
Nagkamali ng Sakay ang Matandang Babae Kaya Napunta Siya sa Lugar na Hindi Niya Kabisado; May Makakatulong pa Kaya sa Kaniya
“Pagbilhan nga po ng mineral water,” nahahapong wika ni Junior. Galing siya sa isang mahabang biyahe, gamit ang kaniyang motorsiklo. Matirik at mainit ang araw, kaya pairamdam niya’y nanunuyo na ang kaniyang lalamunan.
Matapos ibigay ang kaniyang binili ng ale ay agad niya iyong nilagok, upang mapawi ang nararamdaman niyang uhaw. Nang may lumapit sa kaniyang isang ale.
“Nonoy, pwede ba akong makahingi ng kahit pangkain lamang sa’yo,” anang ale na sa kaniyang tantiya’y nasa edad saisyenta na mahigit.
“Hindi pa kayo kumakain nanay?”
Maayos naman ang pananamit ng matandang babae at hindi naman ito mabahong gaya ng mga taong grasa sa lansangan. May bitbit itong maliit na bag na kulay pula. Mukhang doon nakalagay ang kaunting gamit nito.
“Hindi pa e.”
“Anong oras na ah. Nalipasan na kayo ng kain. Halika lola, hanap muna tayo ng makakainan,” anyaya ni Junior.
Katabi ng tindahang binilhan ng tubig ay isang kainan kaya doon niya naisip dalhin ang matanda.
“Taga-saan ka, nanay?” Tanong ni Junior, matapos bilhan ng makakain ang matandang babae na nakilala niya sa pangalang Minda.
“Taga-Tarlac ako nonoy. Doon ako nakatira sa anak kong si Laura. Lumuwas akong Manila, mag-isa upang dalawin ang bunso kong anak na si Leon. Pauwi na dapat ako kay Laura, kaso nagkamali yata ako ng pagsakay sa bus.
Akala ko’y biyaheng Tarlac iyong nasakyan ko, ibang ruta pala. Ayon sa natanungan ko’y narito ako ngayon sa Bulacan,” paliwanag ni Nanay Milda, habang kumakain. “Mahirap na talaga kapag ika’y nagkaka-edad na. Nag-uulyanin na kasi ako, nonoy. Minsan nakakalimutan ko na kung saan ba ako papunta.
Madalas naliligaw ako. Kaya nga pinadalhan ako ng anak ko ng selpon, kaso naiwala ko naman ang selpon ko noong ako’y bumibiyahe pauwi sana ng Tarlac. Hindi ko matandaan kung saan ko iyon nailapag o baka dinukot iyon sa’kin?”
“Hala ka! Oo nga po. So ibig sabihin papunta pa po kayong Tarlac?”
“Opo. Dalawang araw na akong palakad-lakad sa lugar na ito. Nanghihingi ng pamasahe sa kung kani-kanino. Iyong iba nagbibigay, kaso may iba naman na tinataboy ako. Pero kahit papaano’y nakaipon na ako ng syento-bente. Medyo malaki-laki pa ang kulang,” nakalabing wika ni Nanay Milda.
“May ibang tao pa na hindi naniniwala sa’kin. Iniisip nilang niloloko ko sila. Hindi ko naman sila masisisi. Marami nga namang modus ngayon, kaya nag-iingat lamang iyong iba. Kaya nga nagpapasalamat ako sa’yo, nonoy. Salamat kasi pinakain mo ako ngayon.” Nakangiting dugtong nito.
“Kawawa ka naman nanay,” malungkot na wika ni Junior. “Ganito na lang, Nanay Milda. Gusto kong ihatid ka sa mismong bahay ninyo, upang masigurong makakauwi ka ng ligtas at hindi na maligaw pa.
Kaso meron kasi akong kailangang gawin at puntahan ngayong araw. Kapag hindi ko iyon napuntahan ay ako naman ang malilintikan. Gusto niyong sumama muna sa’kin at kinabukasan ay babiyahe tayo pauwing Tarlac,” suhestiyon ni Junior.
“Ha? Ayos lang ba sa’yo, nonoy?”
“Kaysa iwanan ko pa kayo rito. Baka hindi ko na kayo makita pa bukas. Kasi saan-saan ka na naman nakarating. Mas maiging sumama ka na sa’kin ngayon para bukas ay maihatid na kita sa anak niyong si Laura,” ani Junior.
Isang matamis na ngiti ang sumilay sa labi ni Nanay Milda at mangiyak-ngiyak na ginagap nito ang kamay ng binata. “Napakabuti ng iyong puso nonoy. Sana pagpalain ka pa ng Panginoon. Maraming tao na akong nahingan ng tulong pero lahat sila’y inisip na nanloloko lang ako.
Ikaw ang bukod tanging tumulong sa’kin na hindi ko nakitaan ng pag-aalinlangan. Maraming-maraming salamat. Ikaw na yata ang ipinadala ng Diyos Ama upang tulungan ako,” humihikbing wika ni Nanay Milda.
“Walang anuman po Nanay Milda. Hindi ko masisisi iyong iba kung bakit nahihirapan na silang magtiwala sa ibang tao. Baka kasi minsan tumulong na rin sila, tapos sa maling tao pa,” ani Junior.
“Tama ka nonoy. Baka nga gano’n ang nangyari. Salamat at pinagkakatiwalaan mo ako. Pangako, hindi ako isa sa mga taong nanloloko.”
Isang ngiti lamang ang isinagot no Junior, saka hinayaan ang ale na tapusin ang pagkain nito.
Gaya ng ipinangako niya’y hinatid nga niya kinabukasan sa Tarlac si Nanay Milda. Hindi niya kabisado ang daan, kaya naging gabay niya ang ale, sa pagtunton sa bahay ng anak nitong si Laura.
“Naku! Maraming-maraming salamat, Junior at naihatid mo ang nanay ko. Ang totoo niya’y ay noong isang araw pa akong nag-file ng report sa kapulisan, kasi hindi na nakauwi ang nanay ko.
Salamat at ikaw ang nakahanap sa kaniya. Hindi ko alam kung paano makakabawi sa kabutihan mo,” puno ng emosyong wika ni Laura sa lalaking nagmagandang loob na ihatid ang nanay niya.
“Walang anuman iyon, Laura. Masaya ako’t naihatid ko si Nanay Milda, nang maayos at ligtas sa’yo. Sana sa susunod huwag niyo na siyang hayaang bumiyahe na mag-isa.
Matanda na ang nanay mo at medyo nag-uulyanin na. Kaya hindi kataka-takang naliligaw na siya paminsan-minsan. Kaya mas maiging may kasama siya palagi kapag bibiyahe siya nang malayo-layo,” paalala ni Junior sa anak ni Nanay Milda.
“Tatandaan ko iyan. Hindi na mauulit ang nangyari. Maraming-maraming salamat ulit, Junior,” ani Laura.
Sa sobrang pagiging kampante natin ay hinahayaan na natin ang ating mga magulang na umalis kahit wala silang kasama. Ngunit mas maigi pa rin na bilang isang anak ay siguraduhin natin ang kaligtasan ng ating mga magulang.
Salamat at may mga tao pa ring kagaya ni Junior na handang tumulong kahit wala kang maibigay na kapalit. Isang taong tutulungan ka kahit hindi ka pa niya lubos na kakilala.