Inday TrendingInday Trending
Walang Awang Pinalayas ng Ginang ang Mag-asawang Nangungupahan Dahil sa Hindi Makabayad ng Utang; Mapagtanto Kaya Niya ang Kamaliang Ginawa?

Walang Awang Pinalayas ng Ginang ang Mag-asawang Nangungupahan Dahil sa Hindi Makabayad ng Utang; Mapagtanto Kaya Niya ang Kamaliang Ginawa?

“Ganito na lang, Shiela. Kung hindi ka makakabayad eh lumayas-layas ka na rito sa paupahan ko. Hindi puwedeng ganito lagi, hindi kayo marunong magbayad ng upa. Hindi ako charitable institution para lagi ninyo akong tawaran. Marami akong kakilalang may kakayahang magbayad. Tatlong buwan na ang utang mo ah.”

Nakapamaywang si Aling Mercy sa nangungupahan sa kaniya dahil pangatlong buwan na nitong hindi nakababayad ng upa sa munting paupahan niya sa Bulacan. 3,000 piso ito kada buwan, hindi pa kasama ang bayad sa kuryente at tubig.

“Aling Mercy, hiyang-hiya na po ako sa inyo. Alam ko po na obligasyon namin ang magbayad sa inyo. Nawalan po kasi ng trabaho ang mister ko dahil nga po sa pandemya, kaya naghanap po siya ng trabaho. May trabaho na po siya bilang isang bumbero, pero hindi pa po siya susuweldo. Hihingi lang po sana kami ng extension,” pakikiusap ni Shiela, ang misis na sinisingil ni Aling Mercy, na kulang na lang ay ibaon sa lupa ang mukha sa labis na pagkapahiya sa malakas na tinig ni Aling Mercy sa paniningil sa kaniya.

“Aba naman Shiela, ilang palugit pa ba ang maririnig ko mula sa iyo? Parang matagal mo nang sinasabi iyan eh. Hindi na nga ako naniniwala sa iyo. Alam kong mapapagod lang ako at maririndi sa mga sasabihin mo. Sa totoo lang, wala naman akong pakialam sa upa, pero para hindi ninyo bayaran ang kuryente at tubig, ibang usapan na niyan! Sige ganito na lang. Sa susunod na linggo, babalik ako rito. Kapag wala pa rin kayong maibayad, aba, maghanap na kayo ng matutuluyan ninyo dahil isasama ko ang mga barangay tanod dito at ipapasara ko ang bahay ninyo. Hindi ako nagbibiro,” paalala ni Aling Mercy.

“Gagawa po kami nang paraan para hindi po tayo humantong sa ganoon, Aling Mercy. Pangako po,” muling pakiusap ni Shiela.

“Aba, siguraduhin mo lang, dahil kung hindi, sa kalsada kayo pupulutin. Kung magmamatigas kayong lumayas, ipatatanggal ko ang bubong ng bahay. Tingnan ko lang kung manatili pa kayo riyan,” huling panakot ni Aling Mercy.

Umismid si Aling Mercy at walang lingon-likod na pumasok na sa loob ng kaniyang kotse pauwi. Kabaligtaran ng kaniyang pangalan si Aling Mercy dahil wala siyang awa pagdating sa paniningil ng mga pautang. Alam ng mga nangungupahan sa kaniya na tinototoo niya ang mga sinasabi niya sa mga nangungupahan na hindi nagbabayad nang maayos sa kanilang mga obligasyon.

Katwiran sa buhay ni Aling Mercy, naranasan niya ang mangupahan noon, bago siya makapangasawa ng Hapones at ibigay sa kaniya ang buhay na marangya. Ginawi rin niya ang lahat noon upang hindi mapaalis sa kaniyang inuupahan, at hindi mawalan ng pera. Kaya naisip niya, kung kaya niyang gawin noon, kaya rin nilang gawin.

At dumating ang takdang oras ng paniningil. Wala pa ring maibayad si Shiela. Naroon din ang mister nito na si Edgar.

“Pasensiyahan tayo. Sinagad ninyo ang pisi ko. Lumayas kayo sa pamamahay ko. Kunin ninyo ang mahahalagang gamit ninyo at isasarado ko na ito. Hindi kayo makakapasok sa loob, at hindi ninyo makukuha ang mga appliances ninyo hangga’t wala kayong naibibigay sa akin,” pagmamatigas ni Aling Mercy.

Walang nagawa ang mag-asawa. Mabuti na lamang at wala pa silang anak. Sa kumpas ni Aling Mercy ay nakandaduhan na ang paupahan niya. Wala siyang pakialam kung matutulog sa kalsada ang mag-asawa: na sa palagay niya ay magagawan naman nila nang paraan, at hindi na niya kailangan pang intindihin o problemahin.

“Sana po makatulog kayo nang maayos Aling Mercy,” naiiyak na sabi ni Shiela.

“Makakatulog ako nang maayos kapag nakapagbayad na kayo sa akin,” sabi ni Aling Mercy sabay talikod at pumasok na siya sa kaniyang magarang kotse upang umuwi.

Makalipas ang isang linggo, nagising na lamang si Aling Mercy na napakainit ng kaniyang pakiramdam. Akala niya, sadyang maalinsangan lamang, subalit ang mainit na pakiramdam ay sinabayan ng nakasusulasok na amoy. Pagmulat niya ng mga mata, nagulat siya nang makitang nagliliyab ang buong paligid ng kaniyang kabahayan.

“Sunog! Sunog!” subalit sa kaniyang paghingi ng tulong, pumasok ang usok sa kaniyang bibig, na naging dahilan ng kaniyang pag-ubo. Hindi siya makahinga. Naramdaman niyang nahihilo siya at nanghihina kaya napaupo siya.

Maya-maya, isang lalaking nababalot ng basang kumot ang pumasok sa loob ng kaniyang kuwarto.

“Mam, halina na po, bibitbitin ko na po kayo…”

Nagkagulatan ang dalawa. Ang bumberong pumasok para iligtas siya ay walang iba kundi si Edgar, ang mister ni Shiela, na pinalayas niya sa kaniyang paupahan. Nagulat din si Edgar na malaking bahay pala ni Aling Mercy ang nasusunog at kailangan nilang iresponde.

Walang tanong-tanong na binuhat na ni Edgar ang katawan ni Aling Mercy at lumabas na sila mula sa nasusunog na bahay. Nagmula raw ang sunog sa isang naglokong wirings. Nauwi sa abo ang malaking bahay ni Aling Mercy.

“Patawarin ninyo ako, Edgar. Ihingi mo ako ng tawad kay Shiela. Naging masama ang ugali ko sa inyo. Ito ang ganti ng Diyos sa akin. Sa isang iglap lang, wala na ang pinaghirapan ko,” naiiyak na paghingi ng tawad ni Aling Mercy.

“Huwag na po ninyong intindihin iyon. Ang mahalaga, ligtas kayo. May pagkukulang din naman kami. Ginawa lang ho ninyo ang kailangan ninyong gawin,” paliwanag sa kaniya ni Edgar.

Bilang pasasalamat kay Edgar, hindi na niya pinabayaran ang mga utang nito sa upa, at hinayaan na silang manirahan ulit sa kaniyang paupahan.

Napagtanto ni Aling Mercy na ang kayamanan at materyal na bagay ay maaaring mawala o maabo sa isang iglap lamang, subalit ang pakikipagkapwa-tao ay hindi basta-basta mananakaw o mawawala.

Advertisement