Inday TrendingInday Trending
Pinakain at Binigyan Pa Man Din Niya ng Pera ang Matandang Pulubi; Iyon Pala’y Niloloko Lamang Siya Nito

Pinakain at Binigyan Pa Man Din Niya ng Pera ang Matandang Pulubi; Iyon Pala’y Niloloko Lamang Siya Nito

Paalis na noon ang dalagang si Precy sa pinagtatrabahuhang restawran. Bitbit niya ang kaniyang bag na naglalaman ng kaniyang pasalubong na pagkain para sa kaniyang mga mahal na pamangkin nang mapansin niya ang isang matandang pulubi na nanginginig na nakayupyop sa isang sulok. Malamig na rin kasi ang simoy ng hangin dahil na rin siguro nalalapit na ang kapaskuhan.

Maayos naman ang kasuotan ng matanda at hindi naman ito mukhang pulubi, ngunit nakaramdam siya ng awa rito, lalo na nang mapansin niyang panay ang tingin nito sa mga taong masayang kumakain sa loob ng kainang nasa harapan nito. Dahil doon ay nagpasiyang lapitan ni Precy ang nasabing matanda.

“’Lo, nagugutom ho ba kayo?” tanong ni Precy sa matanda na agad namang napatingin sa kaniya. Tila nahihiya naman itong tumango bago muling tumitig sa mga kumakain sa restawran nang may lungkot sa mga mata.

“Tara ho sa loob. Kain ho tayo, ’lo!” aya niya rito nang nakangiti. Takang napalingon namang muli sa kaniya ang matanda.

“Si-sigurado ka ba, ineng?” tila hindi naman makapaniwalang tanong ng matanda habang nakayapos sa kaniyang sarili at nanginginig pa rin.

“Oo naman ho, ’lo. Huwag ho kayong mag-alala. Unang sahod ho ako ngayon kaya ayos lang sa akin na manlibre.” Hinubad pa ni Precy ang jacket na kaniyang suot at iniabot iyon sa matanda. “Malamig ho sa loob. Isuot n’yo na ho muna ito, lolo,” sabi niya pa bago ito tuluyang inakay papasok sa restawran na kaniya ring pinagtarabahuhan.

“Oh, Precy, bakit bumalik ka? Hindi ka pa ba uuwi?” tanong ng isang kasamahang crew ni Precy sa kaniya nang makasalubong siya nitong muli.

Magiliw namang sumagot ang babae. “Mamaya na nang kaunti. Ililibre ko lang ng pagkain itong si lolo,” sabay turo niya sa kasamang matanda.

Napansin niyang tila natigilan ang kaniyang kasamahan sa trabaho, ngunit maya-maya pa’y nagpatuloy na lamang ito sa ginagawa. Nagtataka man ay ipinagkibit-balikat na lang iyon ni Precy at um-order na ng masarap na mga putahe para sa kaniyang kasama.

Masayang-masaya si Precy habang maganang kumakain ang matanda. Naramdaman niyang unti-unti nang naging kumportable ang pakitungo sa kaniya ng matanda kaya naman naging masaya rin ang kanilang kuwentuhan.

Ibinahagi ni Precy rito ang pagiging bread winner niya sa kanilang pamilya. Ganoon din ang kasiyahan niya dahil bago magpasko ay nagkaroon siya ng trabaho. Sabi pa ng babae na gusto niyang ibahagi sa iba ang blessing na natanggap niya kaya naisipan niyang ilibre ang matanda. Ilang sandali pa ang lumipas ay natapos na ito sa pagkain.

Matapos makapagbayad ni Precy sa kaniyang mga in-order ay sabay na silang lumabas ng matanda sa restawran. Ngunit bago pa man sila maghiwalay ng landas ay inabutan niya pa ang matanda ng pera.

“Lolo, tanggapin n’yo po itong kaunting halaga. Ipambili n’yo po ito ng pang-noche buena kahit kaunti,” sabi niya pa at siya na ang naglagay mismo ng pera sa palad nito.

Nasa ganoon silang tagpo ng matanda nang bigla na lamang may pumaradang napakagarang kotse sa kanilang harapan…

“Sir, pasensiya na po kung medyo natagalan. Nasiraan po kasi ako…” anang isang lalaking nakasuot ng uniporme ng driver na bigla na lamang lumapit sa matandang kasama niya.

Nagtaka si Precy, lalong-lalo na nang bumaba rin mula sa kotse ang apo ng may-ari ng kaniyang pinagtatrabahuhang restawran na siya ring nagsisilbi nilang boss at lumapit din sa matandang kasama niya.

“Lolo, tara na ho,” anang kaniyang boss sa matanda at biglang nalaglag ang panga ni Precy!

Nang lingunin niya ang matanda ay napakalawak ng pagkakangiti nito sa kaniya. Bigla siyang pinamulahan ng mukha at hiyang-hiyang humingi ng tawad dito.

“Pasensiya na po! Hindi ko po alam na kayo po pala ang may-ari nitong pinagtatrabahuhan ko!” nayuyukong sabi ni Precy sa matanda.

Tinapik naman nito nang marahan ang kaniyang ulo. “Ano bang ikinahihiya mo, hija? Wala ka namang ibang ipinakita sa akin kundi kabutihan lamang,” sabi pa nito sa kaniya. “Isa pa, sinadya kong hindi magpakilala sa ’yo. Nang lapitan mo ako kanina’y nagulat ako, pero naisip kong sakyan ang inaakala mo para makita kung paano mo tratuhin ang mga kostumer na nasa mababang antas ng buhay… at labis mo akong pinahanga, hija.”

Simula nang araw na iyon ay mabilis na na-promote si Precy bilang assistant manager ng kanilang restawran na katu-katulong ng apo nito sa pagpapatakbo ng kainan. Dahil sa kagandahang loob na ipinakita ni Precy ay hinangaan din siya maging ng apo ng matanda at sa katagalan ay nahulog ang damdamin nito sa kaniya.

Niligawan siya nito at ‘di naman nagtagal ay sinagot niya rin ang binata.

Advertisement