Inday TrendingInday Trending
Hindi Niya Pinahahalagahan ang Talento; Hanggang sa Isang Lalaking Putol ang Paa ang Nagbigay sa Kaniya ng Gintong Payo

Hindi Niya Pinahahalagahan ang Talento; Hanggang sa Isang Lalaking Putol ang Paa ang Nagbigay sa Kaniya ng Gintong Payo

“Tapos na ang practice ngayong araw. Umuwi kayo ng maaga at magpahinga dahil maaga pa tayo bukas,” malakas na sigaw ng kanilang Coach Erik.

“Salamat po, Coach!” sabay sabay nilang sigaw bago isa isang nagsipulasan upang makauwi na.

Nanatili namang nakaupo si Ed upang magpahinga.

“Oh, Ed! Bakit nandito ka pa?”

“Coach, nagpapahinga lang po sandali bago umuwi,” paliwanag niya.

“Ang galing ng ipinakita mo ngayong araw. Tiyak na maganda ang simula ng unang taon mo sa grupo,” nakangiting puri nito.

Sinuklian niya ng tipid na ngiti ang lalaki.

Unang taon pa lang niya sa kolehiyo ay sumali na siya sa basketball team sa kanilang eskwelahan.

Maraming nagsasabi sa kaniya na magaling talaga siya sa pagba-basketball.

Totoo naman iyon. Kaso ay hindi siya sigurado kung gusto niya nga ba talaga ang pagba-basketball.

Naglalakad siya papalabas ng eskwelahan nang makasalubong niya ang kasamahan niya sa team na si Aaron.

“Ed! Saan ka? Sabay na tayo,” masiglang yaya nito. Pilit nitong inabot ang balikat niya para akbayan sya ngunit ‘di hamak na mas matangkad siya rito.

Sabay silang napahalakhak.

“Nagtataka ako kung bakit magaling ka mag-basketball pero mukha namang hindi mo naman gusto ang ginagawa mo,” maya maya ay diretsahang wika nito.

Natigilan siya sa sinabi ng kasama saka sumagot.

“Hindi ko naman talaga gusto ang basketball. Pampalipas oras ko lang,” pag-amin niya.

Nakita niyang napatigil sa paglalakad ang kaniyang kasama pero agad din itong humabol sa kaniya.

Nanatili silang tahimik hanggang sa makarating sila sa sakayan.

Nagpatuoy si Ed sa paglalaro sa kanilang team kahit ang totoo ay unti unti nang nawawala ang interes niya.

“Team! Galingan niyo, lalo na ‘yung mga nasa unang taon. Ito ang pagkakataon niyo para pakitaan ang mga kalaban!” malakas na paalala ng kanilang Coach bago magsimula ang laro. Malakas ang hiyawan ng mga nanonood.

Subalit walang nararamdamang kahit na anong pagkasabik si Ed. Sa tingin niya ay walang naglalarong apoy sa kaniyang mga mata, hindi katulad ng kaniyang mga kagrupo.

Gayunpaman, naglaro pa rin siya sa abot ng kaniyang makakaya. Kaya puring puri siya ng kaniyang mga kagrupo lalo na ng kanilang Coach.

“Napakagaling niyong lahat! Lalo ka na, Ed!” masayang pagbati ng kanilang Coach.

Matabang na tinanguan lamang ni Ed ang kanilang Coach pati na rin ang iba niyang kagrupo.

Pauwi na siya nang gabing iyon nang may tumawag sa pangalan niya.

“Ikaw si Ed, hindi ba?”

Nakita niya ang isang lalaking putol ang isang paa nito. Sa tingin niya ay kaedaran ito ng kanilang Coach.

Iniwas niya kaagad ang kaniyang tingin sa binti ng lalaki.

“Ano pong maitutulong ko sa inyo?” takang tanong niya dito.

“Wala naman. Napansin ko lang na magaling ka ngang maglaro. Unang taon mo pa lang ba?” balik tanong ng lalaki.

“Opo,” maiksing tugon niya, kahit na nagtataka pa rin siya kung bakit tila interesado ito sa kaniya.

“Magaling ka. Sana ay ‘wag mong sayangin ang talento mo. Sana makita pa kitang naglalaro ulit. Masaya ako na napanood ka, dahil nakikita ko sa’yo ang sarili ko,” mahabang salaysay ng lalaki.

“Talaga po? Naglalaro din po ba kayo ng basketball?” kuryosong usisa niya.

“Oo. Matagal na panahon ang nakalipas. Huhulaan ko, sumali ka dahil marami nagsabi sa’yo na magaling ka mag-basketball, hindi dahil gusto mo, tama? Hindi ko kasi nakikita sa’yo na gusto mo ‘yung ginagawa mo,” komento nito.

Nanlaki naman ang mata ni Ed. Sa unang pagkakataon ay may nakaintindi sa kaniya.

“Opo! Ganung ganun nga po, paano niyo po nalaman?” namamanghang tanong niya.

“Ganun din kasi ako dati. Ang angas angas ko kasi ako ang pinakamagaling. Pero nung hindi na ako makapagbasketball, hinayang na hinayang ako, kasi napamahal na pala sa akin ang paglalaro,” malungkot na kwento.

“Kaya ikaw, ‘wag na ‘wag mong sasayangin ang talento mo. Marami ang naghahangad na maging kasinggaling mo. Sigurado ako na sa kaibuturan ng puso mo ay nandun ang pagamahal mo sa basketball. Hanapin mo ‘yun,” nakangiting payo nito.

Matagal nang nakaalis ang lalaki ay nagmumuni muni pa rin si Ed. Tama kaya ang sinabi nito?

Sinunod niya ang payo ng lalaki. At unti unti ay nakita niya ang sinasabi nito – masaya na pala siya sa paglalaro.

Mas lalo pa siyang nagkaroon ng inspirasyon nang makikilala niya si Tina at maging nobya niya ito.

Komportable siya kapag kasama niya si Tina, naipapakita niya rito ang mga ugali niyang hindi niya ipinapakita sa iba. Suportado din nito ang paglalaro niya. Sa katunayan, ito ang number 1 fan niya.

“Ed, may ipagtatapat ako sa’yo,” isang araw ay wika ng babae.

Kumabog ang dibdib niya pero hindi siya nagsalita.

“’Di ba sabi mo hindi mo talaga gusto dati ang basketball? Noong una ay hindi ko ‘yun nagustuhan,” pag-amin ni Tina.

“Mayroon akong kapatid na dating naglalaro ng basketball. Pero na-aksidente siya at naputulan ng paa kaya hindi na siya nakapaglaro pa,” patuloy na kwento ni Tina.

“Pero siya ang pinakamagaling na manlalaro na kakilala ko, mas magaling pa sa’yo,” pabirong dagdag pa nito.

“Nalungkot talaga ako dahil doon nang sobra. Ang laki ng naging dulot noon sa buhay niya, pati na rin ng buong pamilya namin.” Nakatingin ito sa malayo, tila nagbabalik tanaw.

“Kaya ikaw, ‘wag mong sasayangin ang talentong regalo sa’yo. ‘Wag mo ring pililitin kung hindi mo naman talaga gusto,” sa huli ay pangaral ni Tina.

Napangiti na lang siya sa sinabi ng nobya. Naalala niya kasi ang sinabi ng lalaking nakausap niya noon. Parehong pareho ang sinabi nito at ni Tina.

Kinakabahan si Ed. Niyaya kasi siya ni Tina sa bahay nito upang doon na maghapunan. Ipapakilala raw siya nito sa mga magulang nito.

“Mama, Papa. Si Ed po, boyfriend ko.”

Laking pasasalamat niya nang makatanggap ng positibong reaksyon sa mga ito.

Kasalukuyang inisa-isa niya ang mga litrato sa sala nina Tina nang makakita ng isang family picture.

Muntikan na niyang maibgasak ang litrato ng makita niya sa litrato ang isang pamilyar na lalaki. Ito ang lalaking nakausap niya noon. Ang lalaking nagsabi na ‘wag niya sayangin ang kaniyang talento!

“Nasaan ang Kuya mo?” iyon agad ang tanong ni Ed sa nobya nang pumunta ito sa sala.

Kasabay noon ay ang pagbukas ng pinto ng isang kwarto at lumabas doon ang lalaki.

“Ed?” gulat na tanong ng Kuya ni Tina.

“Magkakilala kayo ng boyfriend ko?” mulagat na tanong ni Tina.

“Talagang napakaliit ng mundo. Nobyo ka pala ng kapatid ko,” nakangiting wika ng lalaki.

Napangiti naman si Ed. Talaga namang napakaliit ng mundo.

“Naaalala ko po ang sinabi niyo noon. Siguro nga po ay hindi ko pa gusto ang basketball noon. Pero simula nung nagkausap tayo ay napaisip ako. Ngayon po ay masasabi ko na mas pinahahalagahan ko na ang talentong ibinigay sa akin,” kwento ni Ed.

Dahil sa koneksiyon ni Tina sa lalaki ay ito ang nagsilbing tagapayo niya sa karera niya bilang isang basketbolista.

Masayang masaya naman si Ed na makahanap ng nakatatandang kapatid at Coach sa katauhan ng kapatid ng kaniyang nobya.

“Salamat, Ed. Tinupad mo ang pangarap ng kapatid ko,” madamdaming wika ni Tina sa araw ng kanilang kasal.

“Hindi, Tina. Kayo ang dahilan kaya nandito ako sa kinalalagyan ko,” pakli naman ni Ed.

Napagtanto ni Ed na kung minsan ay kailangan natin ng mga taong gagabay sa atin upang makita natin nang mas malinaw ang ating mga pangarap. Maswerte siya dahil nakilala niya ang mga magkapatid sa eksakto at perpektong pagkakataon.

Advertisement