Inday TrendingInday Trending
Nakapulot ng Isang Bibe ang Misis ng Isang Sabungero; May Suwerte Pala Itong Hatid sa Kanila

Nakapulot ng Isang Bibe ang Misis ng Isang Sabungero; May Suwerte Pala Itong Hatid sa Kanila

“Papa, wala ka bang naririnig na ingay sa labas ng gate natin?”

Hindi pinansin ni Mang Gregy ang kaniyang misis na si Aling Sepa dahil abalang-abala ito sa paghimas sa kaniyang mga alagang panabong.

“Sige, titingnan ko na lamang. Parang may maingay eh,” sabi ni Aling Sepa. Lumabas siya sa sala at sinilip kung ano ang maingay sa gate. Napamulagat siya nang makita ang pinagmumulan nito: isang sisiw na bibe o itik.

“Naku, kanino kayang bibe ito… ang cute naman,” pahayag ni Aling Sepa. Agad siyang lumabas at kinuha ang sisiw na kanina pa humuhuni. Naisip niya, marahil ay nagugutom o nauuhaw na ito. Bago ipasok sa loob, lumabas muna siya ulit at nagpalinga-linga; tinitiyak na walang sinumang naghahanap ng alagang hayop, mahirap na at baka may magparatang pa sa kaniya na nangunguha ng alagang hindi naman kaniya.

Nang matiyak na wala namang naghahanap, pumasok na siya sa loob at ipinakita sa mister.

“Pa, tingnan mo ohhh… may naligaw na sisiw na bibe sa harapan natin. Kinuha ko. Kung wala namang may-ari, alagaan na lang natin,” sabi ni Aling Sepa. Ipinakita niya ito kay Mang Gregy.

“Naku, ano naman ba ang pakinabang natin sa bibe? Magastos lang iyan sa pagkain. May makakaagaw pa sa budget ko sa mga babies ko. Ikaw talaga. Pakawalan mo na iyang bibe na iyan,” sabi ni Mang Gregy.

“Ay ayoko nga. Pakiramdam ko may hatid na suwerte sa atin ang bibe na ito. Bigla na lamang sumulpot. Ako ang mag-aalaga rito,” sansala naman ni Aling Sepa.

“Sigurado kang kaya mong mag-alaga ng hayop? Eh heto ngang mga babies ko ay hindi mo man lamang mapakain eh,” hirit naman ni Mang Gregy na tumutukoy sa kaniyang mga alagang tandang.

“Eh paanong hindi ko aalagaan iyan eh buong oras at panahon mo, sa kanila mo na itinutuon! Isa pa, parang mga anak mo na iyan, hindi ba? Ayoko namang makialam at baka kung may mangyari sa kanila, ako pa sisihin mo,” sabi na lamang ni Aling Sepa. “At isa pa, para ngang mas asawa mo pa ang mga manok mo kaysa sa akin!”

“Eh kasi ang mga manok ko ay napapaligaya ako… ikaw… kailan na ba ang huling beses na napaligaya mo ako?”

Hindi na lamang kumibo si Aling Sepa. Ayaw na niyang makipagtalo sa mister. Gusto niya sanang sabihin, sino ba naman ang gaganahang makipags*ping sa asawang hindi man lamang marunong magsepilyo at nangangamoy-tandang?

Matiyagang inalagaan ni Aling Sepa ang kaniyang bibe. Mabuti na lamang at may ekstrang kulungan si Mang Gregy para sa kaniyang bibe, na pinangalan niyang “Bibi.” Ibinuhos niya kay Bibi ang kaniyang pagmamahal at pag-aaruga, hanggang sa lumaki ito. Mainit naman ang dugo ni Mang Gregy dito. Imbes na manok na lamang daw niya ang alagaan, nahati pa ang atensiyon niya.

“Wala naman tayong pakinabang sa bibe na iyan,” minsan ay parinig ni Mang Gregy sa kaniya.

“Bakit, may pakinabang ba tayo sa mga tandang mo? Hindi ba’t ilang alaga mo na ang natinola dahil natatalo? Huwag mong ismolin si Bibi ko,” sabi ni Aling Sepa.

Upang patunayan kay Mang Gregy na may pakinabang si Bibi sa kanilang buhay, bumili siya ng isang lalaking bibe upang maging kapareha ni Bibi. Balak muna niyang makita kung papatok ang balak niya: nais niyang paramihin ang mga anak ni Bibi upang masimulan ang negosyo sa pagbabalut. Tinawanan lamang siya ni Mang Gregy.

“At talagang paninindigan mong may pakinabang na makukuha sa bibe mo ah,” natatawang sabi ni Mang Gregy.

Isang gabi, nagising sina Mang Gregy at Aling Sepa sa pag-iingay ng mga tandang. Putak nang putak.

“Baka may nagtatangkang magnakaw sa mga babies ko…” sabi ni Mang Gregy. Kinuha niya ang mahabang itak na nakatago sa ilalim ng kanilang kama, at binuksan ang ilaw sa kabahayan.

Subalit ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata ng mag-asawa nang makita ang tunay na dahilan ng pag-iingay ng mga tandang. Isang mahabang ahas! Subalit lasog-lasog na ang katawan nito. Pinagtulungang tukain ng dalawang bibe ni Aling Sepa. Iniligtas ng dalawang bibe ang buhay ng mga tandang.

“Maraming salamat, Bibi. Utang na loob sa iyo ng mga babies ko ang buhay nila,” nasabi na lamang ni Mang Gregy.

Simula noon ay inalagaan na rin ni Mang Gregy ang dalawang bibe. Bayani ang tingin niya sa mga ito. Napagtanto niya na may pakinabang din sa pag-aalaga ng mga ito, dahil dumami ang mga itlog nito, na ang iba ay naging ganap na bibe, at ang iba naman ay naging balut.

Advertisement