Inday TrendingInday Trending
Nagsasawa na Siya sa Drama ng Kaibigan Tungkol sa Walang Kwenta Nitong Nobyo; Sundin na Kaya Nito ang Payo Niyang Halos Isang Daang Beses na Niyang Nasabi?

Nagsasawa na Siya sa Drama ng Kaibigan Tungkol sa Walang Kwenta Nitong Nobyo; Sundin na Kaya Nito ang Payo Niyang Halos Isang Daang Beses na Niyang Nasabi?

Tunog ng kaniyang selpon ang nagpabalikwas ng bangon kay Belle. Ngali-ngali niya itong kinuha upang sana’y pahintuin ang alarm… agad siyang napaisip. Alarm na nga ba ang dahilan kaya nag-iingay ang kaniyang selpon? Umaga na ba? Bakit pakiramdam niya’y kapipikit lamang ng kaniyang mga mata?

Kaysa maguluhan pa’y pinili ni Belle na kunin ang selpon upang tingnan kung ano ba talaga ang totoo. Hindi naman pala iyon tunog ng alarm kung ‘di tumunog dahil may tumatawag sa kaniya.

“Hello,” aniya sa kabilang linya.

“Belle?” sagot ng kabilang linya. “Salamat naman at gising ka pa,” anito.

Halata ang pamamalat ng boses na animo’y kagagaling sa grabeng pag-iyak. Hindi pa man nagpapakilala’y kilala na niya kung sino ang babaeng tila umiiyak sa kabilang linya. Ito ang matalik niyang kaibigan na si Kimberly o mas tinatawag niya sa pangalang Kim, para mas madaling sambitin.

“Belle, pwede ba akong pumunta sa bahay mo ngayon?” humihikbing wika nito. “Nag-away na naman kasi kami ni Bj, as usual wala namang bago at pakiramdam ko, Belle, nagsasawa na ako sa ugali niya. Ayoko na sa kaniya. Gusto ko nang makipaghiwalay,” dugtong nito saka sinundan ng malakas na hagulhol.

Tama ito… gaya ng dati, dahil wala naman parating bago. Hindi napigilan ni Belle ang maglabas nang malalim na buntong hininga sa sinabi ng kaibigan. Gusto niyang paniwalaan ang sinabi nito, pero malabo kasing kayanin ng kaibigan ang sinasabi. Gano’n niya ito kakilala.

Para kasing ang nobyo na nito ang buhay ng kaibigan, pakiramdam niya’y mamat*y si Kim kapag nawala sa buhay nito ang nobyo. Para itong hangin na hinihinga ni Kim.

“Pumunta ka na lang dito sa bahay,” aniya.

Walang pang isang oras ay nasa bahay na nga niya ang kaibigan. Iyak ito nang iyak habang kinukwento ang nangyaring away ng dalawa.

“Hindi na raw niya ako mahal, Belle. Ang sabi pa niya’y walang dahilan para habol-habulin niya ako, hindi naman daw ako maganda at seksi. Bahala na raw ako sa buhay ko,” tangis nito.

Hindi napigilan ni Belle na paikutin ang mga mata sa sinabi ni Kim. Sa tagal nilang magkaibigan at sa walong taong relasyon nito sa nobyo ay parang pang-isandaan mahigit na nitong kinuwento sa kaniya ang kawalanghiyaan ng nobyo.

“Makakarma rin siya sa’kin! Ipapakita ko sa kaniya ang babaeng binabasura’t binabalewala lang niya!” patuloy pa nito.

Marahas siyang naglabas ng malalim na hininga saka inisang lagok ang isang basong tubig, bago nagsalita.

“Gawin mo na kasi ‘yang mga sinasabi mo, hindi iyong puro ka lang salita, pero wala ka namang pinapatunayan. Kaya namumuro ‘yang nobyo mong insultuhin at saktan ka kasi ang rupok mo pagdating sa kaniya,” aniya.

“Gagawin ko na iyon simula ngayon, Belle,” anito.

“Sana nga mangyari na. Malamang-lamang niyan, bukas okay na naman kayo. Lahat ng sinasabi mo ngayon, kakainin mo na naman ‘yan at lahat ng karma na ibinabato mo kay Bj, sasaluhin mo na naman lahat at muli… magpapakatanga ka na naman at sasabihin na ‘laban para sa pag-ibig’,” ani Belle.

Minsan ay nakakasawa na ring makinig sa lahat ng reklamo nito, pero hindi naman niya magawang itaboy at hayaan na lang itong mag-isang umiyak. Kahit nagagalit siya dahil sa paulit-ulit nitong drama, nandoon pa rin ang puso niya na handang unawain ang kaibigan, ang kaniyang tainga na handang makinig sa drama nito, dahil alam niyang siya ang balikat na maiiyakan ng kaibigan.

“Sorry kung nakakasawa na ang ka-dramahan ko sa buhay, Belle. Alam kong nabuburyong ka na sa’kin, pero nand’yan ka pa rin at handang makinig sa lahat ng drama ko sa lintik na buhay pag-ibig ko. Maraming salamat talaga,” anito saka tumayo upang yakapin siya.

Upang payapain ang loob ay bahagya niyang tinapik ang likod nito.

“Sa totoo lang, madalas ay hindi ko maunawaan ang pagmamahal mo para d’yan sa nobyo mong walang kwenta. Pero wala e… kaibigan mo ako at alam kong sa ganitong sitwasyon mas kailangan mo ako higit kanino man,” aniya saka muling tinapik sa balikat ang kaibigan.

“Mahal ko kasi siya, Belle, kaya ang hirap bumitaw. Gano’n talaga siguro kapag nagmamahal, nagpapakatanga,” nakangiti na nitong wika.

Ngumiti na rin siya saka mahina itong binatukan.

“Hay naku! Kailan mo kaya bibitawan iyang batong pinupukpok mo ngayon sa ulo mo, para matauhan ka na sa relasyon niyong toxic,” birong totoo niya.

“Ewan ko ba?” anito saka humalakhak.

Sa mga oras na iyon, alam niyang handa na naman itong magpakatanga at lumaban sa pagmamahal nito para sa nobyo at kahit mainis man siya’y wala siyang magagawa sa desisyon nito. Pagtapos umiyak at mag-drama— laban ulit.

Gano’n nga siguro kapag nagmamahal. Bukod sa nagiging bulag ka’y nagiging manhid na sa lahat. Basta para kay Belle, ang mahalaga’y alam niyang naroon lamang siya palagi para sa kaibigan. Dalangin lamang niya’y dumating na ang araw na tuluyan na itong matauhan.

Advertisement