Inday TrendingInday Trending
Ipinaampon ng Ama ang Anak sa Isang Mayamang Matandang Dalaga; Hindi Niya Inaasahan ang Karmang Babalik sa Kaniya

Ipinaampon ng Ama ang Anak sa Isang Mayamang Matandang Dalaga; Hindi Niya Inaasahan ang Karmang Babalik sa Kaniya

Walang patid ang pagtulo ng luha mula sa mga mata ni Mang Agustin habang iniaabot kay Ginang Mercedes ang bag na siyang naglalaman ng lahat ng gamit ng kaniyang isang taong gulang na anak na si Bitoy. Dalawang linggo na ang nakalilipas simula nang sumakabilang buhay ang kaniyang asawa nang dahil sa sakit nito sa baga, at hindi niya na alam kung paano pa bubuhayin ang anak niya ngayong nagbabadya siyang mabilanggo nang dahil sa malalaking pagkakautang niya na ginamit niya noon sa pagpapaopera sa asawa. Buhat kasi nang magkasakit ito ay nabaon na sila sa utang.

“Kayo na po sana ang bahala sa anak ko, ma’am. Sana po ay mahalin n’yo siya gaya ng pagmamahal namin ng asawa ko sa kaniya. Salamat po,” umiiyak pang sabi niya sa matanda na agad naman nitong tinanguan.

“Huwag kang mag-alala, Agustin. Sisiguraduhin kong lalaking isang mabuting tao ang anak mo, anuman ang mangyari,” sagot naman nito.

Hinagkan ni Mang Agustin ang natutulog na si Bitoy na ngayon ay nasa bisig na ng ibang tao bilang pamamaalam sa kaniyang nag-iisang kayamanan. Halos mapunit ang kaniyang puso habang unti-unti niyang tinatalikuran ang anak. Pakiramdam niya, kasabay ng pagpapaampon niya rito ay ang pagkawala ng sigla sa kaniyang buhay. Ngayon ay wala na siyang pamilyang maituturing.

Natuloy ang pagkakabilanggo ni Mang Agustin dahil sa kasong Estafa. Dahil doon ay lalo pang naging miserable ang buhay niya! Minsan nga ay gusto na niyang tapusin ang sarili upang hindi na niya maramdaman ang lahat ng ito ngunit patuloy siyang lumaban dahil nangangarap siyang pagdating ng panahon ay muling pagtatagpuin ng tadhana ang landas nila ng kaniyang anak. Iyon ang naging sandigan niya sa mahabang panahon ng kadiliman sa kaniyang buhay.

Pagkalipas ng ilang taong pamamalagi ni Mang Agustin sa likod ng bakal na rehas, sa wakas ay nakalaya rin siya. Isa kasi si Mang Agustin sa nagkamit ng parol dahil sa magandang asal na ipinakita niya sa loob ng preso.

Ngunit nakalaya man ay hindi pa rin doon natatapos ang pagsubok sa buhay ni Mang Agustin. Makalipas lang kasi ang ilang araw mula nang siya’y makalaya ay nalaman niyang mayroon pala siyang sakit, matapos niyang magpa-medical para sa ina-apply-ang trabaho. Ang sabi sa kaniya ng doktor, kung hindi raw maaagapan ’yon ay baka lumala pa’t maging dahilan ng kaniyang pagkawala.

Ngunit saan siya kukuha ng ipampapagamot gayong walang gustong tumanggap sa isang ex-conv*ct na may sakit pang katulad niya? Halos gumuho na naman ang mundo ni Mang Agustin sa mga nangyayari sa kaniya. Iniisip niyang baka ito na ang kaniyang karma dahil sa pang-iiwan niya sa kaniyang anak.

Nang halos mawalan na ng pag-asang mabuhay si Mang Agustin, isang tao ang hindi inaasahang muli siyang babalikan…

Kagigising lang ni Mang Agustin nang umagang ’yon nang makarinig siya ng mga pagkatok sa pintuan ng kubong kaniyang tinutuluyan. ’Yon ang tirahan nila ng kaniyang pamilya noon bago sila magkawatak-watak.

“Ano’ng kailangan nila?” magalang na tanong ni Mang Agustin sa isang makisig na binatang nabungaran niya sa pagbukas niya ng pintuan.

“Kayo po ba si Agustin Lopez?” Tinanguan naman ni Mang Agustin ang nasabing lalaki, ngunit nanlaki ang kaniyang mga mata sa sumunod na sinambit nito…

“Papa, a-ako po ito… si Bitoy,” sabi nito at ganoon na lang ang kaniyang pagkagulat!

“A-anak ko?!”

Hindi na napigilan ni Mang Agustin ang kaniyang damdamin at agad na niyapos ang kaniyang anak na ngayon niya lang muli nakita. Binatang-binata na ito at mukhang maganda ang buhay base sa pananamit nito ngayon. Bahagya nga siyang nakaramdam ng hiya dahil nadikitan ng marumi niyang katawan ang suot nito.

Pinapasok niya ang anak sa kaniyang bahay na agad naman nitong pinaunlakan. Doon ay nagsimula silang mag-usap at magkumustahan.

“Akala ko hindi na darating ang araw na ito, anak ko. Akala ko kinakarma na ako dahil sa nagawa kong pagpapaampon sa ’yo noon,” halos maiyak na sabi ni Mang Agustin sa anak.

“Papa, alam ko pong nagawa n’yo lang ang bagay na ’yon para mapabuti ako. Kung makakarma man kayo ngayon, ‘good karma’ ang tawag doon. Ako po ang good karma n’yo, papa, dahil ngayon ay sisiguraduhin kong babawiin natin ang mga nawalang sandali sa atin,” ang makabagbag damdaming dagdag pa ng kaniyang anak na nagpaluha nang todo kay Mang Agustin dahil sa tuwa.

Hindi sa tagal ng panahong kasama o sa naibigay na bagay nasusukat ang pagiging ama. Kundi sa kung ano ang handa mong isakripisyo para sa ikabubuti ng iyong anak, at iyon ang pinatunayan ni Mang Agustin na ngayon ay hindi na muling mag-iisa pa sa kaniyang buhay.

Advertisement