Inday TrendingInday Trending
Tatamad-tamad ang Binata dahil Umaasa Itong Maipetisyon ng Ina Papuntang Amerika; Hindi Niya Akalain ang Mabubunyag na Katotohanan

Tatamad-tamad ang Binata dahil Umaasa Itong Maipetisyon ng Ina Papuntang Amerika; Hindi Niya Akalain ang Mabubunyag na Katotohanan

“Patrick, bumangon ka na riyan at tumulong ka naman sa mga gawaing bahay. Aba’y anong oras na? Ano ba talaga ang balak mo sa buhay mo?” naiinis nang sambit ni Dina sa binatang pamangkin.

“Tita, naman! Kakatulog ko lang po, e. Hayaan n’yo naman akong magpahinga. Kay aga-aga ay binubungangaan n’yo na na naman ako!” naiiritang sagot naman ng binata.

“Ano na naman ba ang ginawa mo buong gabi? Nag video games ka na naman? Puro ka selpon! Inaaksaya mo ang oras mo sa ganiyang bagay! Nakapagtapos ka na ng pag-aaral, hindi ba? Bakit hindi ka pa maghanap ng trabaho? ‘Yung nanay mo nagpapakahirap sa ibang bansa para buhayin ka pagkatapos ay heto ka at tatamad-tamad!” dagdag pa ng tiyahin.

“Si nanay naman po ang nagsabi na huwag na muna akong magtrabaho dahil kukunin niya ako papuntang Amerika! Sinusunod ko lang naman po siya! Saka mabuti na nga ‘yun na kunin na niya ako dahil hindi ko na matagalan pa ang pagbubunganga ninyo sa akin! Daig n’yo pa si nanay!” bulyaw muli ni Patrick.

Mahigit limang taon na simula ng makapunta ang ina ni Patrick na si Pilar sa Amerika. Palagi nitong sinasabihan ang anak na dadalhin niya ito sa Amerika at doon na sila maninirahan. Ang kailan lang nito ay makapagtapos nga ng pag-aaral. Kaya naman itong si Patrick, pagkatapos ngang mag-aral ng kolehiyo ay hindi na kumilos pa. Ni hindi man lang siya nag-abala na humanap ng trabaho. Naging kompansiya na siya at talagang inasa na niya ang kaniyang bukas sa inang nasa ibang bansa.

Ito ang labis na ikinaiinis ni Dina. Sukdulan kasi sa katamaran ng pamangkin. At ubod din ng laki ng ulo dahil nga alam nitong may naghihintay na magandang bukas sa kaniya sa Amerika.

Matapos ang pagtatalong iyon ng magtiyahin ay hindi pa rin nagpatinag itong si Patrick. Hapon na nang siya ay magising.

“Hanga talaga ako sa iyo, Patrick. Daig mo pa ang may katulong sa bahay. Simula ngayon ay ikaw na ang maglalaba ng mga damit mo. Hindi ko na lalabhan iyan. Bahala ka kung wala kang maisuot,” sambit ng tiyahin.

“Bakit naman, tita? Hindi ba sinabi ni nanay na dito ka tumira para maasikaso ako? Hindi ako marunong maglaba ng damit! Gawaing pambabae ‘yan!” tugon naman ni Patrick.

“Kung ayaw mong maglaba ay huwag kang magpalit ng damit. Huwag kang gumamit ng kahit anong damit mo! Ang dami mong oras, Patrick. Bakit hindi mo pag-aralang maglaba? Akala mo ba madali ang buhay sa Amerika? Bukod sa pagtatrabaho ay kailangang marunong ka sa mga gawaing bahay dahil wala kang kasambahay doon! Sino ang pagagawin mo ng mga bagay na iyan? Ang nanay mo? Kung gusto mo talagang makapunta sa Amerika ay magsipag ka!” saad muli ng tiyahin.

Nakasimangot si Patrick na kinuha ang kaniyang mga damit at saka ito nilabhan.

Kinabukasan ay maagang ginising muli ni Dina ang pamangkin.

“Patrick, maligo ka na at mag-almusal. Sasama ka sa akin. Pupuntahan natin ang kumare ko na nagtatrabaho sa munisipyo. May mga bakante daw silang posisyon. Dalhin mo ang bio-data mo at mag-a-apply ka ng trabaho,” saad ni Dina sa pamangkin.

“Ayokong magtrabaho sa munisipyo, Tita Dina! Bakit ba mas magaling pa kayo sa akin? Ang nanay ko nga po ay hindi ako inoobliga na magtrabaho. Bakit ba nagmamagaling ka? Hinihintay ko na lang ang pag-alis ko dahil pangako sa akin ni nanay na pupunta akong Amerika. Ilang buwan na lang ay tiyak akong aalis na ako! Huwag ka ngang makialam sa akin na parang anak mo ako! Sa Amerika ang tungo ko at doon ako magtatrabaho!” pabalang na sagot pa ng binata.

“Idilat mo nga ang mga mata mo, Patrick! Ilang taon ka na ba at ilang taon na ang nakalipas simula ng sabihin ‘yan sa iyo ng nanay mo? May nangyari na ba? Kinamusta mo man lang ba ang nanay mo sa Amerika? Alam mo ba kung ano ang tunay niyang sitwasyon doon? Hindi naman, ‘di ba? Dahil sa tuwing mag-uusap kayo ng nanay mo ay puro ka hingi! Ilegal ang pagpunta ng nanay mo sa Amerika, Patrick! Sa loob ng mahigit limang taon ay nagtatago na siya doon. Paano ka niya makukuha papunta sa ibang bansa kung siya man ay hindi alam kung paano mananatili doon nang legal? Kaya ngayon pa lang ayusin mo na ang buhay mo! Tulungan mo ang nanay mo dahil baka makulong pa siya dahil sa ginawa niya para lang mabigyan ka ng magandang buhay!” hindi na nakatiis pa si Dina at inamin na niyang lahat sa pamangkin.

Hindi naman makapaniwala si Patrick sa kaniyang narinig. Buong akala niya ay makakatungtong siya ng Amerika at doon na sila maninirahan ng ina.

Nais sana ni Patrick na magalit sa kaniyang ina dahil nagsinungaling ito. Ngunit napagtanto niyang nagawa lang ito lahat ng kaniyang nanay dahil sa pag-aasam na mabigyan siya ng magandang kinabukasan kahit buhay pa nito ang nakataya.

Mula nang maliwanagan ang isip ni Patrick ay nagsimula na siyang baguhin ang kaniyang mga gawi. Nag-umpisa siyang maghanap ng trabaho. Madalas na rin siyang tumutulong sa kaniyang tiyahin sa mga gawing bahay. Masaya naman si Dina sa malaking pagbabago ng pamangkin.

“Ang sabi po ni nanay sa akin ay ayaw niyang umuwi dito sa Pilipinas dahil sa kahihiyan. Kaya naisip ko po na kung ayaw niyang umuwi ay ako na lang ang gagawa ng paraan para makapunta sa Amerika. Gagawin ko ang lahat upang doon makapagtrabaho. Magsisikap ako nang sa gayon ay hindi na kailangan pang magtago ni nanay para lang manatili sa Amerika,” saad ni Patrick sa tiyahin.

“Lahat ng bagay ay makakamit mo basta magsipag ka lang, Patrick. Pasasaan pa at magiging ayos din ang lahat. Pasensiya ka na kung sa tingin mo ay lagi kitang pinag-iinitan. Ayaw kasing pasabi sa iyo ng nanay mo ang lahat. Kaya naman nasasaktan ako sa tuwing nakikita ko na tinatamad ka at naghihintay lang sa pangako ng nanay mo,” wika naman ni Dina.

“Nauunawaan po kita, Tita Dina. Wala ka namang hinangad kung hindi makabubuti para sa akin. Dapat nga po ay noon pa ako nakinig sa inyo. Maraming oras na ang nasayang,” dagdag naman ng pamangkin.

Patuloy ang pagsusumikap ni Patrick upang siya naman ang magbigay ng magandang buhay sa ina. Sa pagharap niya sa mga problema ay baon niya ang pag-asang sa huli’y magkakasama rin sila ng kaniyang ina sa Amerika.

Advertisement