Inday TrendingInday Trending
Hindi Nagustuhan ng Isang Estudyante ang Sinabi ng Guro Kaya Malutong Niya Itong Minura; Gaganti Kaya ang Guro sa Pamamagitan ng Grado?

Hindi Nagustuhan ng Isang Estudyante ang Sinabi ng Guro Kaya Malutong Niya Itong Minura; Gaganti Kaya ang Guro sa Pamamagitan ng Grado?

“Good morning class,” masiglang bati ni Sir Joseph sa kaniyang mga estudyante.

“Good morning din po sir,” ganting bati naman ng kaniyang mga estudyante.

“Okay class, dahil huwebes ngayon kaya mayroon tayong oral recitation. Ang tanong, handa na ba kayo?” nakangiting kausap ni Sir Joseph sa kaniyang mga estudyante.

Halata naman sa mukha ng mga estudyanteng hindi pa sila handa sa sinasabi ng guro na oral recitation dahil ang iba’y natataranta at medyo kinakabahan na baka sakaling malasin at sila ang unang matatawag.

Ngunit labis na kinabigla ni Sir Joseph ang hindi inaasahang malutong na murang kaniyang matatanggap mula sa babaeng estudyante na hindi niya alam kung napansin ba nitong napalakas ang sinabi nito at umabot iyon sa tainga ng lahat ng nandoon sa loob ng silid-aralan.

“Excuse me, Miss Marcelo? Ano’ng sinabi mo?” aniya.

Pilit pinapakalma ang sariling damdamin. Sa tanang buhay niya bilang isang guro’y ngayon pa lang niya naranasan mamura ng isang estudyante. Hindi naman siya sensitibong tao— tao rin naman siya at gaya ni Miss Marcelo ay nakakapagmura rin siya, depende sa sitwasyon.

Kapag mga kaibigan niya ang kaniyang mga kasama’y malamang hindi maiiwasan ang murahan, dahil doon sumasaya ang usapan ng magkakaibigan, hindi maiiwasang makakabanggit ng mura. Ngunit kapag ganitong nasa eskwelahan siya at mga kapwa guro o mas mataas pa sa posisyon ang kaniyang kaharap ay magalang siyang kausap, kahit sa mga estudyante niya’y ni minsan ay hindi pa siya nagmura.

Kaya nakakataas ng presyon at masakit sa damdamin ang makarinig nang malutong na mura sa estudyante mo.

“Po? Aah, w-wala naman po sir,” anang estudyante.

“Narinig kita, malinaw na malinaw ang sinabi mo, matapos kong i-anunsyo ang oral recitation. May galit ka ba sa’kin, Miss Marcelo?” aniya.

Nais lamang niyang linawin ang dahilan nito. Kung napamura ba ito dahil sa tensyon o dahil galit ito sa kaniya.

“W-wala po sir, sorry po,” anito.

“Hindi ko pinapayagan ang pagmumura dito sa klase ko, class. Hindi ako santo, pero hindi naman tama na sa oras ng klase ko ay nagmumurahan tayo. Para niyo na ring minura ang mga magulang niyo kapag minumura niyo kami. Sensitibo rin ang pakiramdam namin at hindi magaan sa pakiramdam na makakarinig ka ng mura na kahit hindi aminin ay sa’yo tinutukoy,” seryosong sermon ni Sir Joseph sa lahat.

Nakayuko ang lahat at walang sinuman ang nais komontra sa nais niyang sabihin.

“Aminin niyo, bukod sa’kin, sino pa ang nakarinig sa malutong na pagmumura ni Miss Marcelo?” tanong niya.

At tama nga ang kaniyang hinala dahil halos lahat ng kaniyang estudyante’y nagtaas ng kamay. Hindi siya praning at sensitibo… totoong narinig niya ang malutong na mura nito.

Hindi madali sa isang guro ang magturo at bukod pa roon ay puyat pa silang kumpyutin ang mga grado ng kanilang estudyante, ayos lang sana kung limang estudyante lamang ang hawak niya. Nakakapagod ang maging guro, kaya sobrang malaking bagay na para sa kanila ang wikang respeto.

Kaunting respeto lang ang iparamdam sa kanila’y sapat na sapat na upang sumigla ang araw nila at laban ulit sa pagtuturo. Kaya nakakalungkot isipin na may estudyanteng walang pakialam at hindi takot na murahin ang mga guro nila.

Gaya ng mga magulang ay parang magulang mo na rin ang iyong guro. Kung madali lang sa’yong murahin ang iyong guro, malamang napakadali lang din siguro para rito ang murahin nito ang sariling magulang.

“Okay class, bukas na lamang tayo magklase. Good bye and God bless,” paalam ni Sir Joseph.

Hindi nakaimik ang mga estudyenteng nag-unahang lingunin ang mangiyak-ngiyak na si Janna Marcelo. Kaysa pagalitan ang dalaga’y mas pinili na lamang ni Sir Joseph na umiwas at huwag na munang magturo, may bukas pa naman.

Ayaw lamang niyang magturo na masama ang loob. Ayaw naman niyang personalin ang dalaga at bigyan ito ng bagsak na grado dahil sa ginawa kaya siya na lamang ang iiwas at magpapalamig. Higit na mas matanda siya rito, kaya siya ang uunawa. Kagaya ng mga magulang, kahit minsan hindi na nila naiintindihan ang mga anak nila’y pilit nila itong inuunawa, dahil anak nila ito at mahal nila ito kahit na masakit sa puso at ulo.

Gano’n rin si Sir Joseph sa kaniyang mga estudyante. Mahal niya ang mga ito at alam niyang nagsusumikap ang mga itong makakuha ng mataas na score, kaya wala siyang karapatan na personalin ang inis na naramdaman para sa bata. Isang araw lang ang lilipas at ayos na ulit siya.

Pinasok niya ang ganoong propesyon, kaya dapat lang na habaan niya ang kaniyang pasensya sa mga batang kaniyang tinuturuan.

Advertisement