Inday TrendingInday Trending
Parehong Dinala ng Panganay at Bunsong Anak na Lalaki ang Kani-kanilang mga Karelasyon sa Bahay Upang Doon na Manirahan; Maging Maayos at Payapa Kaya ang Lahat?

Parehong Dinala ng Panganay at Bunsong Anak na Lalaki ang Kani-kanilang mga Karelasyon sa Bahay Upang Doon na Manirahan; Maging Maayos at Payapa Kaya ang Lahat?

“Dito na muna kami titira ni Ate Melba ninyo, tutal ako naman ang panganay na anak na lalaki, kaya technically sa akin mapupunta ang bahay na ito nina Nanay at Tatay.”

Iyan ang litanya ni Tristan sa kaniyang mga kapatid: isang babae na si Felize, 25 taong gulang, na isang single mom, at ang bunsong si David, 22 taong gulang, na may kasintahan naman. Ang kani-kanilang mga magulang ay hiwalay at may kani-kaniyang live-in partners.

Si Melba, na matagal nang kasintahan ni Tristan, ay nakayuko naman at tila nahihiya sa desisyon ni Tristan na magsama na sila habang naghahanda at nag-iipon para sa kasal.

“Okay lang naman sa akin, kuya. Welcome to the family,” masuyong bati ni Felize habang pinapalitan ng damit ang kaniyang anak na lalaki, na abalang-abala naman sa paglalaro sa online games sa kaniyang smartphone.

Samantala, hindi naman kumibo si David.

“David… ayos lang ba sa iyo?” untag ni Tristan.

“Kuya, ayos lang naman sa akin. Pero may balak din kasi akong isama na rito si Rhodalyn. Gusto na rin naming magsama. Kung okay lang sa iyo,” saad naman ni David.

“Hindi ba parang maaga pa para diyan? Kaka-graduate mo lang ah,” saad naman ni Tristan.

“Hindi na kasi maganda ang relasyon niya sa pamilya niya. Laging nakaasa sa kaniya ang Nanay at Tatay niya. Yung Tatay niya, lasenggo. Yung Nanay naman niya, sugarol. Gusto nang umalis sa kanila. Kaya gusto ko na siyang ibukod. Balak ko, dito kami titira,” giit naman ni David.

“Ikaw ang bahala, malaki ka na. May kani-kaniya naman tayong kuwarto, at medyo malaki-laki naman ang bahay,” nasabi na lamang ni Tristan.

Makalipas ang tatlong araw ay nakalipat na nga si Melba sa bahay ng magkakapatid.

“Tristan… pasensiya ka na. Mababait naman ang mga kapatid mo. Kilala ko na sila. Pero para sa akin, mas gusto ko na nakabukod tayo. Mangupahan na lang kaya tayo? Para sa ikatatahimik ng isipan ko. Gusto ko kasi, bumukod na tayo para makapagsimula na tayo ng sarili nating pamilya. Para… para walang conflict if ever man,” mungkahi ni Melba kay Tristan habang sila ay nasa loob ng kanilang kuwarto.

“Heto na naman ba tayo, Melba? Pagtatalunan na naman natin ito? Hindi ba sinabi ko na sa iyo, bubukod naman talaga tayo, pero kailangan muna nating makaipon para sa pagpapagawa ng bahay? Saka, ako ang panganay at lalaki, naturalmenteng sa akin mapupunta ang bahay na ito,” mariing giit ni Tristan.

“Okay… okay… sabi mo eh,” nasabi na lamang ni Melba. Ilang beses na kasi nilang pinagtalunan ni Tristan ang tungkol sa bagay na iyan. Laging ito ang nasusunod. Para kay Melba lang naman, gusto niya ng privacy. Kahit na sabihing magkasundo naman sila ng mga kapatid nito, iba pa rin kapag masasabi ng mag-asawa na kanila ang bahay. Walang maaaring manita sa kanila. Magagawa nila ang gusto nila.

Hanggang sa dumating na nga ang kasintahan ni David na si Rhodalyn, na kapansin-pansing walang alam sa gawaing-bahay, bagama’t masipag naman sa trabaho at nagbibigay ng panggastos sa kanila. Minsan, iniiwanan lamang nito ang mga baso o tasa sa kung saan ito nagkape. Minsan, natabig ito ng anak ni Felize. Umiyak ang bata at bahagyang natibo. Galit na galit si Felize. Ang naturang baso naman ay pagmamay-ari ni Melba. Dinala niya ito nang manirahan na sila sa kanila.

“Ano ba naman si Rhodalyn, David! Sabihan mo naman siya na kapag gagamit ng mga baso o gamit dito sa bahay, itabi naman niya. Hugasan niya, at ibalik sa tamang lalagyanan,” paalala ni Felize sa nakababatang kapatid.

“Sige pagsasabihan ko siya. Pero sigurado ka bang siya ang gumamit niyan? Hindi ba kay Ate Melba iyan? Baso niya iyan hindi ba?”

Narinig pala ni Melba ang usapan ng magkapatid.

“David, oo sa akin nga iyan, pero hindi naman ako ang gumamit niyan, si Rhodalyn. Hindi niya naipagpaalam sa akin actually,” nakangiting paliwanag ni Melba. Ingat na ingat siya sa kaniyang pananalita, dahil baka mainis sa kaniya si David.

“Ah ganoon ba? Sige pagsasabihan ko si Rhodalyn, na maging maingat sa pagkilos sa loob ng bahay namin,” huling pahayag ni David. Hindi nagustuhan ni Melba ang sinabi nito, lalo na’t pinagdiinan pa ang salitang “bahay namin.” Agad niya itong sinabi kay Tristan sa pag-uwi nito. Nagpanting naman ang tenga nito at sinugod si David.

“Anong sinasabi mo tungkol kay Melba at bahay namin? Bakit kailangan mong ipagdiinan yung bahay namin? Bakit, bahay ko rin ito!” duro ni Tristan sa kapatid.

“Bakit, totoo naman ah? Inangkin mo na ang bahay na ito, bakit, porke’t ikaw ang panganay? Bahay ko rin ito!” patol ni David. Muntik nang magsuntukan ang dalawa, mabuti na lamang at naawat nina Rhodalyn, Felize, at Melba. Umiyak na ang anak ni Felize dahil sa pagkabigla at pagkatakot.

“Tumigil nga kayo! Para kayong mga ewan! Mahiya naman kayo sa mga balat ninyo! Naturingan kayong mga gustong magsipag-asawa, ganiyan ang mga ipinakikita ninyo sa mga magiging misis ninyo!” pag-awat ni Felize. Natahimik naman sina Tristan at David.

Tatlong araw na napakatahimik sa loob ng bahay, ramdam na ramdam ang tensyon sa bawat isa. Subalit sa ikaapat na araw, binasag na ni Tristan ang katahimikan. Siya na mismo ang lumapit kay David upang humingi ng tawad.

“Patawarin mo ako, David. Nabigla lang ako,” sabi ni Tristan.

“Oo kuya, pasensiya na rin. Hindi na mauulit,” pagpapakumbabang pahayag naman ni David.

“Oo nga pala, nakapagdesisyon na ako, kami ni Ate Melba ninyo, na bubukod na kami. May nakuha na kaming rent to own. Tama siya. Kapag mag-aasawa, kailangang bumukod na,” balita ni Tristan sa mga kapatid.

“Ako rin kuya, bubukod na rin kami ni Rhodalyn. May nakita na akong bahay. Mas mainam nga na nakabukod na rin kami. Iyan ang turo sa atin noon nina Nanay at Tatay hindi ba?” sabi ni David.

“Paano naman kami?” tanong ni Felize.

“Felize, ikaw ang titira dito. Deserve mong mapunta sa iyo ang bahay na ito. Ipamana mo na rin sa pamangkin namin,” sabi ni Tristan sa kanilang kapatid na single mom.

Simula noon ay nagkasundo-sundo na ang magkakapatid pahinggil sa kung sino ba ang dapat pumisan sa bahay ng kanilang mga magulang. Bumukod na ang dalawang lalaki kasama ang kanilang mga karelasyon, na hindi naglaon ay pinakasalan na rin nila. Naging masaya naman sila sa kanilang mga desisyong bumukod, para sa ikatatahimik ng lahat.

Advertisement