Inday TrendingInday Trending
Isang Magsasaka ang Nakapulot ng Mamahaling Hiyas; Ito na ba ang Tulay Upang Mabago ang Buhay Niya?

Isang Magsasaka ang Nakapulot ng Mamahaling Hiyas; Ito na ba ang Tulay Upang Mabago ang Buhay Niya?

Sawang-sawa na si Mang Dado sa kaniyang buhay bilang isang magsasaka. Sa gitna ng pag-aararo sa putikan habang nakabilad sa araw, naglalakbay ang kaniyang diwa. Kung mabibigyan lamang siya ng pagkakataong makapag-aral muli, titiyakin niyang matatamo niya ang kaniyang minimithing diploma. Subalit, nangibabaw sa kaniya ang pagnanais na kumita na kaagad ng pera. Nagbulakbok siya at kung saan-saan nagtrabaho, hanggang sa tumanda siya at ang kinabagsakan niya ay sa bukid.

Bagama’t hindi naman niya minamaliit ang trabahong kung tutuusin ay napakahalaga at napakarangal dahil pinakakain nito ang isang bansa, ayaw na niya sa paulit-ulit na gawaing nababatak ang kaniyang katawan sa maghapong paggawa, subalit kakarampot o latak na lamang ang napakikinabangan niya, sampu ng kaniyang mga kasama, sa mga tanim na kanilang pinagtuluan ng pawis. Ang yumayaman lamang ay mga haciendero ng lupa, na pakuya-kuyakoy lamang sa kanilang mga upuan, habang sila, nakasalagmak sa ilalim ng araw.

Habang nag-aararo, napansin ni Mang Dado ang isang maliit na butil. Lumitaw ang kislap nito kahit na nababalutan ng putik. Kinuha niya ito. Napansin niyang kakaiba ang anyo nito. Tantiya niya, hindi ito basta-basta isang bato—kundi mamahaling bato! Agad niyang ibinulsa ang napulot na bato at tiniyak na hindi ito mawawala.

Pagdating sa bahay, agad niyang ipinagbigay-alam sa kaniyang asawa ang tungkol sa napulot na bato.

“Mukhang brilyante ito, mahal. Pupunta ako sa bayan upang kumpirmahin. Kung brilyante man ito, mayaman na mayaman na tayo! Kayang-kaya na natin bilhin ang lupang ito, at dadaigin pa natin si Don Mauricio,” nauutal na sabi ni Mang Dado.

“Huwag ka munang pumutak hangga’t hindi nangingitlog ang inahin. Kumpirmahin mo muna. Saka ka bumalik dito na nagsasaya kapag mamahalin at may halaga talaga ito,” sabi ni Aling Maring, ang misis ni Mang Dado.

Kinabukasan, maagang nagsadya sa bayan si Mang Dado upang ipasuri ang napulot na bato. Matapos ang matamang pagsusuri, kumpirmado— ito nga ay isang brilyante! Nagkakahalaga itong 20 milyong piso. Milyonaryo na si Mang Dado! Agad niyang ipinagbili ang naturang brilyante.

“Mayaman na tayo, Maring! Mayaman na tayo!” naiiyak na sabi ni Mang Dado sa misis.

Hindi makapaniwala si Maring sa suwerteng dumapo s akanila. Agad silang lumisan sa bukid at nagtungo sa bayan. Binili ni Mang Dado ang pinakamagandang bahay na nakita niyang nakatirik na sa isang subdivision. Bumili siya ng tatlong kotse. Higit pa roon, binili rin niya ang katabing lupa ng dating among si Don Mauricio. Balak niyang kumpitensiyahin ito. Hinimok din niya ang dating mga kasama na lisanin na si Don Mauricio at lumipat na sa kaniya. Pinangakuan niya ang mga ito ng patas na hati sa ani.

Tuwing gabi, walang humpay na inuman kasama ang mga magsasaka ang kaniyang ginawa. Don Diosdado na ang tawag ng mga ito sa kaniya. Sa lahat ng ito, laging si Mang Dado ang taya. Walang araw na hindi nagpapahanda ng makakain si Mang Dado upang ipalasap ang kaniyang salapi sa mga kasama.

Dahil alam nilang maraming pera si Mang Dado, naging takbuhan siya ng mga magsasaka kapag nangangailangan sila ng pera. Minsan, namimigay rin siya kapag nasa mood. Minsan din, hindi na niya pinababayaran sa kanila. Tuwang-tuwa naman ang mga magsasaka dahil sa kaniyang kabutihang-loob.

Hanggang sa natutong magsugal si Mang Dado. Napabayaan niya ang kaniyang sakahan. Hanggang sa dumating ang pagkakataong halos lahat ng mga problema ng kaniyang mga kapwa-magsasaka ay sa kaniya naidudulog. Sige lamang ang kaniyang bigay ng pera sa kanila. Hindi niya naisip na posibleng maubos ang kaniyang pera.

Hanggang sa nagumon na nang tuluyan si Mang Dado sa bisyo niyang pagsusugal. Dumating sa puntong pati ang mga kotse at bahay na binili niya ay naisanla na niya. Nang matalo siya at makuha pati ito, ang huling sinanla niya ay ang kaniyang sakahan. Hanggang sa umalma na ang mga magsasaka dahil hindi na niya mapasuwelduhan, at kapag humihingi sa kaniya ng tuloy ay hindi niya mapagbigyan.

Nagising na lamang isang araw si Mang Dado at ang kaniyang pamilya na walang-wala na silang pera. Sa isang iglap ay naubos ang kanilang pera na parang tubig na dumaan lamang sa kanilang mga palad. Wala na rin ang mga magsasaka at dating kasama na natulungan nila; nagalit pa ang mga ito nang hindi na sila makapagbigay ng tulong. Tila panaginip lamang ang lahat.

Bumalik sa pagsasaka si Mang Dado. Napagtanto niya na kailangang maging masinop sa paghawak ng pera, at hindi lahat ng nakangiti sa iyo sa harapan ay totoong mga kaibigan. Subalit huli na ang lahat.

Advertisement