Pinagbintangan ng Lalaking Ito na Magnanakaw ang Isang Batang Inakala Niyang Pulubi; Mababaliktad pala ang Sitwasyon nila sa Huli

Pinagbintangan ng Lalaking Ito na Magnanakaw ang Isang Batang Inakala Niyang Pulubi; Mababaliktad pala ang Sitwasyon nila sa Huli

HeartbreakingKarmaStories

Kalalabas lang nina Dario sa opisina kasama ang kaniyang mga katrabaho dahil oras na ng pananghalian. Balak nilang kumain noon sa isang fastfood chain, ngunit hindi sinasadyang nakita nila ang kanilang boss na noon ay kakain din pala sa isang eleganteng restawran na malapit sa kanilang opisina.

“Halina kayo, samahan n’yo kaming kumain ng anak ko. Ako ang taya,” magiliw na aya nito sa kanila.

Bagama’t nahihiya sina Dario na paunlakan ang alok nito ay wala na silang nagawa pa dahil talagang nagpumilit ang kanilang ‘big boss’ na si Mr. Choi na noon pa man ay mabuti nang makitungo sa kanilang mga empleyado lamang naman nito. Dahil doon ay kinagigiliwan tuloy ito ng lahat.

“O, dito muna kayo. Susunduin ko lang ang anak ko at kukunin ko ang wallet ko sa kotse. Naiwan ko kasi roon,” paalam ng kanilang boss bago umalis.

“Napakabait talaga n’yang si boss, ano?” komento ng isa sa mga katrabaho ni Dario na agad namang nagpangisi sa kaniya.

“Napakabait nga,” sagot naman ni Dario. ‘Sa sobrang bait, hindi niya alam na naloloko na siya ng mga empleyado niya’

Maya-maya pa, isang bata ang bigla na lang pumasok sa naturang restawran at naglakad sa harapan nina Dario. Marungis ito at mukhang pulubi, kaya nagtataka sila kung papaanong nakapasok ang batang ito sa ganoong klaseng restawran.

Akmang tatawag na sana si Dario ng guwardiya upang mapalabas ang nasabing bata nang may mapansin siyang hawak-hawak nito sa kaniyang kamay—isang pitaka. Hindi lang iyon basta pitaka, dahil narerekognisa niya ’yon bilang pagmamay-ari ng kanilang boss na si Mr. Choi.

“Hoy, bata! Pitaka ng boss namin ’yan, a! Bakit mo kinuha?!” hiyaw niya na agad namang ikinagulat ng nasabing bata.

“P-po? Hindi ko po kinuha ’to!” katuwiran naman nito, ngunit ayaw niyang pakinggan ang paliwanag nito.

“Magnanakaw ka! Ninakaw mo ’yan!” hiyaw niya pa bago siya tumawag ng guwardiya upang ipahuli ang bata.

“Bakit kayo nagpapapasok ng pulubi rito? Hindi ba’t puro may mga sinabi sa buhay ang kadalasang kostumer n’yo? Tapos magnanakaw pa ’to!” Itinuro pa ni Dario ang bata sa guwardiya.

“Pero, sir—”

“Walang pero-pero! Hulihin n’yo ang batang ’to, dahil ninakaw niya ang pitaka ng boss namin!” aniya pa, ngunit bago pa siya muling nakapagsalita ay sumulpot na si Mr. Choi sa kanilang harapan.

“Hindi sa akin ang pitakang ’yan. Sa kaniya ’yan dahil ako ang nagbigay n’yan sa kaniya. Pareho kami ng pitaka ng anak ko,” seryosong pag-iimporma nito sa kanila na ikinapahiya naman ni Dario.

“A-anak n’yo po? S-sorry, sir, hindi ko alam na—”

“Sana, bago ka manita ng ‘pagnanakaw’ ng iba ay magawa mo munang isuplong ang sarili mo,” putol naman ni Mr. Choi ngayon sa sinasabi niya.

“A-ano po’ng ibig ninyong sabihin, sir?” Biglang rumagasa ang kaba sa dibdib ni Dario. Ayaw man niyang isipin ay mukhang alam na niya ang tinutukoy nito.

“Akala mo ba hindi ko alam ang tungkol sa ginagawa n’yong anomalya sa kompaniya ko, Dario? Kayo ng mga kasama mo?” Umiling-iling ang kanilang boss. “Hindi magiging ganito katagumpay ang kompaniyang binuo ko kung totoo ang akala ninyong nagpapauto lang ako sa mga katulad ninyo. Hinayaan ko lang kayong magpatuloy sa ginagawa ninyo para makakuha ako ng sapat na ebidensya na maaari kong gamitin laban sa inyo… at ngayon ay oras na para ako naman ang bumawi,” dagdag pa ng kanilang boss bago nito binalingan ang anak.

“Anak, bumalik ka muna sa sasakyan at bibili tayo ng bagong damit mo. Sa susunod, huwag kang makikipagpalit ng damit sa ibang bata, ha? Kung gusto mong magbigay ay magsabi ka sa akin,” anito na agad namang tinalima ng anak.

Maya-maya pa ay dumating na ang mga pulis sa lugar kung nasaan sila upang hulihin sina Dario at ang kaniyang mga kasamang pawang kasabwat niya sa ginagawa nilang anomalya sa kompaniyang pinagtatrabahuhan. Halos hindi pa rin makapaniwala si Dario kung papaanong mabilis na nabaliktad ang sitwasyon nila ng batang kanina lang ay muntik na niyang ipahuli dahil napagkamalan niya itong pulubi.

Ngayon ay siya pa pala ang mamamalagi sa likod ng bakal na rehas, at mukhang matatagalan pa bago siya makaalis doon.

More Stories