
Sinisi Niya ang Sarili sa Pagkawala ng Kapatid; Isang Gabi ay Naunawaan Niya na may Dahilan nga ang Lahat ng Nangyayari sa Kaniyang Buhay
Pagmulat ng mata ni Tricia ay isang malakas na buntong hininga kaagad ang pinakawalan niya.
“Isang araw na naman ang kailangan kong bunuin,” yamot na bulong niya bago siya tumayo upang mag-inat.
Higit dalawang taon na rin ang lumipas nang masawi sa sunog ang nag-iisa niyang kapatid.
Ang bangungot na ‘yun ay sariwang sariwa pa sa kaniyang alaala.
Mag-aalas siyete ng gabi nang marinig niya tumunog ang cellphone niya.
“Hello, Manang Sita?”
“Tricia, hija? Anong oras ka kaya makakauwi?” bungad ng kaniyang kasambahay.
“‘Manang, pasensiya na po. Baka gabihin ako, marami pang trabaho na kailangang tapusin.”
Rinig na rinig niya ang lungkot sa tinig nito.
“Ganun ba, hija? Sayang naman. Miss na miss ka na ng kapatid mo.”
“Pakisabi kay Rianne, sorry. Babawi po ako kapag nabawasan ang trabaho,” sagot niya rito.
“Oh siya, sige, mag-iingat ka, ha. Kumain ka muna bago mo isubsob ang sarili mo sa trabaho,” paalala nito.
Wala naman ibang pagpipilian si Tricia. Kailangan niyang humataw ng trabaho para sa kanilang magkapatid. Wala naman silang aasahan dahil ulila na sila.
Napabuga ng hangin si Tricia. Gusto niyang makasama ang kapatid pero makapaghihintay naman iyon. Mas mahalagang matapos ang trabaho niya.
Iyon ang akala niya.
Dahil nang umuwi siya bandang alas dos nang madaling araw ay kasalukuyan nang nilalamon ng apoy ang buo nilang bahay.
Wala siyang ibang nagawa kundi pumalahaw ng iyak habang inilalabas ng mga bumbero ang sunog na katawan ng kaniyang nag-iisang kapatid.
Sa kabutihang palad ay nakaligtas si Manang Sita.
Hindi namalayan ni Tricia na lumuluha na pala siyang muli.
“Miss na miss na kita, Rianne. Bakit mo naman ako iniwan nang mag-isa?” umiiyak niyang sambit sa hangin na para bang maririnig siya ng kapatid.
Mula noon ay nawalan na siya ng ganang mabuhay. Ang nag-iisang pumipigil na lamang sa kanya na tapusin na ang lahat ay ang madalas na ipaalala sa kaniya ng Mama niya noong nabubuhay pa ito.
“Bawat nangyayari sa buhay natin ay may dahilan. ‘Wag natin kwestiyunin ang kalooban ng Diyos, dahil higit kanino man, Siya ang nakakaalam ng nakabubuti para sa atin.” Iyon ang laging pangaral nito.
‘Yun ang pinanghahawakan niya. May espesyal na dahilan bakit kailangan niyang pagdaanan ang bangungot na iyon.
Subalit ano ‘yun? At kailan niya malalaman?
Tumunog ang kaniyang cellphone.
Pinalis niya ang luha nang makita ang bestfriend niyang si Des na tumatawag.
“Hello? Ang aga aga mo na namang nambubulabog, bakit na naman?” pagbibirong pagtataray niya sa kaibigan.
Matagal bago ito sumagot. “Umiyak ka na naman, Tricia,” komento nito.
“Masakit pa rin, Des,” umiiyak na sumbong niya sa kaibigan.
Narinig niya ang hikbi nito sa kabilang linya. Alam niyang nasasaktan ito para sa kaniya.
“Subukan mong lumabas, Tricia. Malay mo, makahanap ka ng rason para mabuhay at ngumiti ulit,” yakag nito.
“Des, hindi ba pwedeng tapusin ko na lang ang paghihirap ko? Ang sakit sakit na.”
Hindi alam ni Tricia kung may patutunguhan pa ba ang buhay niya.
Matagal silang nagkumustahan ng kaibigan bago ito nagpaalam.
“Maraming salamat dahil hindi mo ako iniwan. Tatanawin ko ‘tong malaking utang na loob,” sinserong wika niya sa kaibigan.
Nakapagdesisyon na si Tricia. Wala na rin namang kwenta ang buhay niya dahil wala na ang pamilya niya. Mas mabuti pa na wakasan na lang niya ang lahat.
Nang malalim na ang gabi, tinungo ni Tricia ang building ng kaniyang opisina.
Tutal ang trabaho niya naman ang dahilan kung bakit hindi siya kasama ni Rianne nang masawi ito sa sunog, kaya bakit hindi niya wakasan ang lahat sa lugar na iyon?
Niyakap siya nang malamig na hangin nang makarating sa pinakatuktok ng gusali.
Ganun na lamang ang gulat niya nang makitang hindi siya nag-iisa. Mayroon isang babae na mukhang handa nang bumulusok pababa.
Dahan dahan siyang naglakad palapit sa babae. Subalit mukhang hindi siya aabot dahil umamba na itong tatalon.
“Sandali! ‘Wag mong gawin ‘yan!” malakas na sigaw niya.
Nilingon siya ng babae. Nagulat siya nang mapansing batang bata pa ito. Sa palagay niya ay kaedad ito ng nakababatang kapatid niya na si Rianne.
“Maawa ka sa mga maiiwan mo. Masakit ang maiwan,” umiiyak na pakiusap niya sa dalagita.
“Wala naman silang pakialam sa akin! Lagi na lang silang busy sa trabaho!” katwiran nito.
Napaluha si Tricia sa sinabi nito. Nakita niya ang kapatid dito. Marahil ay iyon ang iniisip ni Rianne sa mga huling sandali nito.
“Hindi totoo ‘yan! Mahal na mahal ka ng pamilya mo!”
Mukhang hindi nakumbinsi ang dalagita. Hindi pa rin ito bumababa mula sa barandilyang tinutuntungan nito.
“‘Yung kapatid ko, kaedad mo lang. Maaga siyang nawala sa akin dahil sa isang trahedya. Sayang at hindi man lang siya nabuhay nang mas mahabang panahon. Ako na Ate niya, sising-sisi sa nangyari. Sobrang sakit, para akong pinapat*y araw araw sa sakit. Kaya ikaw, please, ‘wag mong sayangin ang buhay mo!” patuloy niyang pakikiusap sa dalagita.
Tila nahimasmasan naman ito at maingat na bumaba mula sa tinutuntungan nito.
Saktong kabababa lang nito nang isang malakas na boses ang narinig nila.
“Rianne!”
Napalingon siya. Nakita niya ang isang lalaki na sa tingin niya ay kaedad niya.
“Kuya!” Umiiyak na yumakap ang dalagita sa lalaki na sa palagay niya ay kapatid nito.
“Kuya, sorry po! Naging selfish ako!”
“Hindi, Rianne, kasalanan ko. Pinapangako ko, magkakaroon na kami ng oras sa’yo!” nanginginig na utas ng lalaki sa dalagita. Bakas pa rin sa mukha nito ang matinding takot.
Naluluha namang minasdan ni Tricia ang dalawa. Naiinggit siya dahil hindi siya nabigyan ng pagkakataon na iligtas ang kapatid, hindi kagaya ng lalaki.
Nang mahimasmasan ang dalawa ang nabaling sa kaniya ang atensiyon ng mga ito.
“Buti na lang po dumating si Ate. Natauhan ako sa mga sinabi niya.” Itinuro siya ng dalagita sa kapatid nito.
Nagulat siya nang lumapit ang lalaki at yakapin siya nito nang mahigpit.
“Salamat, salamat sa pagliligtas sa kapatid ko.” Naramdaman pa niya ang mainit nitong luha sa kaniyang balikat.
Naiilang man ay marahan niya itong tinapik sa balikat. Maya maya ay humiwalay ito sa kaniya at binigyan siya ng isang nahihiyang ngiti.
“Rianne din ang pangalan niya?” usisa niya sa lalaki.
“Oo, bakit?” tanong nito. Bakas ang pagtataka sa guwapo nitong mukha.
“Rianne din kasi ang pangalan ng kapatid ko,” naluluha niyang paliwanag.
“Masaya ako na dumating ako sa tamang panahon. Hindi ko man nailigtas ang kapatid ko, nabigyan naman ako ng pagkakataon na iligtas ang kapatid mo.” Binigyan niya ng ngiti ang dalagita na tigagal na nakamasid sa kanila.
Natigilan siya matapos niyang sabihin iyon dahil tila kidlat na bumalik sa kaniya ang laging sinasabi ng kaniyang ina.
“Bawat nangyayari sa buhay natin ay may dahilan.”
May luha man sa mga mata ay napangiti siya at napatingala sa madilim na langit.
“Mama, Papa, Rianne. Alam ko na ngayon kung anong dahilan Niya,” sigaw niya.
Napagtanto ni Tricia na itinadhana talagang mawala sa kaniya ang kapatid na si Rianne, upang masagip niya ang isa pang Rianne. Dinala siya ng tadhana sa kung saan siya dapat naroroon sa eksaktong panahon.
Hindi inaasahan ni Tricia na hindi ‘yun ang katapusan ng koneksiyon niya sa magkapatid.
Matapos kasi ang gabing iyon ay hindi na siya tinantanan ng dalawa. Parati siyang kinukulit ng dalawa na lumabas at magliwaliw naman kahit papaano, bilang pasasalamat daw ng mga ito.
Iyon ang simula ng pagkakamabutihan nila ni Jonas, ang kapatid ni Rianne. Hindi nagtagal any naging nobyo niya ito.
Lumipas ang ilang taon at unti unti nang naghihilom ang sugat na dulot ng mapait na nakaraan ni Tricia.
Sa araw ng kasal nila ni Jonas, may sinabi ito na nagpaluha sa kaniya.
“Marahil iniisip mo na ang rason kaya ka Niya hinayaang mabuhay ay dahil ililigtas mo si Rianne. Pero para sa akin, hinayaan ka Niya na mabuhay dahil ikaw ang kokompleto sa buhay ko. Mahal na mahal kita, Tricia. Isang malaking biyaya ang pagdating mo sa buhay ko,” madamdaming pahayag ng lalaki.
Napaluha naman si Rianne. Hindi biro ang sakit na pinagdaanan niya subalit napagtanto niya na napakaganda nga naman ng plano na idinisenyo ng Diyos para sa kaniya.
Walang hihigit sa plano ng Diyos para kanino man. Kaya ang kailangan nating gawin ay magdasal, maghintay, at higit sa lahat ay manalig.