
Akala ng Mangisngisda ay Matatapos na ang Kaniyang Problema nang Makakita siya ng Maleta sa Dagat; Swerte pala Talaga ang Dala Nito
Balisang-balisa si Nita habang hinihintay sa bahay ang asawa niyang mangingisda na si Hector. Hindi na kasi niya alam ang gagawin sa anak na may sakit.
Natatanaw pa lang niya ang asawa sa papalapit ng bahay ay sinalubong na niya ito.
“Hector, kanina pa kita hinihintay. Nanggaling na kami sa center ni Ging-ging. Ang sabi sa amin ng doktor doon ay kailangan iyang madala sa mas malaking ospital nang sa gayon ay masuri siya. Mukhang lumulubha na ang kalagayan niya,” nag-aalalang bungad ni Nita sa asawa.
“Hindi maganda ang huli namin ngayon, Nita. Kulang ang kinita namin para mabayaran ang renta sa bangka. Pero huwag kang mag-alala. May awa ang Diyos. Gagawa ako ng paraan para maipasuri natin siya sa bayan,” saad naman ni Hector.
Ngunit ang totoo ay hindi na rin alam pa ni Hector ang kaniyang gagawin. Hindi lang niya masabi sa asawa na halos wala na siyang malapitan na magpapahiram sa kaniya ng pera dahil baon na sila sa utang.
Nang hapong din iyon ay pinuntahan ni Hector ang isang kaibigang mangingisda.
“Pasensiya ka na Hector at wala talaga akong mapapautang sa iyo. Saka mariing bilin din ni misis na huwag na kitang pautangin pa dahil nga ang dami mo pang kulang sa amin. Naaawa ako sa kalagayan ng anak mo pero gipit din kami,” saad ng mangingisda.
Kung kani-kanino na pumunta itong si Hector para magdelihensiya ng pera. Ngunit wala siyang nahiraman.
Kaya kahit kagagaling lang sa laot ay muling sumampa ng bangka itong si Hector upang mangisda.
Habang papunta sa gitna ng dagat ay patuloy ang panalangin ni Hector na sana ay pagpalain siya sa gabing iyon ay makahuli ng marami-raming isda upang kahit paano ay may panggastos ang kaniyang mag-ina.
Ilang oras na ang nakalipas ay wala pa ring huli si Hector. Susuko na sana siya nang matanaw niya ang kung anong bagay na palutang-lutang sa dagat.
Nagsagwan siya patungo rito. Isang maleta pala ang kaniyang nakita. Agad niya itong kinuha at saka nagmadaling bumalik sa pampang at inuwi ang nasabing maleta sa bahay.
Agad naman siyang sinalubong ni Nita.
“Ano ‘yang dala-dala mo, Hector? Saan mo ‘yan nakuha?” pagtataka ng asawa.
“Nakita ko ito sa dagat na palutang-lutang kaya kinuha ko. Baka mamaya ay ito na ang mga sagot sa ating hiling, Nita! May nabalitaan ako noong kabataan ko na may isang mangingisda daw ang humiling sa langit at nakakita ng isang malaking perlas. Nagbago ang kaniyang buhay. Sana naman ay malaking halaga ang laman nito nang sa gayon ay maipagamot na natin si Ging-ging!” saad pa ni Hector.
Dahan-dahan na binuksan ni Hector ang maleta habang nananalangin na ito na ang sagot sa kaniyang mga dasal. Ngunit pagbukas niya nito ay halos mga papel lamang ang laman nito.
Napailing na lamang ang ginoo.
“Papel. Tanging papel lang ang laman ng maletang ito. Bakit nga ba ako naghahangad ng isang milagro, Nita? Hindi ko kailangang iasa sa malentang ito ang buhay ni Ging-ging!” nadidismayang saad pa ni Hector.
“Huwag ka nang malumbay, Hector, may awa ang Diyos. Ipanalangin na lang natin na sa susunod ay dumami na ang huli n’yo ng isda,” saad naman ni Nita.
Hindi makatulog si Hector ng gabing iyon. Nakatingin lamang siya sa malentang nakuha niya sa dagat.
“Siguro ay magandang uri ang maletang iyan dahil hindi man lamang halos nabasa ang mga papel na nasa loob nito. Kung ibebenta ko ‘yan ay baka kahit paano ay makakuha ako ng malaking halaga,” saad pa ng ginoo sa kaniyang sarili.
Ngunit alam ni Hector na hindi tama ang kaniyang gagawin. Malakas kasi ang kutob niyang hinahanap ito ng may-ari.
Dahil nga hindi na makatulog ay muling siniyasat ni Hector ang naturang maleta. Doon ay nakita niya ang isang tarheta.
“Maaaring ang lalaking ito ang may-ari ng maletang ito. Ano kaya ang nangyari at nasa dagat ito?” muling sambit ni Hector.
Kinabukasan, dahil sa inuusig siya ng kaniyang konsensiya at nais rin niyang malaman ang tunay na dahil kung bakit nasa dagat ang maleta ay sinubukan niyang tawagan ang numero na nasa tarheta.
Isang babae ang nakasagot sa kaniya. Nang malaman ng babae na na kay Hector ang maleta ay agad itong gumawa ng paraan upang sila ay magkita.
“Kinuha ko ang unang lipad ng eroplano ngayong araw para lang makarating agad dito. Matagal na naming hinahanap ang maleta na ‘yan! Hindi ko akalain na matatagpuan pa ito!” saad ni Carla, ang babaeng kausap ni Hector sa telepono.
Masayang-masaya ang babae dahil sa pagkakahanap ng naturang maleta. Pag-abot ni Hector ng maleta ay agad na binusisi ni Carla ang laman nito. At masaya siyang ang lahat ng kailangan ay naroon pa.
Nagbigay ng dalawang libong piso ang babae kay Hector bilang pasasalamat.
“Maraming salamat. Hindi mo lang alam kung gaano kahalaga ang mga nasa loob nito. Pasensiya ka na sa maibibigay ko sa iyo. Pagdamutan mo na ito,” saad pa ng babae.
“Maraming salamat po! Hindi n’yo lang alam kung gaano po makakatulong ang perang ito sa pagpapagamot ng anak ko! Maraming maraming salamat po!” wika naman ni Hector.
Nang malaman ng mga taga-roon ang nangyari ay kinakantiyawan pa nila si Hector.
“Kung mahalaga pala ang naroon sa maleta ay higit pa sa dalawang libo ang dapat na ibinigay sa iyo! Dapat ay humingi ka pa ng mas malaki, Hector. Ikaw naman, pagkakataon mo na ‘yon ay pinalagpas mo pa!” saad ng isang mangingisda.
“Ramdam kong may pinagdadaanan din ang babae. Baka nga malaki rin ang kaniyang nagastos makuha lang ang maletang iyon dito sa lugar natin. Masama na ako na kahit paano ay nakatulong ako. Saka malaki na rin ang dalawang libong piso. Ngayon ay madadala ko na ang anak ko sa ospital sa bayan para mapasuri,” saad naman ni Hector.
Naipasuri nga ni Hector at Nita ang kanilang anak sa ospital ngunit kailangan pa rin nila ng pera para tuluyang maipagamot ang anak. Hindi alam ng mag-asawa ang kanilang gagawin kung saan kukuha ng malaking halaga.
Hanggang sa isang araw ay may magandang balita na dumating sa kanila.
“Itutuloy na natin ang gamutan sa inyong, anak. Mayroon pong nag-isponsor sa kaniya,” masayang sambit ng doktor.
Hindi makapaniwala ang mag-asawa.
“Mahabaging Diyos! Sino man po ang gumawa nito para sa anak namin ay pagpalain n’yo pong lalo!” saad pa ni Hector na nangingilid na ang luha sa labis na kaligayahan.
“Sa katunayan po ay narito siya upang kausapin kayo,” dagdag pa ng doktor.
Ikinabigla ni Hector na makitang muli si Carla. Ang babaeng kumuha sa kaniya ng maleta.
“Tanggapin po ninyo ang pasasalamat ng aming buong pamilya sa inyo. Matagal na po kasi kaming dumadaranas ng matinding problema. Ang pagkakahanap niyo po sa maleta ng yumao naming ama ang naging kasagutan. Naroon po ang lahat ng papeles na kailangan namin. Dahil sa inyo ay naibalik namin ang maganda naming pamumuhay. Ang pamilya ko na po ang bahala sa gamutan na gagawin para sa inyong anak. Saka magbibigay rin po kami ng pangkabuhayan nang sa gayon ay hindi lamang nakaasa sa pangingisda ang inyong ikabubuhay. Maraming maraming salamat po, Mang Hector!” walang patid na pagpapasalamat ni Carla.
Napayakap na lang sa isa’t isa ang mag-asawa. Bandang huli kasi ay ang maletang iyon ang naging susi upang makaahon sila sa problema.
“Hindi ko alam kung paanong pasasalamat ang gagawin ko dahil sa kabutihan mo at ng inyong pamilya, Carla. Sa huli ay dininig pa rin ng Panginoon ang aming mga dalangin. Sa wakas ay gagaling na ang anak namin,” sambit naman ni Mang Hector.
Tuluyang nag-iba ang buhay ng mag-anak. Kahit paano ay nakakaluwag-luwag na rin sila dahil sa tulong na natanggap sa binibini.
Ngunit ang labis na ipinagpapasalamat ng mag-asawa ay nadugtungan ang buhay ng kanilang anak na ngayon ay nagpapagaling na lang mula sa matinding karamdaman.