
Labis ang Pagyayabang ng Mahaderang Ginang dahil sa Ipinatatayo Niyang Bahay; Sa Huli’y Pagtatawanan Siya ng mga Kapitbahay
Lahat ay napasilip sa kanilang bintana nang marinig nila ang ingay ng mga sasakyan sa labas maging ang malakas na bunganga rin ni Aling Dolores.
“Dito niyo na lang itambak ang mga buhangin at iba pang materyales! Wala namang dadaan dito sa eskinita dahil pawang wala namang sasakyan ang mga kapitbahay ko!” sigaw ni Aling Dolores na may kasamanag pagmamalaki sa mga trabahador.
Hindi naiwasan ng ginang na si Aling Elena na sitahin naman ang ginang dahil wala man silang sasakyan ay dito idinadaan ng kaniyang asawa ang kariton nito sa pagtitinda ng gulay.
“Dolores, mawalang galang na sa iyo. Baka naman p’wedeng iusod mo na lang sa bandang tapat ng bahay mo dahil mahihirapan ang mga taga-rito na dumaan? Lalo na ang kariton ng asawa ko,” pakiusap ng kapitbahay.
Ngunit sige pa rin itong si Aling Dolores na parang wala siyang narinig.
Napapailing na lang si Aling Elena. Kahit na kasi marami silang nagrereklamo ay wala silang magawa sa kayabangan nitong si Aling Dolores.
“Alam mo, kung naiinggit ka dahil nagpapagawa kami ng bahay ay ipikit mo na lang ang mga mata mo! Sabihin mo sa asawa mong na iikot na lang ang kariton niya nang sa gayon ay makarating siya diyan sa bahay n’yo! Ang dami-daming paraan, Elena. Huwag mong pagdiskitahan ang pagpapatayo ko ng bahay! Tingnan mo at nakakuha ako ng permit!” saad ni Aling Dolores sa ginang.
“Nakikiusap lang naman kasi ako, Dolores. Mas malayo kasi ang daan kung iikot pa siya para lang makauwi sa bahay namin. Saka wala namang nagmamay-ari ng daan na ito. Lahat tayo ay may karapatan dito,” muling pakiusap ni Elena.
Naging matigas pa rin si Dolores.
“Sige, diyan n’yo na itambak ang mga materyales. Ako ang masusunod dito dahil may permit ako! Naiinggit lang ang mga kapitbahay dahil ang pangit ng mga bahay nila!” saad pa ni Aling Dolores.
Marami talagang kapitbahay ang naiinis dito kay Aling Dolores. Ubod kasi ng yabang nito simula nang makapag-abroad ang kaniyang anak. Sa tuwing may bagong gamit sa bahay o hindi naman kaya ay ipapadala ang anak mula sa ibang bansa ay nalalaman ng buong baranggay dahil bukambibig niya ito. Subalit ubod din naman siya ng damot sa kapwa.
Nang matapos ang pagbababa ng mga materyales ay tinipon ni Aling Dolores ang mga trabahor.
“Hindi arawan ang bayad ko sa inyo kaya bilisan n’yong gawin ang bahay namin. Huwag kayong tatamad-tamad at malilintikan talaga kayo sa akin!” sambit muli ng ginang.
“Ginang, paano namin po gagawin iyon kung wala namang konkretong plano? Paano po ba kayo nakakuha sa baranggay ng permit kung hindi naman kayo nagpakita ng plano ng gagawing bahay?” pagkukwestiyon ng isang trabahor.
“Gusto mong tanggalan kita ng trabaho sa dami ng inuusisa mo? Madali lang naman ang ipapagawa ko. Gagawing bato lang ang bahay at lalagyan ng ikalawang palapag. Ano pa ang mahirap doon? Kayo nga ang kinuha ko dahil alam kong maabilidad kayo tapos ang dami mong tanong! Umpisahan n’yo na dahil hindi ako magbabayad ng ekstra sa inyo kapag hindi n’yo naabot ang napag-usapang araw kung kailan matatapos ang bahay!” bulyaw pa ni Aling Dolores.
Lahat man ay naguguluhan sa kanilang gagawin ay walang nagawa kung hindi ipagpatuloy ang trabaho.
Kapag may nagtatanong sa isa sa kanila ay laging pinapagalitan ni Aling Dolores. Ang iba pa ay sinesante.
Isang araw ay pinagalitan ni Aling Dolores ang isang trabahador dahil umorder daw ito ng mga materyales na wala sa kanilang budget.
“Ikaw ba ang nagpapagawa ng bahay at ikaw ang kailangang magdesisyon? Bakit pinangungunahan mo ako?” galit na sambit ni Aling Dolores.
“Ginang, hindi po magandang materyales ang mga inorder ninyo. Natatakot kami na baka mamaya ay hindi maganda ang pagkakatayo ng bahay n’yo!” pagmamalasakit lang ng lalaki.
Subalit hindi ito pinakinggan ng ginang at sa halip ay tinanggal na naman niya ito.
Nakikita ng ilang kapitbahay ang masamang ugaling ito ni Aling Dolores. Madalas ring marinig ng ilang ginang ang pag-uusap ng ilang trabahador laban kay Aling Dolores.
“Kailangan daw ay matapos sa sa akinse ang bahay. Dalawang linggo na lang iyon mula ngayon! Isa pa, wala na ngang konkretong plano ay hindi tamang mga materyales ang binibili ni Aling Dolores!” wika ng isang trabahador.
“Pabayaan mo na siya at gawin na lang natin ang gusto niya! Mahadera ang babaeng iyan! Makakarma rin siya,” tugon naman ng isa pang trabahador.
Narinig ni Aling Elena ang pag-uusap ng dalawang manggagawa. Agad siyang pumunta ng baranggay upang suriin kung talagang may permit ito. Doon niya nalaman na hindi pala totoo ang permit na ipinapakita nito.
Agad na pumunta ang isang opisyal ng baranggay upang kausapin si Aling Dolores, pero nasuhulan lang ito ng ginang.
“Malapit na rin naman palang matapos ang bahay ni Aling Dolores. Kaunting tiis na lang. Kapag kayo rin ang nagpagawa ng bahay ay hindi rin kayo mahihirapan na kumuha ng permit sa amin,” saad ng opisyal.
Todo ang pagkadismaya ni Aling Elena dahil sa nangyari.
Makalipas ang dalawang linggo ay natapos naman na ang pinapagawang bahay ng ginang. Dahil dito ay lalo siyang naging mayabang. Siya lang kasi sa kanilang eskinita ang bato ang bahay at may ikalawang palapag.
“Malamang ko ay nakatanghod na naman ang mga kapitbahay natin dahil nga sa ganda ng bahay na naipatayo ko, anak. Inggit na inggit talaga sila! Maraming salamat at naipagawa ang bahay!” saad ni Dolores sa anak.
“P-pero hindi po ba, isang palapag lang ang usapan natin, ‘nay? Bakit naging dalawang palapag na ang bahay? Pinagawan n’yo po ba ‘yan ng plano? Dahil ang sabi ng tatay noong nabubuhay pa siya ay malambot daw ang lupa na kinatitirikan ng bahay natin. Kaya nga po sapat lang ang pinadala kong pera para ipaayos ‘yang kabuuang bahay,” saad pa ng anak.
“Nakikinig ka naman diyan sa tatay mo! Baka sinabi lang niya iyon para manatiling kahoy ang bahay natin! Nagawan ko na ng paraan. Tingnan mo naman, anak, ngayon ay ang ganda-ganda na ng bahay! Sa wakas ay natupad na rin ang pangarap ko!” muling sambit pa ng ina.
Ang buong akala ni Aling Dolores ay talagang nakamura siya sa pagtitipid na kaniyang ginawa.
Hanggang sa isang gabi, ginising ang lahat ng isang malakas na pagyanig ng lupa.
Nagising rin si Aling Dolores dahil sa tindi nito. Akala niya ay ligtas siya sa loob ng bahay dahil nga bato ito. Ngunit unti-unti niyang napansin ang pagbitak ng mga bato. Dali-dali siyang tumakbo palabas ng bahay.
Wala pang ilang minuto ay nakita na niya ang kaniyang bahay na bigla na lang gumuho.
“A-ang bahay ko! Ang bahay ko!” sigaw ni Aling Dolores habang pinapanood ang bahay na sirain ng lindol.
Nang matapos ang lindol ay saka pinuntahan ni Aling Dolores ang kaniyang bahay. Ni isang gamit ay walang natira dahil sa pagguho. Mabuti na nga lang at nakalabas siya ng bahay.
Galit na galit si Aling Dolores sa mga gumawa ng kaniyang bahay at nais niya itong sampahan ng kaso. Ngunit dumepensa ang mga ito na walang plano ang bahay at ang mga materyales na binili ay sub-standard upang makamura.
Imbes na maawa ang ilang kapitbahay ay pinagtawanan pa nila ang itong si Aling Dolores.
“Mabuti lang iyan sa kaniya dahil ubod ng yabang! Ngayon ay wala siyang matutuluyan dahil talagang gumuho ang bahay niya!” saad ng isang kapitbahay.
Habang patuloy sa pagtangis si Aling Dolores ay nilapitan siya ni Aling Elena.
“Doon ka na muna sa bahay namin, Dolores, habang wala ka pang matutuluyan at hindi pa naaayos ang bahay mo. Pagpasensyahan mo na lang dahil hindi bato ang bahay namin at maliit lang,” saad naman ni Elena.
“Sa kabila ng lahat ng nagawa ko sa iyo ay heto ka at ginagawan ako ng mabuti. Siguro ay paraan na rin ito ng Diyos upang matuto akong magpakumbaba sa aking kapwa. Patawad, Elena, sa lahat ng nagawa ko. Maling-mali ako,” umiiyak na wika ni Aling Dolores.
“Hindi pa naman huli ang lahat, Dolores. Maaari ka pang magbago. Nais mo ba ’yung ganito, mas masaya pa ang mga kapitbahay natin dahil may nangyaring masama sa iyo? Kaya hindi pa huli ang lahat para itama mo ang lahat ng nagawa mo, Dolores. Narito lang ako bilang isang kaibigan” saad naman ni Aling Elena.
Pilit na nagbago itong si Aling Dolores dahil ayaw na niyang mangyari ito muli sa kaniya. Ipinagpapasalamat niya ang kabutihan ni Aling Elena dahil pansamantala ay may matutuluyan siya habang ipinapaayos muli ang simple niyang tahanan.
Natuto si Aling Dolores mula sa trahedyang ito. Ngayon ay mas mapagkumbaba na siya at marunong nang makibagay sa kaniyang mga kapitbahay.