Tinangkang Pagsamantalahan ng Lalaki ang Kanilang Kapitbahay na Dalagita; Isang Kakaiba ngunit Matapang na Binata pala ang Pipigil sa Kaniya

Tinangkang Pagsamantalahan ng Lalaki ang Kanilang Kapitbahay na Dalagita; Isang Kakaiba ngunit Matapang na Binata pala ang Pipigil sa Kaniya

InspiringLoveStories

Namumula na naman ang mata ni Tonyo nang gabing ’yon. Kagagaling lamang niya sa ‘tambayan’ nilang magbabarkada kung saan nila madalas gawin ang kanilang ‘trip’ pagdating sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot. High na high na naman ang mokong at hindi mapakali. Tila may hinahanap na naman ang kaniyang katawan na ngayon ay nag-iinit na naman.

Sa kaniyang paglalakad ay hindi sinasadyang nakasalubong niya ang isang grupo ng mga dalagitang noon ay naglalakad sa daan. Katatapos lamang na magsipag-istambayan ng mga ito sa court ng kanilang subdibisyon upang manood ng mga binatang nagba-basketball.

“Mga hija, sumama kayo sa akin,” panghaharang ni Tonyo sa mga ito nang mga sandaling ’yon habang nakaukit sa kaniyang mukha ang isang kakaibang ngisi na agad na nakapaghatid ng kilabot sa mga dalagita. Dahil doon ay mabilis na nagtakbuhan ang iba sa mga ito, ngunit may isang naiwang tulala at nanginginig ang tuhod dahil sa takot… si Nenita.

“Huwag po, Mang Tonyo!”

Tuwang-tuwa naman si Tonyo at lalong lumawak ang pagkakangisi. Agad niyang hinablot ang kamay ni Nenita sa kabila ng pagmamakaawa nito. Animo siya bingi sa palahaw ng bata at patuloy pa rin ang pagkaladkad niya sa kamay nito. Sabik na sabik siyang pagsamantalahan ang batang katawan nito.

Lingid sa kaalaman ni Tonyo ay kanina pa nagmamasid sa ’di kalayuan si Ron-Ron—ang binatang nilalayuan ng lahat dahil sa kakaibang hitsurang taglay nito. Ipinanganak kasi itong kuba. Bukod doon ay may malaki rin itong balat sa kaniyang mukha na nababalutan ng maitim na balahibo. Tampulan ito ng tukso sa kanilang lugar at walang ni isa man ang lumalapit sa kaniya. Walang ni isa man sa kaniyang mga kapitbahay ang nagtangkang magturing sa kaniya bilang ‘tao’ dahil ‘hayop’ ang tingin ng mga ito sa kaniya.

Ganoon pa man ay hindi pa rin iyon dahilan upang mawala ang kabutihan ng loob ni Ron-Ron, iyon ang dahilan kung bakit hindi niya kayang pabayaan ang nakikitang ginagawa ni Tonyo sa dalagitang si Nenita!

Inipon niya ang lahat ng kaniyang lakas ng loob. Humanap ng tiyempo si Ron-Ron. Nagmamasid sa kaniyang pinagtataguan habang hawak ang matigas na kahoy na balak niyang ipanlaban kay Tonyo. Nang sa wakas ay makakita siya ng pagkakataon ay ibinuhos niya ang lahat ng kaniyang lakas upang hampasin sa ulo si Tonyo! Ngunit hindi iyon naging sapat para pataubin ang lalaking lulong sa bisyo.

“Tigilan mo si Nenita, Tonyo! Maawa ka sa bata!” hiyaw ni Ron-Ron na agad namang nakakuha sa pansin ng nasaktang si Tonyo.

“Bakit nakikialam ka rito?!”

Galit na hinarap ni Tonyo si Ron-Ron na mabilis namang sinalo ang lahat ng ibibigay niyang ganti para lang makatakbo na si Nenita…

“Nenita, takbo!” sigaw ni Ron-Ron sa pagitan ng kaniyang mga pag-aray sa bawat suntok at tadyak na ibinibigay sa kaniya ni Tonyo.

Sumunod naman agad si Nenita sa sinabing ’yon ni Ron-Ron at mabilis na humingi ng tulong. Dahil doon ay naabutan nilang nagpapambuno ang dalawang lalaki. Agad na dinaluhan ng taumbayan si Ron-Ron habang si Tonyo naman ay kanilang pinagtulungan hanggang sa dumating na ang mga tanod na sinundan naman ng mga pulis.

Timbog ang mokong na si Tonyo na nang mahimasmasan ay sising-sisi sa kaniyang mga nagawa habang si Ron-Ron naman ay halos kagiliwan na ng lahat ng mga tao sa kanilang lugar. Siya na ngayon ay itinuturing nilang bayani. Nagbago ang tingin nila sa kaniya dahil sa ginawa niyang katapangan kahit pa hindi maganda ang trato sa kaniya ng mga tagaroon, kabilang na ang pamilya ng tinulungan niyang dalagita.

“Maraming salamat sa ginawa mong pagtulong sa anak namin. Pasensiya na sa lahat ng ginawa namin sa ’yo noon. Pangako, simula ngayon ay magbabago na kami at mas magiging mabuting tao na kami. Utang namin sa ’yo ang buhay ng anak namin,” anang ama ni Nenita bilang pasasalamat kay Ron-Ron.

Simula noon ay nag-umpisa na silang makita ang lahat ng mabubuting katangian ni Ron-Ron at hindi lang ang kaniyang hitsura. Natutunan nilang hindi nababase sa hitsura ng sinuman ang ugali nito, dahil mayroong ’tulad ni Tonyo na bagama’t nagmamay-ari ng maganda at maamong hitsura ay isa palang halimaw na handang mambiktima ng mga musmos na walang kalaban-laban, at mayroon namang katulad ni Ron-Ron na may kakaibang anyo ngunit busilak ang kalooban at handang tumulong sa sinuman, kahit pa sa mga taong dating nang-api sa kaniya.

More Stories