“Good morning, madam!” masiglang bati ni Jason sa katiwalang babae ng kaniyang amo na si Rose.
“Magandang umaga rin, Jason,” balik bati nito.
Abala ito sa mga binabasang kontrata kaya hindi na lamang niya inistorbo ang babae at nagsimula nang humakbang patungo sa kaniyang locker nang biglang magsalita si Rose na kaniyang natitiyak na siya ang kinakausap kahit na siya’y nakatalikod sa gawi nito.
Ang kaninang payapang damdamin ay biglang kinabahan dahil sa boses ni Rose. Galit ba ito sa ginawa niya?
“Oh! May kasama ka pala?” anito.
Lumingon siya upang pormal itong sagutin kung sino ang kaniyang kasama ngayon sa trabaho. Nais niyang makita ang reaksyon ni Rose at bukod pa roon ay nais niyang pakiramdaman kung galit ba ito o sadyang gano’n lang talaga ang nagiging reaksyon nito kapag may bagong nakikita. Kalmado lang naman ang boses nito, hindi naman tono ng nagagalit, kung ‘di mas katunog nito ang boses na namamangha at natutuwa.
Si Jason ay nagtatrabaho bilang salesboy sa online paninda ng kaniyang amo. At ang katiwala naman nitong si Rose ang manager nila at siyang nag-che-check sa sa lahat ng produktong inilalabas mula sa bodega at mismong mga produkto na ibibigay sa kustomer.
“Oo nga po, Ate Rose, isinama ko na si Bonjing rito. Nakakaawa kasing iwanan sa bahay,” panimula niyang paliwanag. “Wala kasing mag-aalaga’t magpapakain,” aniya Jason, halata sa boses ay bahagyang takot, saka niyuko ang maliit na nilalang na karga-karga.
Tumayo si Rose saka saglit na nilaro ang tahimik na aso at nang naging kumportable ay kinuha nito ang aso sa braso ni Jayson at masayang kinarga ang asong tila nahihiya sa bagong kakilala.
“Uy, bakit ka nandito? Magta-trabaho ka rin ba rito?” kausap nito sa asong si Bonjing.
Nakangiting tinitigan ni Jason ang alagang karga ngayon ni Ate Rose. Isipin na ng iba ang nais nilang isipin pero para na talaga niyang anak ang asong si Bonjing at wala siyang pakialam kung iniisip ng ibang weirdo siya o ano…
Anak ang turing niya kay Bonjing at siya ang tumatayong magulang nito kaya obligasyon niyang isipin ang ikabubuti ni Bonjing kahit na ba sabihing isang hamak na aso lamang ang ginawa niyang anak-anakan.
“Pasensya na po kayo, Ate Rose, kung kinakailangan ko pang dalhin dito sa trabaho si Bonjing, umuwi kasi ang nanay ko sa Montalban, kaya walang mapag-iiwanan si Bonjing, at walang magpapakain sa kaniya. Kaya naisip ko na kaysa magutom siya sa bahay, mas minabuti kong dalhin na lamang siya rito. Mas alam ko na maaalagaan ko siya, kaya kasama ko siya rito sa trabaho. Nag-usap naman kami na ‘di siya magpapasaway,” ani Jayson saka matamis na ngumiti.
Hindi niya nakakausap ang alagang aso, pero ramdam niyang nakakaintindi ito sa lahat ng sinasabi niya. Gaya na lamang ngayon na sobrang bait at tahimik nito sa bisig ni Ate Rose.
“Parang anak na talaga ang turing mo sa asong ito ah,” humahangang sambit ni Ate Rose.
Marahang tumango si Jayson saka matamis na ngumiti. “Hindi naman po kasi sila mahirap mahalin. Kahit aso lamang po si Bonjing, siya po ang nagpapasaya sa’kin,” aniya saka magiliw na tinitigan ang alagang aso. “Sa t’wing nalulungkot ako’y siya ang nag-aalis ng kungkot ko, kaya nga mahal na mahal ko itong si Bonjing,” aniya saka kinuha sa bisig nito ang asong alaga.
“Hindi ba’t magpapakabait ikaw, Bonjing?” kausap ni Jayson sa aso.
Tila naintindihan naman nito ang kaniyang sinabi dahil yumuko ito saka itinago ang mukha. Kaya natawa na lamang silang dalawa ni Rose sa nasaksihan. Parang batang maliit lamang din si Bonjing, may kakayahan kasi itong magbigay saya sa iba, lalo na sa kaniya.
Tumango si Rose upang sang-ayunan ang sinabi ni Jayson.
“Kung gusto mo naman, Jayson, dito na lang muna sa’kin si Bonjing, ibibigay ko na lang sa’yo kapag may gagawin na ako,” presenta ni Rose sa pag-aalaga.
“Sige po. Salamat, Ate Rose,” aniya.
Gaya ng inaasahan ni Jayson ay hindi naman nagpasaway si Bonjing, nasa gilid lamang ito na tila naiintindihang abala siya’t maraming ginagawa kaya hindi ito nagpapasaway. Dahilan upang ang lahat ng kasama niya’y nagustuhan ang mabait na aso.
Alam ni Jayson na isang ka-weirduhan para sa iba ang magmahal ng isang hayop, pero hindi mahirap mahalin ang mga alagang hayop dahil kahit wala man silang kakayahang makipag-usap sa’yo, ramdam mong naiintindihan ka nila.
Iyon ang dahilan kaya mahal na mahal ni Jayson si Bonjing… pati ng mga kasama niya sa trabaho ay napamahal na rin sa alaga niyang aso.