
Ikakasal na lang ang Binata’y Naisipan Niya pang “Tumikim” ng Iba; Nagsisi Siya nang Ito ay Biglang Magbunga
Nakabibingi ang matinding sigawan ng mga tao sa paligid ng venue na siyang inupahan ni Jimwel ngayong gabi upang pagdausan ng isang espesyal na event. Iyon ay nang magsimula na siyang lumuhod habang tahimik na tumutugtog ang saliw ng isang kantang tungkol sa pag-ibig.
Napahawak naman sa kaniyang bibig dahil sa gulat ang nobya ni Jimwel na si Gella. Maluha-luha rin ito habang nakatitig sa kaniya.
Tumikhim si Jimwel upang iwasan ang pagbikig ng kung ano sa kaniyang lalamunan. Ayaw niyang maunahan siya ng iyak bago pa niya masabi ang espesiyal na mga katagang iyon…
“Gella, mahal ko,” panimula ni Jimwell. “Will you marry me?” sa wakas ay dugtong niya na agad namang sinagot ni Gella ng isang matamis na oo na siyang lalong nagpalakads sa hiyawan ng mga tao sa kanilang paligid. Ang gabing iyon na yata ang pinakamasaya sa araw ni Jimwell dahil sa wakas ay mapakakasalan na niya ang babaeng pinakamamahal.
“Congrats, pare, a! Grabe, kayo pa rin talaga ni Gella, ano?” Makalipas ang ilang araw ay nagkita-kita silang magbabarkada sa isang bar upang doon ay mag-celebrate.
“Oo nga, pare, e. Nakakatuwang isipin ’di ba, na since college ay magkakilala na kami ni Gella, hanggang ngayon. Napakasaya ko na talaga at hindi na ako makapaghintay na pakasalan siya,” sagot naman ni Jimwell sa kaibigan.
“Pero maiba ako, pare, ngayong ikakasal ka na, hindi ka ba nanghihinayang na wala kang ibang babaeng natikman bukod kay Gella?” animo kaswal lang na usapang ani Gerald sa kaniya, isa sa mga kaibigan niya.
“Sa totoo lang pare, minsan naiisip ko rin ’yan,” pag-amin naman agad ni Jimwell na walanh itinatago saga kaibigan niya. “Ano nga kaya ang pakiramdam, ano?”
“Naku, pare, kung ako sa ’yo ay titikim na ako ng ibang putahe bago pa kayo ikasal. Atleast ngayon, alam nating ‘for experience’ lang ang gagawin mo, hindi ba?”
Dahil sa kakaunting mga pambubuyong iyon ng mga kaibigan ay talagang naengganyo si Jimwell na ituloy ang hindi nila magandang binabalak. Nang gabi ring iyon ay tumawag si Gerald sa isa sa mga kaibigan niyang nagtatrabaho sa club upang umupa ng bayarang babaeng magsisilbing “ibang putahe” ni Jimwell ngayong gabi.
Mabilis namang nakarating agad ang nasabing babae kaya naman sinimulan na nila ang ipinagbabawal na ‘tikiman’ na siyang nagpasiklab sa gabing iyon ng lalaki. Sa madaling sabi ay mayroong nangyari sa kanila nang gabing ’yon na kinaumagahan ay mabilis din namang kinalimutan ni Jimwell.
Naging normal na ulit ang kaniyang buhay matapos iyon. Bukod doon ay nagsimula na rin silang mag-asikaso ni Gella ng tungkol sa kanilang kasal kaya naging napakaabala ni Jimwell sa loob ng ilang linggo.
Lingid sa kaniyang kaalaman, makalipas lamang ang tatlong linggo mula nang may mangyari sa kanila ng bayarang si Badette, ay hindi inaasahang binigo siya ng kaniyang ‘proteksyon’… sapagkat ang isang gabing iyon ng pagkakasala ni Jimwel sa kaniyang nobya ay biglang nagbunga!
“Buntis ako, Jimwell. Hindi ko sinasadya ito, pero nasa sa iyo kung ano ang dapat nating gawin sa bata.” Iyon ang laman ng text message na pinadala sa kaniya ni Badette.
Problemadong-problemado naman noon si Jimwell kaya hindi niya na namalayam na naiwan pala niyang bukas ang kaniyang cellphone habang nakapatong sa kanilang mesa, na siya namang nakita ni Gella!
“Nakabuntis ka ng iba?!” galit na anito sa kaniya. “Ang kapal ng mukha mo!” patuloy pa ring hiyaw nito.
“H-hindi ko naman alam na dahil lang sa isang beses na ’yon ay mabubuntis siya! Hindi ko naman gusto ’yon, e. Sa katunayan ay plano kong ipatanggal na lang ang batang ’yon sa sinapupunan ni Badette!” katuwiran pa ni Jimwel sa nobya ngunit isang malakas na sampal naman ang ibinigay sa kaniya ng babae.
“Ipatanggal? Ano ang tingin n’yo sa bata, sakit na kayang gamutin ng operasyon?!” muling sigaw ni Gella. “Panagutan mo ’yan, Jimwel! Panagutan mo at huwag na ulit tayong magkikita pa!” sabi pa nito bago siya tinalikuran.
Simula noon ay hindi na muling nakita pa ni Jimwel si Gella, dahil ayon sa sabi-sabi ay lumipad na raw ito sa abroad upang makaiwas. Samantalang pagkapanganak na pagkapanganak pa lamang ni Badette sa kanilang anak ay iniwan nito iyon sa kaniya, pagkatapos ay hindi na rin nagpakita.
Ngayon, dahil tuloy sa kaniyang pagtikim ng ibang putahe ay napurnada ang magandang relasyon nilang dalawa ni Gella. Wala na siyang ibang magagawa ngayon kundi ang alagaan ang anak niya sa babaeng hindi naman niya mahal.