Inday TrendingInday Trending
Sinigawan ng Babae ang Makulit na Anak ng Kanilang Kapitbahay; Pagsisisihan Niya Iyon Kapag Nalaman ang Dahilan kung Bakit Ito Ganoon

Sinigawan ng Babae ang Makulit na Anak ng Kanilang Kapitbahay; Pagsisisihan Niya Iyon Kapag Nalaman ang Dahilan kung Bakit Ito Ganoon

“Ang mga halaman ko!” Halos mapaiyak sa kunsumisyon si Teodora nang makita ang sinapit ng kaniyang mga inaalagaang halaman nang tamaan ito ng bolang nilalaro ng anak ng kanilang kapitbahay. Mahal pa naman ang mga iyon kaya ingat na ingat siya kaya naman talagang sagad hanggang buto ang inis niya sa bata!

“S-sorry po, Aling Teodora, hindi ko po sinasadya!” nayuyukong hinging paumanhin naman ng batang si Miko sa kaniya.

“Anong sorry? Salbahe ka talagang bata ka, ano?! Sobrang kulit mo kasi kaya ka nakakasira ng gamit!” galit pang sigaw niya rito. “Nasaan ba ang nanay mo at nang mapagsabihan kong huwag kang palabasin, ha?!” dagdag pa niya na agad namang ikinatunghay ng bata.

“Aling Teodora, huwag po, pakiusap! Huwag n’yo po akong isumbong kay mama!” Pinagsalikop pa nito ang kaniyang mga braso habang nakikiusap ito sa kaniya sa namumutla nitong mga labi.

Naawa naman si Aling Teodora bagama’t hindi pa rin nawawala ang inis niya sa bata. Ganoon pa man ay pinaalis na lang niya ito sa kaniyang harapan. Tatakbo namang tumalima si Miko.

“Naku, mare, bakit mo naman sinigawan ang anak na ’yon ni Aling Mariana?” tanong sa kaniya ng isa pa nilang kapitbahay na si Ising.

“E, papaano, sinira itong halaman ko. Alam mo ba kung gaano kamahal itong binili ko, ’tapos ay babatuhin lang ng bola?” napapapalatak pang sagot naman niya.

“E, ganoon talaga ang batang ’yon. Makulit. Parang laging nakalabas sa kural sa tuwing makakatakas sa bahay nila. Sabik kasi sa laro ’yon, e,” paliwanag naman sa kaniya ni Ising. Dahil doon ay napakunot ang noo ni Aling Teodora.

“Ano namang ibig mong sabihin d’yan?” takang tanong niyang muli sa kausap.

“Hindi kasi pinalalabas ’yan ng nanay niya. Kilala mo naman si Aling Mariana, hindi ba? Bukod sa sugalera na’y napakatamad pa! Alam mo bang ini-apply niya bilang helper sa palengke ’yang si Miko? Nasa ikalimang grado pa lang yata ’yan pero pinagtatrabaho na ng ina para lang may pangsuporta sa pangsugal niya!” Nabigla siya sa ibinalita ni Ising. Hindi niya pa halos mapaniwalaan iyon kaya naman malaki ang kaniyang pagdududa.

“Totoo ba ’yang sinasabi mo?” pangungumpirma pa niya.

“Aba, oo! Palagi ko kayang nakikita sa palengke ’yang batang ’yan. Bukod doon, siya rin ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay na dapat ay si Aling Mariana ang nag-aasikaso. Isa pa, may bali-balita ring sinasaktan siya ng ina niya kaya takot na takot ’yang si Miko sa tuwing makakagawa siya ng kasalanan,” pagpapatuloy pa ni Ising na halos magpalaglag naman ng panga ni Aling Teodora.

Ang inis na kanina ay nararamdaman niya ay mabilis na napalitan ng matinding awa para sa bata. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit ito ganoon. Tila hindi kasi ito nabigyan ng pagkakataong mag-enjoy sa kaniyang pagiging buhay bata dahil sa walang kwenta nitong ina. Maaga itong namulat sa responsibilidad ng isang matanda.

Ina rin kasi si Teodora kaya naman tila nakikini-kinita niya ang sitwasyong iyon sa kaniyang mga anak. Dahil doon ay nangilid ang kaniyang luha. Ngayon ay lalo siyang nagtataka kung papaano naaatim ni Aling Mariana na iparanas iyon sa sarili nitong anak!

Hindi pa man lumipas ang isang linggo ay muli na niyang namataan ang batang si Miko na malungkot na nakapangalumbaba sa harap ng kaniyang bahay. Kitang-kita ang malaking pasa nito braso at may hula na si Aling Teodora kung sino ang may gawa n’on!

“Miko, mama mo ba ang may gawa n’yan?” kunot-noong tanong niya sa bata na agad naman nitong tinanguan.

“Ayaw ko na po doon, Aling Teodora. Gusto ko na pong umalis kay mama!” Bigla namang pumalahaw ang bata sa kaniyang harapan!

Nang hindi na matiis ni Aling Teodora ang awa kay Miko ay agad niya itong sinamahang pumunta sa presinto upang ito ay makapagsumbong na sa ginagawa sa kaniya ng sariling ina… at nang araw ding iyon ay nahuli ng pulisya si Aling Mariana na maaga pa man ay lasing na lasing na!

Dahil sa labis na awa ay nagpasiya si Aling Teodora na kupkupin na lamang si Miko. Nangako naman ng suporta sa kaniya ang kanilang barangay maging ang kanilang mayor para sa pagpapalaki sa kawawang bata. Ipinangako ni Aling Teodora na ibibigay niya kay Miko ang pagmamahal ng isang ina na hindi nito naranasan sa sariling ina. Mamahalin niya ito at aakuin na parang tunay na kaniya.

Advertisement