Inday TrendingInday Trending
Masama ang Trato Niya sa Empleyado; Nagulat Siya nang Malaman Kung Sino Ito

Masama ang Trato Niya sa Empleyado; Nagulat Siya nang Malaman Kung Sino Ito

Napabuga si Kyra nang makita ang dokumento na ipinasa ng kaniyang empleyado na si Krista. Ang aga aga ay sinisira nito ang araw niya!

“Krista!”

Humihingal pa ito nang sumungaw ito sa kaniyang opisina.

“Yes, Ms. Kyra, may problema po ba?” alanganing tanong nito.

Salubong ang kilay na pinagsabihan niya ito.

“Ang dami na namang mali rito sa pinasa mo! Tanga tanga ka talaga!” maanghang na sita niya sa babae.

Tila maiiyak naman itong lumapit sa kaniyang lamesa. Walang pagdadalawang-isip na ibinato niya sa mukha nito ang folder.

“S-sorry po, Ms. Kyra. Aayusin ko na lang po,” nanginginig na wika nito bago siya iniwan sa kaniyang opisina.

“Ayusin mo ‘yan kung ayaw mong masisante!” pahabol na sigaw niya sa babae.

Gusot na gusot pa rin ang kaniyang mukha nang tumawag ang kaniyang kasintahan na si Jacob.

“Hello?”

Marahil ay hindi niya naitago ang inis sa kaniyang boses dahil nag-usisa ito.

“Oh, umagang umaga pa lang ay mukhang inis ka na riyan?” malambing na tanong nito.

Kahit iritable ay hindi niya maiwasang mapangiti.

“‘Yung empleyado ko kasi! Tatanga tanga!” sumbong niya agad dito.

“Babe naman, sinabi ko na sa’yo na ‘wag kang magsalita nang ganiyan sa mga empleyado mo, ‘di ba?” malambing na paalala nito.

Halos mapairap siya. Napakabait talaga nito. Kaya ganun na lamang ang pagpipigil niya na magsungit kapag kasama niya ito.

Hindi pa nito nakikita ang tunay na ugali niya. Natatakot na siya na hiwalayan siya nito dahil mahal na mahal niya ang kasintahan.

“Oo na po. Sorry na po,” sumusukong wika niya.

“‘Wag ka sa akin mag-sorry. Dun ka mag-sorry sa tinarayan mo,” natatawang sagot nito.

Nagpatianod na lang siya na sumang-ayon sa sinabi nito. Pero ‘di kailanman na magso-sorry siya sa Krista na ‘yun!

Sa totoo lang, kakaiba si Krista sa lahat. Lagi pa rin itong nakangiti sa kaniya sa kabila ng pagsusungit niya rito.

Naputol ang kaniyang pag-iisip nang muling magsalita ang nobyo sa kabilang linya.

“Basta mamaya, 8 pm sa paborito nating restawran, ha? Ipapakilala kita sa kapatid ko,” muli nitong paalala bago nagpaalam.

Tanghali. Mag-isa siyang kumakain mag-isa sa canteen ng kanilang opisina. Alam niya naman na walang gustong sumabay sa kaniya dahil walang may gusto sa pag-uugali niya.

Tahimik niyang ninanamnam ang pagkain nang mahagip ng kaniyang tainga ang pinagbubulungan ng mga babae sa katabing lamesa.

“Grabe si Ms. Kyra, ano? Wala man lang gustong sumabay sa kaniya sa lunch,” humahagikhik na wika ng isa sa mga babae.

“Oo nga, pero grabe rin kasi ang sama ng ugali niya. Siguro kasi matandang dalaga!” gatong naman ng isa.

Nagpanting ang tainga niya sa narinig. Anong karapatan ng mga itong pag-usapan ang buhay niya? Mga tsismosa!

Napakuyom ang kamao niya. Tiim ang bagang na kinuha nya ang isang basong tubig na hindi niya pa naiinom.

Tumayo siya at nilapitan ang mga babae.

“May gusto ba kayong sabihin sa akin?” taas kilay na tanong niya sa mga ito.

Hintakot naman na napatingin sa kaniya ang mga nagulat na babae.

“M-ms. K-kyra, pinapag-usapan lang po namin kung gaano ka kagaling sa trab–”

Hindi na natapos ng babae ang sinasabi nito dahil ibinuhos niya na dito ang isang baso ng tubig.

Nabobosesan niya ang babae. Ito ang nagsabi na masungit siya dahil matandang dalaga siya.

“Sa susunod ay sabihin niyo sa harap ko ang anumang gusto niyong sabihin,” payo niya bago siya lumayo sa mga ito na tigagal pa rin.

Kalmado ang kaniyang itsura ngunit ang totoo ay nagpupuyos ang kalooban niya. Ang kakapal ng mukha ng mga ito na husgahan siya na para bang kilala siya ng mga ito!

Matigas ang loob niya dahil kinailangan niyang buhayin ang sarili niya. Marami ang taong nanloko sa kaniya, at marami siyang hirap na pinagdaanan upang marating ang kinaroroonan niya. Kaya hindi madali para sa kaniya ang magtiwala at maging malapit sa kung sinuman.

Nasalubong niya si Krista. May pag-aalala sa mukha nito.

“Ms. Kyra, ok lang po–”

“Wala kang pakialam, Krista,” malamig niyang sagot dito.

“Ms. Kyra, hindi niyo naman po kailangang ipahiya ng ganun–”

Hinarap niya ito. Sa bugso ng kaniyang damdamin ay hindi niya napigilan ang kamay na dumapo sa pisngi nito.

Agad na binalot siya ng pagsisisi nang makita niya na may tumulong luha sa mata nito.

Bago pa siya makahingi ng paumanhin ay nagmamadaling tumalikod na ito.

Nang dumating siya sa kaniyang opisina ay napag-alaman niya na umuwi na si Krista.

Maghapon siyang binagabag ng konsensiya. Hindi niya naman sinasadyang pagbuhatan ng kamay si Krista lalo na’t isa ito sa kakaunting nagpapakita ng sinserong pag-aalala sa kaniya sa marami nang pagkakataon.

Nagdesisyon siya na ipagpabukas na ang alalahanin at mag-focus sa date nila ni Jacob.

Naisip niya ang kapatid ng nobyo na ipapakilala nito sa kaniya. Magugustuhan kaya siya nito?

Gusto niya na magustuhan siya ng kapatid nito. Ayon kasi sa nobyo ay ito ang nag-iisa nitong kamag-anak. At mahal na mahal nito ang kapatid.

“Babe!” Sinalubong siya ng nobyo ng isang mahigpit na yakap.

“Nasaan ang kapatid mo?” agad na usisa niya nang mapansing nag-iisa ito.

“Baka na-stuck lang sa mabigat na traffic,” kibit balikat nito.

Masaya silang nagkukwentuhan nang isang pamilyar na boses ang tumawag sa kaniyang nobyo.

“Kuya.”

Namutla siya ng isang pamilyar na mukha ang makita niya. Ang kapatid nito ay walang iba kundi si Krista!

“Krista, siya ang girlfriend ko, si Kyra,” agad na pagpapakilala sa kanila ng nobyo niyang walang kamalay malay.

Katapusan na niya. Sigurado siya na tututol si Krista sa relasyon nila, kaya naman nagulat siya nang isang matamis na ngiti ang ibinigay nito sa kaniya.

“Nice to meet you, Ate Kyra.”

Naguguluhan man ay tinanggap niya ang pakikipagkamay nito. Bakit hindi siya nito isinumbong kay Jacob?

Sa maikli nilang pagsasama ni Krista ay nakita niya na close na close talaga ito at si Jacob. Halatang mahal na mahal ng magkapatid ang isa’t isa.

Kaya hindi kinaya ng konsensiya niya na hindi ipaalam sa nobyo kung paano niya tinrato ang nag-iisang kapatid nito.

“Krista, I’m so sorry. Pinagsisihan ko kaagad ‘yung nagawa ko sa’yo,” malungkot na wika niya sa babae.

“Babe? Bakit?” kunot noong tanong ni Jacob.

Ikinuwento niya sa nobyo ang relasyon nila ni Krista. Wala siyang pinalampas ni isang detalye, kasama na ang katotohanang napagbuhatan niya ng kamay ang kapatid nito.

Matagal na natigagal ang lalaki bago ito nagsalita. “Umalis ka na,” pigil ang galit na taboy nito sa kaniya. Sa mga mata nito ay may namumuo nang luha.

Tuluyan nang tumulo ang luha ni Kyra. Ito na nga ba ang kinatatakutan niya. Mawawala na sa kaniya ang nag-iisang taong nagmahal sa kaniya.

Tatayo na siya nang pigilan siya ni Krista.“Sandali!”

Napako ang atensiyon nila ni Jacob sa babae.

“Ang totoo niyan, Ms. Kyra, alam ko na na ikaw ang babaeng mahal ni Kuya Jacob,” nakangiwing pagtatapat nito.

“Ano? Paano mo nalaman?” tanong ni Jacob.

“Nakita ko na sinundo mo siya maraming beses na, Kuya.”

“Kaya ba mabait ka pa rin sa akin kahit na ang sama sama ko sa’yo?” pagkukumpirma niya.

Tumango lang ang babae.

“Lagi ka kinukwento sa akin ni Kuya, Ms. Kyra. Alam ko na kaya ka masungit dahil ayaw mong mapalapit sa iba at masaktan sa dulo. Pero minahal mo si Kuya. At alam na alam kong masaya si Kuya sa’yo. Ayoko namang masira kayo nang dahil sa akin,” paliwanag nito.

Namamanghang minasdan ni Kyra ang magkapatid bago siya napailing. Magkadugo nga ang dalawa. Napakababait ng mga ito.

“Saka nakita ko na nagsisi ka naman sa ginawa mo. Okay na ‘yun sa akin,” nakakaunawang wika nito.

Naiyak na lamang si Kyra. Hindi siya makapaniwala na nakatagpo siya ng kagaya ng magkapatid.

“Kuya. ‘wag ka makipaghiwalay ha! Magagalit ako sa’yo! Saka baka lalong sumungit sa office si Ms. Kyra, p@tay na naman ako,” biro pa ni Krista.

Nagkatawanan ang tatlo.

Simula noon ay naging mas maayos ang pagtrato ni Kyra sa bawat taong nakakasalamuha.

Nakahanap din siya ng tunay na kaibigan sa katauhan ni Krista.

Natutunan ni Kyra na tratuhin ang bawat tao ng tama dahil sa huli, hindi naman siya maaring mamuhay ng para sa sarili lamang. Kailangan niya ng kaibigan at mga taong ituturing na pamilya.

Advertisement