
Kinausap Siya ng Ina ng Kaniyang Nobyo Upang Hiwalayan Niya ang Anak Nito; May Mabigat na Dahilan Pala Ito
Masaya pa si Asela habang papasok sa restawran kung saan siya inayang makipagkita ng ina ng kaniyang nobyo. Nasasabik siya sa sasabihin nito. Aksidente kasi niya itong nakilala nang makasalubong nila ito sa mall habang nagde-date sila ni Vince noong isang linggo ngunit hindi naman naging matagal ang kanilang pag-uusap dahil nagmamadali itong umalis. Sa wari ni Asela ay gusto pa nitong makilala siya nang lubos.
“Hello po, tita! Kanina pa po kayo?” tanong niya nang sa wakas ay makalapit siya sa pwesto nito.
“Hindi naman, hija. Maupo ka,” sagot naman nito bago ito ngumiti at iginiya sa kaniya ang upuan sa harap nito.
“Bakit n’yo po pala gustong makipagkita sa akin, tita? Sabi n’yo po, may importante kayong sasabihin?” tanong pa niya.
Tumikhim ang ina ng kaniyang nobyo na si Tita Valerie. “Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, hija… gusto kong hiwalayan mo ang anak ko,” sagot naman nito na walang kagatul-gatol na agad na nagpawala sa magandang ngiting suot ni Asela…
“H-ho?!” Agad niyang naramdaman ang pag-uulap ng kaniyang mga mata. “Bakit naman po? Ayaw n’yo po ba sa akin? Dahil po ba mahirap lang ako?” sunod-sunod pang tanong niya na agad namang inilingan ng ginang.
“Hindi sa ganoon, anak. Sa totoo lang ay gustong-gusto kita… kaya lang ay hindi mo pa kilala ang anak ko. Sinusubukan lang kitang iligtas kaya sana ay makinig ka sa sinasabi ko,” sagot naman ng ginang na hindi kababakasan ng galit sa mukha. Nagtataka tuloy si Asela dahil sa mukha nito ay nakikita niya ang animo totoong pag-aalala para sa kaniya.
Ngunit wala siya sa wisyo para makinig sa sinasabi ng kaniyang obserbasyon ngayon. Naunahan siya ng galit dahil sa pag-aakalang gumagawa lamang ng dahilan ang ina ng kaniyang nobyo upang paghiwalayin sila dahil mahirap lang siya at galing ang mga ito sa isang mayamang pamilya.
“Hindi n’yo naman po kailangang siraan sa akin ang anak n’yo, ma’am. Kung ayaw n’yo po sa akin ay sabihin n’yo lang. Hindi ko ho ipagpipilitan ang sarili ko sa pamilya n’yo. Hayaan n’yo ho at pagkatapos ng usapan nating ito ay hihiwalayan ko agad ang anak n’yo!” puno ng hinanakit pang sabi niya sabay tayo sa kaniyang kinauupuan.
Hindi na niya binigyan pa ng pagkakataong magsalitang muli ang ginang at iniwan na niya ito roon. Tatakbo siyang lumabas sa nasabing restawran upang maghanap ng lugar na maaari niyang puntahan upang umiyak.
Sinubukan niyang tawagan si Vince upang sabihin ang nangyari sa kanila sa pagitan ng ina nito, ngunit hindi ito sumasagot sa mga tawag niya. Maging ang mga text niya ay hindi nito pinapansin, kaya naman lalong nadagdagan ang lungkot ni Asela.
Umuwi siyang bagsak ang balikat at namamaga ang mga mata. Hindi naman makapagtanong sa kaniya ang kaniyang ina dahil halos hindi na siya lumabas ng kwarto buhat noon. Ilang araw siyang halos nagmumukmok mag-isa, lalo pa at mula rin nang araw na iyon ay hindi na muli siyang kinausap ni Vince. Tila ba nakumbinsi na ito ng ina nito na hiwalayan siya.
Makalipas ang ilang linggo, sa wakas ay nagdesisyon na si Asela na kausapin si Vince nang personal. Balak niya itong puntahan sa opisina nito upang pormal na tapusin ang namamagitan sa kanila ng lalaki.
“Nandiyan po ba si Vince?” tanong niya sa receptionist sa building ng kompaniya nina Vince. Nagulat ito nang makita siya at hindi agad ito nakasagot. Napakunot naman ang noo ni Asela dahil doon.
“A-ah, sandali lang po, ma’am, ha? Iche-check ko lang po,” sabi pa nito na para bang may itinatago sa likod ng panginginig ng tinig nito.
Kinutuban si Asela dahil doon. Kaya naman hindi na niya hinintay pa ang sagot nito at dumiretso siya sa opisina ni Vince, para lang makitang may kasama itong babae roon at kahalikan nito iyon!
Napatakip siya sa kaniyang bibig. Hindi niya kinaya ang eksena kaya naman patakbo niyang nilisan ang opisina nito. Iyon pala ang sinasabi ng ina nito… babaero si Vince at gusto siyang iligtas nito sa sakit na maaaring idulot ng anak nito sa kaniya!
Hindi lang ’yon, dahil napag-alaman pa ni Asela na may asawa si Vince na nagbabakasyon lang sa ibang bansa. Siya pa pala ang magiging kabit kung nagkataon! Dahil doon ay malaki ang pasasalamat niya sa ina ni Vince dahil sa hindi nito pangungunsinti sa masamang gawain ng kaniyang anak.