
Sa Galit ng Panganay na Anak ay Nilayasan Niya ang Kaniyang Ina at Umuwi sa Kaniyang Ama; Tama Kaya ang Naging Desisyon Niya?
“Carlo, anak, ano iyong sinasabi ng teacher mo na hindi ka raw pumapasok sa eskwelahan niyo?” ani Berna.
Kagagaling lamang niya sa eskwelahan ng anak dahil pinatawag siya ng guro nito upang sabihin sa kaniya ang nangyayari kay Carlo.
Nalaman niyang magtatatlong linggo na pala itong hindi pumapasok sa klase at marami nang activities ang nalampasan nito dahil sa kaka-absent, na pinagtatakhan niya dahil araw-araw naman itong umaalis sa bahay nila na nakasuot ng uniporme. Ang akala niya’y nag-aaral ito nang maigi, iyon naman pala’y naglalakwatsa lamang!
“Bakit hindi ka pumapasok sa klase mo? Bakit mo sinasayang ang pinanggagastos ko para lang makapag-aral ka?”
Imbes na sagutin ay padabog na bumaba si Carlo sa hagdanan at dere-deretso sa kusina.
“Kung gusto mong mag-aral, ma, bakit hindi na lang ikaw ang mag-aral? Ayoko nang mag-aral, napapagod na ako sa mga gawain sa eskwelahan at hindi ako masaya sa pagpasok sa klase!” singhal ni Carlo.
“Napapagod ka?” aniya. Hindi makapaniwala sa sinabi ng anak. “Hindi ka masaya? At kailan pa naging playground ang eskwelahan para kailangan mong maging masaya, Carlo?!”
Lalong nagdabog si Carlo kaya hindi na napigilan ni Berna ang pagtaas ng kaniyang dugo sa inaakto nito. Ito pa ngayon ang galit sa kaniya? Aba!
Akmang tatalikuran na siya ni Carlo at lalabas ng bahay nang hablutin niya ito nang malakas dahilan upang mapunit ang damit ng anak. Nagalit ito sa kaniya at sininghalan siya nang malakas, dahilan upang mas lalong lumala ang galit niya sa anak.
“Ang bastos-bastos mo ah!” gigil niyang wika. “Ano ba ang ipinagmamalaki mo sa’kin, Carlo? Nakakalimutan mo yatang nanay mo ako at anak lang kita! Wala ka nang respeto sa’kin ah. Matigas na ang mga buto-buto mo sa katawan kaya ganyan ka nang umakto sa’kin?!” inis niyang singhal.
Hindi sumagot si Carlo, nanatili itong tahimik at matalim ang tinging ibinigay sa kaniya. Sa inis ay hindi niya napigilang sampalin ang anak, na agad rin niyang pinagsisihan pagkatapos.
“Ayoko sa’yo! Mas gusto ko kay Papa Melvin! Ayoko sa’yo, sana hindi na lang ikaw ang naging nanay ko!” umiiyak at galit na sigaw sa kaniya ni Carlo.
Hindi na napigilan ni Berna ang pagtulo ng luha at ang hikbing kanina pa niya pinipigilan. Saan siya nagkamali bilang isang ina sa kaniyang mga anak? Lahat naman ng ikabubuti ng mga ito’y kaniyang ginawa.
“Sige! Kung ayaw mo sa’kin ay doon ka pumunta sa tatay mong walang kwenta!” inis na rin na singhal ni Berna sa anak.
“Talaga! Ayoko sa’yo!” ani Carlo saka umakyat sa kaniyang silid at nag-empake.
Masakit para kay Berna ang pag-alis ni Carlo, pero ayaw niyang pigilan ang desisyon ng anak. Simula noong naghiwalay sila ng kaniyang asawang si Melvin ay sa kaniya naiwan ang tatlo nilang anak na si Carlo, Carla at Carmen.
Siya na halos ang nagpalaki sa mga anak dahil mula noong naghiwalay sila ni Melvin ay hindi naman ito nagbibigay ng suporta. Kahit hingan niya ito’y lagi lamang sinasabi na kapag ‘di na niya kaya ay ibigay na lamang niya rito ang mga anak.
Ang kaso’y magkam@tayan na lahat-lahat ay hindi niya ibibigay ang mga anak niya sa walang kwentang asawa na sugarol at lasinggero.
Kung doon mas gusto ni Carlo ay wala siyang magagawa kung ‘di ang hayaan ito sa naging desisyon. Baka nga kasuklam-suklam siya bilang isang ina, kaya nagrerebelde ito at nilulustay lamang ang perang inilalaan niya para sana sa magandang kinabukasan nila.
Wala naman siyang problema kina Carla at Carmen, kay Carlo lamang talaga sumasakit ang kaniyang ulo.
Naghahapunan silang magpapamilya nang may kumakatok sa labad ng pintuan. Agad namang tumayo si Carmen, upang pagbuksan ang ang taong nasa labas.
“Kuya Carlo?” mahinang sambit ni Carmen sa pangalan ng kapatid.
Agad namang tumayo si Berna upang tingnan kung sino ang nasa labas. Mangiyak-ngiyak na tiningnan niya ang anak na sobrang laki ng pinayat.
“Ma,” umiiyak na sambit ni Carlo. “Patawarin niyo po ako, ma.”
Hindi na nagawang magsalita ni Berna, basta na lang siyang humakbang at niyakap ang panganay na anak.
“Sorry ma, sorry po talaga. Sana mapatawad niyo pa rin ako’t matanggap ulit,” tangis nito.
Tango na lamang siya nang tango dahil sa emosyong namayani sa kaniyang puso. Ang dami niyang nais sabihin sa anak, ang dami niyang nais ipaliwanag at gusto niyang magpasalamat dahil sa pagbalik nito, pero hindi niya magawa.
Masaya siya… Sobrang saya niya.
Habang kumakain ay nagkwento si Carlo sa mga ginawa ng ama nito sa kaniya. Ginawa raw siyang katulong ng ama at taga-silbi, kapag umangal siya’y pinaparusahan siya nito at hindi pinapakain, dahilan upang bumagsak ang katawan nito.
Nakabuti rin kahit papaano ang ginawa niyang pagpapalaya sa desisyon ng kaniyang anak, dahil napagtanto nito kung gaano niya kamahal ang mga ito at gagawin niya ang lahat para sa ikakabuti ng kaniyang mga anak.