
Naisip ng Binata na Bigyan ng Bahay ang Mag-Asawang sa Lansangan Lamang Nakatira; Ito ang Dahilan Niya
Nasasabik at masayang nagmamadali si Jonas na puntahan ang mag-asawang si Aleng Martha at Mang Lucio. Mayroon siyang sorpresa na tiyak magugustuhan ng mag-asawa.
Si Aleng Martha at Mang Lucio ay nakatira lamang sa daan. Walang permanenteng bahay na matitirhan at tanging kariton lamang ang ginagawang higaan ng mag-asawa. Nangangalakal ang mga ito upang mabuhay sa pang-araw-araw.
Nakilala niya ang mag-asawa halos dalawang taon na ang nakakalipas, mula noong itinirik siya ng kaniyang sasakyan, habang umuulan ng malakas at baha ang lahat ng daan na kaniyang madaanan. Nakita niya ang mag-asawa habang sakay sa bangka-bangkaang sadyang ginawa ng mag-asawa.
Tinulungan siya ng mga ito upang makatawid sa kabilang dulo kung saan walang baha. Kaya mula noon ay naging kaibigan na niya ang mga ito, at bago umuuwi ay dinadaanan na muna niya ang tambayan at tulugan ng dalawa, upang kumustahin.
“Aleng Martha at Mang Lucio,” masayang tawag niya sa mag-asawang abala sa pangangalakal. “Kumusta na?”
“Maayos naman. Wala kang pasok, Jonas?” wika ni Mang Lucio.
“Wala. Actually meron akong sorpresa sa inyong dalawa,” nakangiting wika ni Jonas. “Iwanan niyo muna ang kalakal ninyo at sumama sa’kin. Para makita niyo ang sorpresa ko.”
“Sige. Ikakandado muna namin ang aming kariton,” napapangiting wika ni Mang Lucio. Baka kasi nakawin ang mga kalakal nila kapag hindi nila kinandado ang kanilang kariton.
“Sasakay kaming ni Lucio d’yan sa sasakyan mo, hijo?” Alanganing tanong ni Aleng Martha. “Amoy bakal at araw kami ng asawa ko. Baka madumihan pa ang sasakyan mo. Maglalakad na lang kami,” dugtong nito.
“Asus! Para kang others, Aleng Martha. Diyos ko ang tagal na nating magkakilala. Sanay na ako sa inyong dalawa. Saka kung iniisip niyong baka madumihan ang sasakyan ko, mabilis lang namang linisan iyan. Maglalakad pa ba kayo, kung maaari naman kayong sumakay rito,” ani Jonas.
Walang nagawa ang mag-asawa, kahit nahihiya man sa binata’y sumakay na ang mga ito sa sasakyan ni Jonas. Ilang oras din ang lumipas nang marating nila ang lugar kung saan naghihintay ang sorpresa ni Jonas.
“Aleng Martha at Mang Lucio, nakikita niyo po ba ang bahay na iyan?” Turo ni Jonas sa Bonggalo type na bahay. Maliit lamang iyon, sakto lang upang magkasya ang dalawa. “Bigay ko po ‘yan sa inyong dalawa.”
“Hala!” Sabay na sambit ng mag-asawa.
“Hindi nga, hijo? Baka binibiro mo lang kami.” Hindi makapaniwalag wika ni Aleng Martha.
“Pwede naman ‘yon, Aleng Martha?” Nakangiting wika ni Jonas. “Binili ko talaga ‘yan para sa inyo. Regalo ko sa inyong dalawa, para may matirhan na kayo. Hindi niyo na kailangang mag-alalang baka abutin kayo ng mataas na baha kapag malakas ang ulan, habang mahimbing ang tulog niyo. Kasi may maayos at permanenteng bahay na kayong mauuwian.”
“Hijo, hindi ko inaasahan ito,” humihikbi sa galak na wika ni Aleng Martha.
“Hindi ko alam, Jonas, kung paano ka babayaran sa kabutihan mong ito,” mangiyak-ngiyak ring wika ni Mang Lucio.
“Hindi niyo po kailangang isipin ang bagay na iyon, Mang Lucio. Kayo po ang unang gumawa sa’kin ng kabutihan na walang hinihinging kapalit. Ito lamang po ang kabayaran ko sa inyong dalawa. Pero ang mas mahalaga po ay ginawa ko ito para hindi na ako nag-aalala sa inyo.
Kaya po lagi ko kayong dinadaanan bago umuwi ay para masigurong walang nangyari sa inyo ni Aleng Martha sa lansangan, habang nangangalakal. Sa t’wing may bagyo o baha ay nag-aalala rin ako sa inyo, kaya kahit dis-oras ng gabi ay sinusugod ko kayo, masiguro lang na ligtas kayo. Kaya naisip kong bilhan kayo ng bahay ay lupa kahit maliit lang. Atleast kapag nandito na kayo sa bahay na ito. Mas ligtas at malayo sa peligro.”
Agad namang niyakap ng mag-asawa ang binata. “Kung biniyayaan lamang kami ng anak, hijo. Sana kagaya mo siyang mabait,” himihikbing wika ni Aleng Martha.
“Hindi naman mahalaga kung anak niyo ako o hindi. Ang mahalaga’y mahal ko kayo, kagaya ng pagmamahal ko sa mga magulang ko,” ani Jonas.
“Salamat Jonas,” puno ng emosyong wika ng mag-asawa.
Para hindi na mangalakal sina Mang Lucio at Aleng Martha ay pinatayuan na rin ni Jonas ng sari-sari store ang bahay, upang doon na kunin ng dalawa ang pangkain sa araw-araw.
Ang pagmamalasakit sa kapwa’y hindi tinitingnan kung magkadugo kayo o hindi. Ang mahalaga’y totoo ang iyong intensyon at hangarin.

Dugo at Pawis ang Inilalaan Niya Upang Kumita Para Mabili ang Pangangailangan sa Araw-Araw; Ngunit Lahat ng Kaniyang Kinita ay Naging Pekeng Pera
