, hindi siya makawala hanggang sa nahuli na lamang niya ang sarili na naninigas ang kanyang buong katawan nang maramdaman ang labi ni Andres sa kaniyang mga labi.
“Mahal kita, Diana, mahal kita,” bulong ng lalaki sa mismong bibig niya saka siya natauhan at sinampal ang kaibigan.
“Hindi ko kailangan ng awa mo o ng kahit sinong lalaki para lumalakas ulit ang loob ko. Opera ang kailangan ko, Andres, hindi halik!” sigaw niya sa lalaki.
“Anong akala mo sa akin, si Fiona, si Snow White at kung sino pa mang isinumpa na parang isang panaginip at sa isang iglap ay magbabago na ang lahat? Tigilan mo ako,” baling pang muli ng babae at hindi na nagsalita pa si Andres ng ilang minuto.
Tumayo na ito ay kinuha ang mga gamit niya saka nagsalita, “Hindi ko naman sinasabi na tanggapin mo ang pagmamahal ko, gusto ko lang malaman mo na kamahal-mahal ka kahit napakaliit ng tingin mo sa sarili mo ngayon. Ang dami mong talento, biyayang ipinagkaloob sa’yo na wala ang maraming tao pero iisa ang nakikita mo at iyon ay ang kakulangan mo,” saka tuluyang lumabas ang lalaki at naiwan nanlalamig at tulala si Diana saka siya napaluha sa kaniyang nalaman. Matagal nang nagpaparamdaman ang lalaki sa kaniya ngunit hindi niya akalain na totoo ito.
Ngunit lumipas man ang ilang buwan ay tinimbang niyang mabuti ang gusto ng kaniyang puso at pagpaparetoke lamang ang tanging laman nito na siyang kukumpleto para sa kaniyang buong pagkatao kaya naman itinuloy niya ito.
Halos ibang tao na ang nakikita niya sa salamin at aminado siyang mas lumakas ang kaniyang loob at tingin sa sarili. Marami man sigurong nanghihinayang at nasasayang sa desisyon niya sa buhay ay hindi niya ito pinagsisihan dahil sa huli masaya siya at alam niya na ito ang kailangan niya upang mas maging maayos ang sarili.

