
Itinakwil ng Kinagisnang Pamilya ang Lalaki Dahil Mahina raw ang Kaniyang Ulo; Kakainin Pala Nila ang Kanilang mga Pang-iinsulto
“Bagsak ka na naman?!” Napayuko ang binatilyong si Marco dahil sa narinig na isinigaw ng kaniyang amain. “Napakahina talaga ng utak mo, Marco!” dagdag pa nito bago siya binigyan ng isang malakas na batok sa ulo! Dahil doon ay nakaramdam ng labis na kahihiyan si Marco lalo pa at nakatingin sa kanila ang bagong pamilya ng kaniyang amain.
“Sorry po, ’Tay! Patawad po!” umiiyak namang sabi niya.
Tatlong taon makalipas ang pagkawala ng kaniyang ina ay muling nag-asawa ang kaniyang amain at doon nito pinatira ang bagong pamilya nito sa bahay nila ng kaniyang mama. Hindi naman nagreklamo si Marco noon dahil sa pag-aakalang tatratuhin nila siya nang maayos lalo na at maayos naman ang samahan nila ng kaniyang Tatay Darwin… ngunit nagkamali pala siya.
Simula kasi nang maging parte ng buhay niya ang bagong pamilya nito ay nagbago na rin ang pakikitungo nito sa kaniya. Naging malupit ito at halos araw-araw siyang pinagbubuhatan ng kamay, bukod pa sa masasakit na salitang natatamo niya sa mga ito dahil lamang sa pagiging mahina niya sa eskuwela.
Madalas nila siyang tawagin sa kung anu-anong salitang ang ibig sabihin ay mahina ang ulo. Ipinagkakalat din nila ’yon sa kanilang mga kapitbahay, mga kakilala at maging mga kaanak na madalas ay nagpapahiya sa kaniya.
Lahat ng iyon ay tiniis ni Marco, dahil sila lamang ang pamilyang mauuwian niya. Sa tagal kasi ng panahong ganito ang pakikitungo nila sa kaniya ay unti-unti na siyang naniwala na mahina nga ang kaniyang ulo at wala siyang kwentang tao.
“Sorry na naman?! Wala ka nang ibang gustong sabihin kundi sorry! Alam mo, sayang lang ang ginagastos ko sa pagpapaaral sa ’yo, e. Dapat, tumitigil ka na!”
Agad na naalarma si Marco sa sinabi ng amain. “Huwag naman po, ’tay, pakiusap!” Kahit naman kasi mahina ang kaniyang pang-intindi ay pangarap pa rin ni Marco na makatapos ng pag-aaral ’tulad ng kagustuhan ng kaniyang ina.
“Hindi! Tumigil ka na. Wala akong mapapala sa ’yo!” ngunit giit pa rin ng kaniyang Tatay Darwin na siya namang ikinapuno na ni Marco.
“Bakit ba kayo nagrereklamo tungkol sa pagpapaaral sa akin, samantalang nakikitira lang naman kayo sa bahay namin ng nanay ko, a!” hindi sinasadyang saad niya na ikinagulat ng buong pamilya. Dahil doon ay nakatikim siya ng malakas na suntok mula sa kaniyang amain at sa anak na lalaki ng asawa nito. Habang ang asawa naman nito ay sinimulang mag-empake…
“Akala mo aalis kami rito? Sa amin na ang bahay na ’to! Ikaw ang dapat lumayas dahil patapon naman na ang buhay mo!” sabi pa nito sa kaniya sabay bato ng bag na naglalaman ng kaniyang mga damit at gamit. Sapilitan siyang pinalayas ng mga ito at walang nagawa si Marco sa takot na saktan nila siyang muli.
Mabuti na lang at mayroon pang nag-iisang taong handang tumulong sa kaniya, at iyon ay ang kaniyang guro. Ito ang umako sa lahat ng responsibilidad para sa kaniya kahit pa hindi niya ito kadugo. Pinag-aral siya nito, minahal na parang tunay na anak at pinatapos sa pag-aaral kahit pa hindi siya ganoon kagaling sa akademiya.
Ganoon pa man, nakita naman ng kaniyang guro kung gaano siya kadeterminado pagdating sa pagnenegosyo. Nakita nito kung gaano siya kadiskarte sa buhay. Hindi nga siya magaling pagdating sa ibang bagay ngunit umaangat naman siya pagdating sa larangang ’yon, kaya naman binigyan din siya nito ng pagkakataong makapagtayo ng sariling negosyo sa pamamagitan ng pagbibigay nito sa kaniya ng kapital.
Iyon na yata ang pinakamagandang desisyong ginawa ng guro dahil pagkalipas lang ng ilang taon ay halos magbuhay reyna na siya dahil sa patuloy na pag-angat ni Marco sa buhay!
Nasa isang magara at eleganteng restawran noon ang pamilya nina Darwin, nang mamataan nila roon ang isang pamilyar namukha—si Marco! Bumabati ito sa ilang mga kostumer kaya’t hindi sila napansin nito.
“Crew pala si Marco rito?” natawa ang kaniyang asawa at ganoon din naman si Darwin.
“Sabi ko na nga at walang mararating ’yan, e. Mahina talaga ang utak n’yan!” tatawa-tawa namang tugon ni Darwin bago nila napagpasiyahang tawagin si Marco.
“Akin na nga ang bill namin,” nakangising ani Darwin kay Marco na gulat na gulat naman nang makita siya. “Na-promote kasi bilang team leader ang anak namin kaya kami nandito sa magarang restawrang ito. Ikaw, hanggang dito ka na lang talaga, ano? Isang crew,” dagdag na pang-iinsulto pa niya na ikinasinghap ng isa pang crew na kasama nito.
“Naku, sir, nagkakamali po kayo!” biglang sumingit sa usapan ang nasabing crew. “Hindi po crew si Sir Marco rito. Siya po ang may-ari nito at ng iba pang branch ng restawran na ito sa buong Maynila!” bulalas nito na halos ikalaglag naman ng panga ng buong pamilya nina Darwin. Tila kinain nila ang kanilang pang-iinsulto, lalo na nang palabasin sila ng mga guard sa naturang restawran at sinabihang huwag nang babalik pa roon!
Hindi nasusukat sa matataas na grado sa eskuwela ang kinabukasan ng kahit sino. Mali ang manghusga dahil baka sa huli ay pagsisihan natin ito.