
Inaapi ng mga Estudyante ang Kamag-aral na may Kapansanan; Ito pa Pala ang Magliligtas sa Kanila sa Kapahamakan
“May nagbabarena na naman ng daan!” kantiyaw ni Lance habang nakangisi sa pilay niyang kamag-aral na si Boni.
“Oh, dali, paunahan na! Ang maiwan, magdadala ng baon para sa ating lima bukas!” wika naman ni Argel habang nagsusumakit ang tiyan sa katatawa.
Tila manhid na si Boni sa pangangantiyaw ng apat na kamag-aral sa araw-araw.
Pag-uwi ng bahay ay ibinato na lamang niya ang bag sa ibabaw ng kama at agad natulog.
“Nak, kain na!” paanyaya ng ina ni Boni na si Aling Rosa.
Gulat na gulat ito nang makita ang bag ng anak. May guhit na naman ito na hugis ari ng lalaki at kung ano-ano pang kabastusan.
Napahagulgol sa nakita si Aling Rosa. Alam niya na kung sino ang may gawa noon sa anak at kahit pa harapin niya ang mga walang pusong kamag-aral nito’y wala naman iyong mabuting naidulot. Palibhasa’y apo ng prinsipal ang isa sa kanila at ang isa naman ay anak ng kapitan ng kanilang barangay.
Gusto niyang sisihin ang sarili sapagkat sa edad na 45 ay pinilit pa nilang magka-anak ng asawang si Mang Ruben na noon ay 50 anyos na.
“Kaya siguro napilay ang anak mo dahil hindi na kaya ng katawan mong magbuntis. Pilit na pilit. Mantakin mo namang 45 ka na nang manganak,” pangungutya ng kapitbahay nilang si Aling Ising.
Gaya ng nakasanayan ay hindi na lamang ito pinatulan ni Aling Rosa.
“Kung nabubuhay lamang si Ruben… Hindi nila kami makakayan-kayanan,” wika niya sa sarili.
Pumanaw si Mang Ruben dahil sa atake sa puso limang taon na ang nakalipas. Kahit paano naman ay may naiwan itong mga ari-arian. Pinakaimportante dito ay ang educational plan ni Boni at ang kanilang sariling tahanan.
Gustuhin mang lumipat ng eskuwelahan ng anak ay hindi niya ito pinahihintulutan.
“Ito na lamang ang tanging naipamana sa iyo ng tatay mo sa halos 30 taong paninilbihan niya sa pinapasukan niyang kumpanya, hindi ka aalis sa eskuwelahang iyan sapagkat iyan ang pinakaprestihiyoso at pinakamahusay na eskuwelahan sa ating siyudad,” pirme niyang pagpapaliwanag sa anak.
Labis ang bigat na nararamdaman ni Boni tuwing naiisip niya ang eskuwelahan at pag-aaral. Malamang pagkatapos ng hayskul ay doon din sila sa unibersidad na iyon papasok ng kolehiyo.
Tila wala nang katapusan ang kaniyang kalbaryo.
Kinaumagahan ay agad naghanda ang binatilyo upang makapagprepara ng baon para sa apat na kamag-aral.
Kapag hindi niya sila pinagdala ng pagkain ay siguradong sasaktan na naman siya ng mga ito at ipapahiya.“Anak, bakit napakaaga mo namang gumising?” nag-aalalang tanong ni Aling Rosa.“Wala po, nay. May inayos lang,” tipid niyang sagot.
Nang papasok na’y halos manginig siya sa takot nang makasabay ang apat na salbaheng kaklase. Sadya niyang binagalan ang paglalakad upang hindi mapansin ng mga ito.
“Walang kikilos ng masama! Sakay!” nabitawan ni Boni ang hawak na paperbag nang marinig ang nakakatakot na boses ng isang kalaking may hawak na baril.
May kasama itong apat pang kalalakihan na malaki ang katawan. Dali-daling sinakay sa isang puting van ang mga binatilyo habang nagpupumiglas ang mga ito.
Agad namang nagtago si Boni nang lumingon ang isang lalaki.Kilalang-kilala niya ang lalaking iyon. Ito si Mang Carpio, ang janitor ng kanilang eskuwelahan.
Nagmamadaling kinuhanan ng bidyo ni Boni ang sasakyan nang makasakay na ang mga lalaki at sakto pang biglang bumukas ang pinto nito at nalaglag ang nagpupumiglas na kamag-aral na si Lance. Bigla rin namang hinablot ni Mang Carpio si Lance at muling sinakay sa van. Rumaragasa paalis ang van.
Humahangos na naglakad si Boni papuntang sakayan ng traysikel at dumiretso siya sa presinto upang ipakita ang nakuhaang bidyo.Agad ring umaksyon ang mga pulis kasabay ng pagtawag sa mga magulang ng mga batang dinampot. Nagutos ang tinyente na magsagawa ng mga checkpoint sa mga lugar na tiyak na daraanan ng mga ito.
Dahil sa agad na natukoy ang mga suspek at ang plate number ng sasakyan sa pamamagitan ng bidyong hawak ni Boni ay agad ring natunton ng mga pulis ang mga suspek. Naharang ang mga ito sa isang checkpoint.Pagdating sa presinto’y tila nagbago ang ohio ng hangin. Naabutan ni Aling Rosa ang anak na yakap yakap ng kapitan ng kanilang barangay na humahagulgol at nagpapasalamat sa anak.
“Bayani ang anak ninyo, Aling Rosa!” bigla naman din siyang sinalubong ng yakap ng prinsipal.
Nang magkitang muli si Boni at mga kamag-aral ay halos lumuhod ang mga ito sa paghingi ng tawad sa kanilang kasamaan.
Ginawaran si Boni ng medalya na sumasagisag sa kaniyang kabayanihan.
Mula noon ay naging masaya na si Boni tuwing papasok sa eskuwelahan.Bantay sarado naman ang mga batang dinampot pati na rin ang buo nilang paaralan.
Sa huli ay talagang mananaig ang kabutihan kaysa kasamaan kaya’t hindi tayo dapat mawawalan ng pag-asa sa buhay.