
Nagpanggap na Mascot ang Isang Ama Upang Huwag Lang Matakot ang Kaniyang Anak sa Kaniya; Makilala Kaya Siya Nito?
Pigil ang mga luhang pumasok si Andrew sa silid ospital ng kaniyang siyam na taong gulang na anak. Nang makita siya’y agad itong tumalikod at nagtago sa kumot. Pakiramdam ni Andrew ay parang nadurog ang kaniyang puso at animo’y inasinan ito sa sobrang hapdi.
“Paula, gusto mo bang bilhan ka ni papa ng paborito mong pagkain,” aniya.
Pigil ang pagpiyok ng boses sa pinipigilang iyak. Ngunit hindi man lang umiimik si Paula, nanatili itong nakatalukbong ng kumot at hindi nagsasalita. Gustong humagulhol ni Andrew at sisihin ang sarili sa nangyari sa anak.
Nasa trabaho siya nang mangyari ang aksidenteng nangyari kay Paula. May tumawag na lamang sa kaniya at ibinalitang napagsamantalahan ang kaniyang anak ng lalaking lasing, umiiyak si Paula nang makita ng aleng tumulong rito at puno ng dumi at galos ang katawan.
Ayon sa doktor ay wala namang bakas na nag*hasa ang anak, mabuti na lang at may taong nakakita at nailigtas ito sa malalang kapahamakan. Bukod sa natamo nitong pilay at mga galos ay na-trauma si Paula sa nangyari.
Natakot ito sa mga lalaki, pati na rin sa kaniya. Ayaw nitong makita siya at tila nanginginig kapag nakakakita ng lalaki— maliban sa doktor. At hindi niya maaaring sisisihin ang anak. Hindi niya pwedeng isisi sa anak ang nangyaring masama rito. Kung pwede lamang ay gusto niyang tuldukan ang buhay ng lalaking gumawa noon sa kaniyang anak.
Dalawang linggo ang nakalipas at nagpasya na si Andrew na ilabas ang anak sa ospital, dahil kahit papaano’y nagiging maayos na ang lagay nito ayon sa mga doktor na tumitingin rito. Nakikipag-usap na ito kahit papaano sa mga doktor, ngunit hindi sa mga lalaking hindi nakadamit pang-doktor.
Tahimik na naghihintay sa may sulok si Paula ng may pumasok na isang mascot, at masigla siyang binati at niyakap. Ang malungkot na batang si Paula ay masiglang ngumiti at niyakap ang malaking mascot na kamuha ni Winnie the Pooh.
“Hi, Paula, kumusta ka na rito?” bati ng mascot.
“A-ayos naman po,” mahinang sagot ng bata.
“Gusto mo bang umuwi na tayo sa bahay niyo?” muling tanong ng mascot.
“S-sasamahan mo ako?” nauutal nitong balik tanong.
Imbes na sumagot pa’y inilahad ng malaking mascot ang kaniyang kamay, nag-aaya na kaniyang hawakan.
“Tara na, Paula, ihahatid na kita pauwi sa bahay ninyo,” masiglang wika ng mascot.
Matamis na ngumiti ang batang babae saka tumango.
Sa araw-araw ay naging kasa-kasama ni Paula ang masiglang mascot dahilan upang kahit papaano’y bumalik ang sigla nito. Nagiging panatag ang loob nito sa tuwing nakikita at nakakasama ang mascot na nagbibigay rito ng saya. Hinahanap-hanap ni Paula ang mascot kahit saan man ito magpunta.
Mahimbing na natutulog si Andrew nang marinig ang malakas na sigaw ni Paula. Ngali-ngali siyang bumalikwas ng bangon at natatarantang isinuot ang malaking mascot upang takpan ang tunay na katauhan sa anak. Iyon lamang ang tanging paraan upang lapitan at maging kumportable ito sa kaniya.
“Paula!”
Hinihingal na tawag ni Andrew sa anak na takit na takot at pawis na pawis. Ano bang nangyari rito? Nanaginip ba ito nang masama? Hirap na hirap siyang pumasok sa loob ng silid nito upang yakapin ang anak na nanginginig sa takot.
“Papa,” tawag ni Paula.
Hindi nakaimik si Andrew sa sinambit ng anak.
“Ikaw iyan ‘di ba, papa?” muling tanong nito. “Alam kong ikaw ‘yan, papa, ‘di ba?”
Hindi makapagsalita si Andrew. Natatakot siyang baka matakot ito sa kaniya kapag nalamang siya ang nasa loob ng masiglang mascot na iyon. Baka lumayo ang anak at baka gaya ng dati’y hindi siya pansinin nito.
“Papa, napanaginipan ko na naman po ‘yong mamá, napanaginipan ko po ‘yong ginawa niya sa’kin,” humihikbing sumbong ni Paula. “Papa,” humahagulhol nitong iyak. “Huwag niyo po ako iiwan ah. Natatakot ako papa, baka balikan niya ako,” tangis nito.
Habang nagsusumbong ang anak ay halata sa boses nito ang labis na takot at panginginig ng kalamnan. Nababakas rin sa mukha nito ang pagkataranta at labis na traumang naranasan.
“N-nandito lang ang papa, anak,” aniya.
Hindi malaman kung hahawakan ang anak o hindi.
“Hindi kita iiwanan, anak. Hindi na ulit papayag si papa na may mangyari sa’yong masama. Patawarin mo si papa, Paula kung ‘di kita nagawang protektahan sa dem*nyong gumawa sa’yo nito. Patawarin mo si papa, anak,” umiiyak na ring wika ni Andrew saka niyakap ang anak.
Humahagulhol ito sa yakap niya. Ramdam na ramdam niya ang takot nito at wala siyang ibang magawa kung ‘di ang yakapin at payapain ang loob ni Paula. Nang tanggalin nito ang nakaharang sa kaniyang mukha at nang makita mismo nito ang kaniyang anyo ay matamis itong ngumiti.
“Simula pa lang ay alam kong ikaw na iyan, papa,” amin nito. “Salamat po papa, at hindi niyo ako pinabayaan at sinukuan. Mahal na mahal po kita. Salamat at hindi niyo ako iniwan,” anito saka muli siyang niyakap nang mahigpit.
“Kahit kailan anak ay hindi ka iiwan ni papa, dahil mahal na mahal kita,” ani Andrew.
Ngumiti si Paula saka muling niyakap ang ama. Salamat sa Diyos at hindi na ito natatakot sa kaniya ngayon, salamat at hindi na niya kailangang magpanggap para maging iba, dahil hindi na ito natatakot sa kaniya.
Nananalig siyang tuluyan ding gagaling ang sugat sa puso ng kaniyang anak na bunga ng mapait na nakaraan.

Nagsasawa na Siya sa Drama ng Kaibigan Tungkol sa Walang Kwenta Nitong Nobyo; Sundin na Kaya Nito ang Payo Niyang Halos Isang Daang Beses na Niyang Nasabi?
