Gusto ng Sampung Taong Bata na Bilhin ang Damit na Nagustuhan ng Ina; May Tumanggap Kaya sa Kaniya Bilang Trabahante?

“Kumapit ka sa kamay ko, Sabrina ah,” nakangiting wika ni Maine sa anak. “Maglalakad lang tayong pauwi, kasi wala ng pera si mama,” dugtong nito saka alanganing ngumiti.

Tumango-tango naman si Sabrina saka manipis na ngumiti. Sampung taon na si Sabrina at kahit papaano’y naiintindihan na niya ang nangyayari sa kanyang paligid. Naiintindihan niya kung bakit palagi na lang ang Mama Maine niya ang lagi niyang kasama kasi ipinagbubuntis pa lang siya’y iniwan na ito ng kaniyang walang hiyang ama.

Naiintinidihan niya na rin na ang mama niya lang ang bumubuhay sa kanya kaya kapag sinabi nitong wala pa silang pera dahil malayo pa ulit ang sahod nito’y kinailangan talaga nilang magtipid at maglakad pauwi.

Habang naglalakad ay hawak ng ina ang kaniyang kamay. Nagulat siya nang bigla itong tumigil sa paglalakad at pinagmasdan ang mannequin na may suot na magandang damit.

Nakita niya ang pagkislap ng mga mata ng ina at ang kagustuhan nitong bilhin ang magandang damit na suot ng mannequin, kaso dagli ring nawala iyon at natabunan ng panghihinayang.

“Bakit mama?” Tanong ni Sabrina sa ina.

Umiling si Maine saka malungkot na ngumiti. “Maganda sana kaso wala tayong buget para d’yan anak e,” dismayadong wika nito. “Tignan mo oh,” turo pa nito sa maliit na mannequin na kagaya no’ng malaki’y parehas sila ng damit na animo’y twinnie ang dalawa. “Bagay sana ‘yan sa’yo at sa’kin, ‘nak. Kaso wala pang pera si mama e,” nakalabing dugtong nito.

“Mahal ba iyan, mama?”

Advertisement

Niyuko siya ng ina saka nginitian. “Kung mayaman sana tayo, malamang mura lang iyan. Kaso mahirap lang si mama kaya mahal ang presyo niyan panigurado,” biro pa nito.

Matapos pagsawain ang mga mata nilang titigan ang magandang damit ay nag-aya na ang inang magpatuloy sa paglalakad. Ngunit kahit hindi na niya nakikita ang damit ay patuloy pa ring nag-iisip si Sabrina kung ano kaya ang dapat niyang gawin para mabili ang damit na gusto ng ina.

“Ano? Bakit ka naman nakikiusap nang ganyan sa’kin, Sabrina?” Gulat na sambit ni Mrs. Lily Dela Cruz.

Nakikiusap kasi siya sa guro na siya na muna ang papalit sa janitor na naglilinis sa eskwelahan nila na nag-leave ng isang Linggo dahil kinailangan nitong umuwi sa probinsya. Kailangan lamang niyang magkaroon ng pera para mabili ang gustong damit ng ina.

“Napaka-bata mo pa, Sabrina para magtrabaho. Saka baka kasuhan ang eskwelahan kapag nalamang tumanggap kami ng minor de edad na trabahante,” mariing tanggi ni Mrs. Dela Cruz.

Walang nagawa si Sabrina dahil mariin siyang tinanggihan ng guro. Hahanap na lamang siya ng ibang paraan. Akmang aalis na siya sa loob ng opisina nito nang muli itong magsalita.

“Ano bang gagawin mo sa pera?”

“Ibibili ko lang po sana ng damit ng nanay ko, ma’am,” paliwanag niya.

Advertisement

Matapos ipaliwanag ang lahat ay saka lamang naintindihan ng kaniyang guro ang kaniyang rason. Imbes na maging janitor ay inalok siya nitong maging bantay nang canten kapag break time at muli ring babalik kapag may klase na.

Isang Linggong naging bantay si Sabrina sa canten. Bago pa man mag-ring ang bell sa buong eskwelahan ay naroon na siya sa canteen upang ayusin ang mga paninda at kapag tapos na ang break time ay bibilangin na muna niya ang benta saka babalik sa klase. Bago din mag-uwian ay tumutulong siyang iligpit ang mga paninda, saka uuwi.

Matapos ang isang Linggo sa wakas ay natanggap na niya ang kaniyang unang sahod. Masaya siyang umuwi at kailangan niyang pang dumaan sa bilihan ng damit at walang pagdadawalang isip na binili iyon.

“Saan mo nakuha ang perang pinambili nito, Sabrina?” Ngtatakang tanong ng ina.

“Nakiusap po ako kay Mrs. Dela Cruz na kung maaari ay bigyan niya ako ng trabaho para mabili ko ang damit na gusto ninyo. Pinagbantay niya ako ng canteen sa tuwing break time, saka babalik naman agad kapag tapos na. Bago ako umuwi ay tinutulungan ko muna siyang iligpit ang mga paninda. Tuwing Linggo ay sasahuran niya ako. Kaya iyan mama, nabili ko na po ang gusto niyong damit,” nakangiting paliwanag ni Sabrina.

Mangiyak-ngiyak na niyakap naman ni Maine ang anak. “Salamat, anak,” puno ng emosyong sambit nito. “Pasensya ka na kung hindi ako perpektong mama ah. Marami akong bagay na hindi kayang ibigay sa’yo, salamat at naiintindihan mo ako. Ang swerte ko kasi ikaw ang naging anak ko, Sabrina.”

“Marami man akong bagay na hindi pa kayang intindihin sa ngayon mama, pero alam kong mahal mo ako at handa kang ibigay ang makakaya mo. Mahal kita mama, kaya nandito ako para tulungan ka,” ani Sabrina na animo’y isang malaking tao na kung magsalita.

Niyakap na lamang nang mahigpit ni Maine ang anak, at mayamaya lang ay pareho nilang sinukat ang binili nitong damit. Tuwang-tuwa naman sila nang makitang bagay nga sa kanilang mag-ina ang damit.

Advertisement

Mahirap talagang maging single parent, maraming bagay ang hindi mo kayang ibigay sa anak mo lalo na’t ikaw lang ang kumakayod upang pareho kayong mabuhay sa mundo. Minsan pa nga’y ‘di baleng walang sa’yo, basta meron lang ang anak mo.

Pero kahit gano’n ang pagiging isang magulang, ito ang pinakamasayang magpapa-kumpleto sa isang tao, kahit na madalas ay mahirap ang tungkuling ito.