
Dugo at Pawis ang Inilalaan Niya Upang Kumita Para Mabili ang Pangangailangan sa Araw-Araw; Ngunit Lahat ng Kaniyang Kinita ay Naging Pekeng Pera
Pagod na sa maghapong pamamasada si Mang Leo, ngunit bago pa man siya umuwi sa bahay nila’y kailangan pa niyang iparada ang dyip na kaniyang pinapasada, tapos kailangan pa niyang maglakad papuntang palengke upang bumili ng ulam nilang pamilya at gamot para sa kaniyang maintenance. Saka siya sasakay pauwi sa bahay nila.
Saisyenta’y kwatro na si Mang Leo at totoong nakakaramdam na siya ng panghahapo sa kaniyang kasu-kasuhan, tanda ng katandaan. Ngunit ayon nga sa kasabihan; kailangan mong kumayod upang mabuhay.
Iyon ang kasabihan ng mga kagaya niyang mahihirap. Bawal ang salitang pagre-retiro, sa kagaya niyang isang kahig, isang tuka lamang. Bangus na isda lamang ang kaniyang napiling bilhin na ulam.
“Kumusta, Tisay? Pagbilhan mo nga ako niyang malalaki mong bangus. Bale syento-singkwenta ang presyong ibigay mo,” masiglang wika ni Mang Leo.
Agad namang kinilo ni Tisay ang Bangus, ayon sa presyong binanggit ni Mang Leo. Nang matapos ay inabot na ni Mang Leo ang kaniyang bayad, ngunit.
“Naku tatay! Mukhang nabigyan kayo ng pekeng pera,” dismayadong wika ni Tisay, matapos suriin ang perang ibinigay niya.
“Ano ‘kamo?”
“Peke po ang isang libong piso na ito, tatay. Sa kulay pa lang po ay halata na. Tingnan niyo ah. Itatapat ko sa UV Light,” ani Tisay saka itinapat ang pera, hindi man lang umilaw matapos itapat sa UV Light. “Walang nangyari. Papel lang po ito, tatay.”
“Naku! Paano nangyari iyon?” Malungkot na wika ni Mang Leo. “Ibig sabihin, halos buong kinita ko ngayong araw ay na peke, ineng?”
“Mukhang gano’n na nga po, Tatay Leo,” malungkot ring wika ng suki niyang tindera na si Tisay. “Hindi niyo ba napansin ang kulay ng perang ito? Halatang-halata kasi ang kulay, Tatay Leo.”
“Hindi ko na pinansin ang kulay o ano pa man. Ang buong atensyon ko kasi ay nasa daan at pagkukwenta kung magkano ang ibabalik kong sukli. Hindi ko naman akalain na mabibiktima ako sa ganitong modus,” malungkot na wika ni Mang Leo.
“Sabagay nga naman,” malungkot na sang-ayon ni Tisay.
“Hindi pa ako nakakapagbigay kay Pareng Jun ng boundary. Tapos kailangan ko pang bumili ng aking maintenance. Paano ako makakabili kung na-peke pala ako,” malungkot na wika ni Mang Leo. “Grabe naman ang gumawa nito sa’kin, ineng. Sana iba na lang ang niloko niya.
Hindi ang kagaya kong mahirap pa sa mahirap,” maluha-luhang sambit ni Mang Leo, habang tinititigan ang pekeng pera. “Nakakasama ng loob. Ayos lang sana kung bente pesos lamang ito. Isang libo pa talaga. Ang dami ko nang mabibili sa perang ito.”
“Ang dami na po talagang manloloko ngayon, tatay. Kaya sa susunod po magdoble ingat kayo. Kagaya niyan, na sayang ang pinaghirapan niyo,” sabat ng babaeng namimili rin ng isda.
“Talagang nakakasama iyan sa loob. Grabe din sila ‘no. Kapwa mahihirap ang niloloko nila. Sana iyong mayayaman ang niloloko nila, iyong mga taong barya lamang ang isang libo.” Segunda naman ng isang pang namimili.
Naaawa namang tinitigan ni Tisay ang matandang suki. “Tsk! Kakarmahin rin ang gumawa niyan sa’yo, tatay. Hayaan niyo na po iyon. Papalitan ko na lang iyang peke niyong pera, Tatay Leo, ito oh.” Wika ni Tisay, sabay abot ng isang libong piso kay Mang Leo. “Sa’yo na iyang bangus. Ibili mo ng kailangan mo iyang perang binigay ko.
Hayaan mo na ang perang iyon, doble ang ganti no’n. Hindi sila natatakot manloko ng mahihirap. Hindi nila alam ang bigat ng karma, lalo na kapag iyong kinuha nilang pera ay galing sa taong nagsisikap lang rin para mabuhay.
Nakakatakot kayang manloko sa mga kagaya nating mahihirap, kasi iniiyakan natin ang perang nawawala sa’tin. Ang epekto no’n sa nanloko sa’tin ay hindi lang doble kung ‘di triple-triple pa. Kaya huwag ka nang malungkot, Tatay Leo. Pera lang iyan. Kikitain natin iyan, kapag kakayod tayo.”
“Salamat dito, Tisay, ah. Hayaan mo ibabalik ko ito sa’yo,” ani Mang Leo.
“Naku! Bigay ko na iyan sa’yo, tatay. Hindi mo na kailangang ibalik sa’kin iyan. Basta ang mahalaga’y mabili mo ang gamot na kailangan mo at iba pa. Huwag mong istresin ang sarili mo. Isang libo lang iyon. Ang buhay mo ang mas mahalaga,” mariing bilin ni Tisay.
Nahihiya man si Mang Leo, sa dalagang si Tisay ay hindi na siya nagdalawang isip na tanggapin ang isang libong piso. Pinapangako niya naman sa sariling ibabalik ng pera sa dalaga. Magdodoble ingat na siya sa susunod upang hindi na maulit ang ganito.
Mahirap ang maging mahirap. Kakarampot na kinikita’y malaki na iyon para sa mga taong kagaya ni Mang Leo, tapos mabibiktima pa ng mga taong walang puso. Mayroong karma, pero hindi pa rin natin maiwasang magalit sa taong nagagawa tayong lokohin. Lalo na sa sitwasyon ni Mang Leo, na kumakahig lamang upang may tukain sa bawat araw.