Inday TrendingInday Trending
Panay ang Patawag sa Ale sa Eskwela ng Kaniyang Anak; Salamin Pala ang Makasasagot sa Lahat ng Nararanasan Nilang Mag-ina Ngayon

Panay ang Patawag sa Ale sa Eskwela ng Kaniyang Anak; Salamin Pala ang Makasasagot sa Lahat ng Nararanasan Nilang Mag-ina Ngayon

“Nakakainis talaga! Mukhang kailangan ko na namang mag-half-day nito! Pinapatawag na naman ako ng principal ni Amanda. Ano na naman kayang kalokohan ang ginawa ng anak ko?!” inis na wika ni Sarah sabay natulala na naman ang babae dahil ito na yata ang pangatlong beses na pinatawag siya sa eskwelahan ng kaniyang anak.

“Ganyan talaga ang hirap kapag hindi natin nagagabayan ang mga anak natin. Ang ibig kong sabihin ay kasama talaga ‘yan sa mga pagsubok ng pagiging isang single mother kaya dapat tatagan mo ang loob mo,” sagot naman ni Jenna sa kaniya.

“Alam ko naman ‘yun, simula nung bata pa ay lumaki na siya sa kasambahay at aaminin kong hindi pa yata ako sinuswerte sa katulong! Lahat na lang ay may sabit, ayaw ko mang sabihin pero pakiramdam ko ay malaking impluwensiya ‘yung ugali ng nakakasama ng anak ko,” sagot ni Sarah dito.

“Simula kasi nung nakuha na namin itong bago kong kasambahay ay nagsimula na rin ang sunod-sunod na pagpapatawag sa akin sa eskwela ni Amanda. Iniisip ko ngayon baka tinuturuan ng hindi maganda o ng kung ano-ano ng kasambahay namin! Nagiging mapanakit kasi ‘yung anak ko na hindi ko naman ganoon pinalaki!” balisang dagdag pa nito sa katrabaho.

“Kausapin mo rin ang anak mo, baka may pinagdadaanan o ‘di naman kaya’y inaapi sa eskwela, lalo na ngayon, usong uso ‘yung mga ganon.” sagot muli ng katrabaho niya. Tumango na lamang ang babae para ipakitang sumasang-ayon siya rito kahit nga ay ang totoo ay pinag-iisipan na niyang sisantehin ang bagong nilang kasambahay.

“Amanda, bakit mo naman sinabihan na bobo ‘yung kaklase mo? Tapos tinulak mo pa raw at hindi lang ito ang unang beses na ginawa mo raw iyon. Tinuturuan ba kita ng gano’n?” galit na tanong ni Sarah sa kaniyang anak.

“Hindi ba’t pinag-usapan na natin na ayaw ko ng ganitong palagi kong kailangan umabsent para lang puntahan ka sa eskwela?! Mabuti sana kung may tatay ka na hahalinhin sa akin kaso wala! Anak, kailangan kong magtrabaho para mabuhay tayo, ‘di ba? Sa tingin mo ba makakapagtrabaho ako kapag ganito ka?!” baling muli ng babae. Hindi naman nagsasalita ang bata at nakayuko lamang ito sa kaniya.

“Nung nakaraang buwan, palagi kang naninigaw at napaka-agresibo mo sa mga kaklase mo. Inaaway ka ba nila kaya ka gan’yan? May nang-aaway ba sa’yo sa eskwela na hindi mo masumbong sa akin?” sunod-sunod na tanong niyang muli rito.

“Anak! Ano ba, magsalita ka! Si Ate Ella mo ba, ginagawa ‘yan sa’yo? Ano bang mga natutuhan mo kapag nasa trabaho ako at siya lang ang kasama mo? Malaki ka na, mainit ang ulo ko ngayon, Amanda, baka tamaan ka sa’kin!” nanggigil na hiyaw muli ni Sarah sa bata at kaagad na hinatak ang anak para paluin sana ito sa puwet. Ngunit nagulat siyang hindi man lang gumalaw o natakot si Amanda, bagkos ay yumuko lamang ito at tila hinintay ang palong ibibigay niya.

Huminga nang malalim ang babae at kaagad na umupo sa tabi ng bata.

“Anak, anak, tingnan mo nga si mama, bakit ka gan’yan?” seryoso ngunit nag-aalalang tanong niya rito.

“Kay mama ka ba galit kaya ka nagkakaganiyan?” naluluhang tanong ni Sarah sa anak at mabilis niyang niyakap ang bata. Hindi siya nagsalita hanggang sa naramdaman niyang lumambot si Amanda.

“Akala ko kasi okay lang ‘yun,” bulong ni Amanda sa kaniya. Kaagad naman na tiningnan ni Sarah ang bata at hinintay itong magsalitang muli.

“E kasi kapag nagagalit po kayo kay Ate Ella, palagi niyo po siyang sinasaktan. Palagi niyo siyang sinisigawan dito sa bahay kasi ‘di ba, bobo siya? E ‘yung kaklase ko po kasi ilang beses ko nang sinabi na huwag niyang galawin ‘yung gamit ko e ginawa niya pa rin kaya ginawa ko po ‘yung lagi niyong ginagawa kay Ate Ella, kasi bobo sila,” mabilis na paliwanag ng kaniyang anak.

“Mali ba ‘yun, mommy? Hindi naman ako pasaway sa school e, kaso naiinis ako sa mga kaklase ko! Parang ikaw po kapag naiinis ka kay Ate Ella o dun sa mga dati nating katulong. ‘Di ba lagi mong sinasabi na ayaw mo sa bobo saka sa paulit-ulit, ayaw ko rin sa ganon!” dagdag pa ni Amanda sa kanniya.

Nanlaki ang mata ni Sarah at tila na nanuyo ang kaniyang lalamunan sa kaniyang narinig. Hindi niya inaasahan na sa lahat ng nangyayari ay siya pala ang basehan ng kaniyang anak.

Doon niya napagtanto at nakita ang kaniyang sarili at kung paano niya itrato ang mga taong nasa paligid niya lalo na nga ang kanilang kasambahay. Mabilis din niyang nasagot ang katanungan kung bakit walang tumatagal sa kaniyang katulong. Ngunit ang mas masakit nito ay ang masaksihan niya ang kaniyang anak na ginagawa ang mga bagay na siya rin pala mismo ang may kasalanan.

Kaagad niyang ipinaliwanag ang lahat kay Amanda at kaagad siyang humingi ng tawad dito. Alam niyang hindi sapat ang mga salita na iyon para maintindihan ng kaniyang anak ang tama sa mali o ang masama sa hindi kung hindi rin sa kaniya magmumula ang mga ito.

Simula noon ay nagsimula si Sarah sa kanyang sarili at ang pagbabago niya sa pakikitungo lalo na nga sa kanilang kasambahay. Nariyang hindi na niya ito sinisigawan, dinuduro o pinagsasalitaan nang hindi maganda. Palagi rin niyang binabantayan ang kaniyang mga kilos at mga salita na lalabas sa kaniyang bibig lalo pa nga’t mas nasampal na sa kaniya ang katotohanan na hindi sa eskwelahan unang natututo ang mga bata kung ‘di sa kanilang magulang at kanilang tahanan. Dahil siya ang salamin ng kaniyang anak kaya dapat ay maging maayos siya para sa ikabubuti nito.

Advertisement